Botong-boto ang Ginang sa Bagong Nobya ng Kaniyang Anak, Naiyak Siya nang Makitang Nasasaktan ang Binata

“Iyon na ba ang bagong nobya ng anak mo, Kina?” pang-uusisa ni Goya sa kaniyang kumare, isang umaga nang bumili siya sa sari-sari store nito at saktong labas ng anak nito at ang naturang dalaga.

“Oo, mare, pangmodelo ang ganda at tangkad, ano? Gustong-gusto ko na nga magkaapo sa kanila, eh. Sigurado kasi ako, magiging gwapo at maganda ang anak nila,” sagot ni Kina saka inabot ang binibili nitong bigas. 

“Kilala mo na ba ng lubusan ‘yong babae? Balita ko kasi, bayaran daw ‘yan doon sa isang bar sa bayan at marami na raw anak ‘yan sa iba’t ibang lalaki,” tsismis nito sa kaniya dahilan upang mapakunot ang noo niya.

“Nagpapaniwala ka ro’n? Paniguradong tsismis lang ‘yan! Kitang-kita mo naman ang katawan niya, dalagang-dalaga! Imposibleng nanganak na ‘yon!” sambit niya rito saka niya binigay ang sukli nito.

“Naku, ikaw ang bahala, basta ako, binalaan kita,” wika pa nito.

“Ang sabihin mo, naiinggit ka lang kasi ang mga nagiging nobya ng anak mo, mukhang mga bayaran!” bulyaw niya rito dahilan upang ito’y mapangisi at tila nang-iinis.

“Mukha lang, pero mababait naman at tumutulong sa akin magnegosyo,” sabi nito saka agad na umalis sa tapat ng kaniyang tindahan, inis na inis man siya, pinigilan niya ang sarili niya.

Botong-boto ang ginang na si Kina sa bagong nobya ng kaniyang anak. Bukod kasi sa palagi siya nitong binibigyan ng kung anu-anong pasalubong na pagkain at gamit sa tuwing dadalaw ito sa bahay nila, napakaganda at sexy pa nito dahilan upang labis niya itong magustuhan para sa kaniyang anak.

Advertisement

Sa katunayan pa nga, kahit wala pang isang taon ang relasyon ng naturang dalagang ito pati ng kaniyang anak, sinasabihan na niya ang mga ito na magkaanak na. Wika niya, “Tutal may sari-sarili na kayong trabaho, bakit hindi pa kayo mag-anak? Panigurado, ang gugwapo at ang gaganda ng mga magiging apo ko sa inyong dalawa!”

Laking tuwa niya naman dahil sinunod ito ng kaniyang anak at tuluyan ngang nagdalang tao ang naturang dalaga.

At kahit napakaraming masasamang balitang natatanggap niya tungkol sa manugang niyang ito, hindi niya ito pinakikinggan. Rason niya, “Ako ang mas nakakakilala sa manugang ko!”

Ilang buwan pa ang lumipas, tuluyan na ngang nagsilang ng kambal na babae ang manugang niyang ito. Ganoon na lang ang tuwa niya nant makitang ang mapupusyaw ang kulay ng dalawang ito, matangos ang ilong, malago ang buhok at malulusog dahilan upang mapatalon-talon siya sa saya habang pinagmamasdan ang mga ito.

Ngunit, ilang buwan pa ang lumipas simula nang ito’y manganak, tila lumabas ang tunay na ugali nito. Bukod sa hindi ito tumutulong sa gawaing bahay, palagi pa itong umaalis ng hindi nagpapaalam at iniiwan ang mga anak sa kaniya nang wala man lang gatas o kahit diaper na nakahanda.

Siya pa ang bumili ng gatas ng mga ito tuwing umiiyak at nagugutom ang mga ito. Pagsabihan man niya ito sa tuwing uuwi na parang walang nangyari, hindi siya kinikibo nito at agad na natutulog habang hinahayaang umiyak ang mga anak dahilan upang labis siyang manggigil.

Isinumbong niya ito sa kaniyang anak ngunit hindi ito naniwala.

“Imposibleng pabayaan niya ang mga anak namin, mama. Saka, saan naman siya pupunta para umalis ng gano’ng katagal?” sambit nito dahilan upang magpasiya siyang huliin ito.

Advertisement

Isang araw, pagkaalis ng kaniyang anak upang magtungo sa isang linggong trabaho sa Maynila, agad na tumakas ang kaniyang manugang. Kitang-kita niya sa CCTV camera ng kaniyang tindahan ang pag-alis nito. Alam niyang walang bantay ang kaniyang mga apo kaya naman agad niya itong pinuntahan at pinaalaga muna sa kapatid niya.

Sinundan niya ang manugang niyang ito, gamit ang kaniyang selpon, kinuhanan niya ito ng bidyo habang nag-aabang sa tapat ng isang malaking bahay.

Mayamaya pa, pinapasok ito ng guwadiya ro’n dahilan upang labis siyang magtaka at tanungin ang naturang gwardiya.

“Iyong babaeng kakapasok lang po? Bagong asawa po ‘yon ng boss namin dito. Bakit po?” sambit nito na labis niyang ikinagulat.

Agad niyang tinawagan ang kaniyang anak at pinasa rito ang bidyong nakuhanan niya. Agad itong lumiban sa trabaho at umuwi sa kanilang probinsya.

Saktong-saktong pagkauwi nito, wala pa ang naturang babae. Nagtungo sila sa bahay na iyon at doon ito kinompronta ng kaniyang anak.

Imbis na magulat, agad na nakipaghiwalay ang babaeng ito sa kaniyang anak. Pati nga apo niya, pilit nitong kinuha dahilan upang maiyak na lang siya habang nakikitang nasasaktan ang anak.

“Tama nga ang kumare ko, ganito ang istilo ng babaeng ‘to. Manggagamit!” sambit niya saka mahigpit na niyakap ang anak niyang humagulgol sa kalsada.

Advertisement

Doon niya napagtantong hindi dapat sa pisikal na itsura bumabase kung hindi sa ugali.