Inday TrendingInday Trending
Hindi Nasasarapan ang Biyenan sa Luto ng Isang Babae; Ganito Niya Napatunayan na Mali ang Ina ng Mister

Hindi Nasasarapan ang Biyenan sa Luto ng Isang Babae; Ganito Niya Napatunayan na Mali ang Ina ng Mister

“Hay, salamat at luto na rin itong mechado. Tiyak ko ay magugustuhan ng asawa ko ito pag-uwi niya. Hindi na ako makapaghintay na tikman niya ito,” nakangiting saad ni Joy sa kaniyang sarili.

Unang beses pa lamang kasi ni Joy na maipagluluto ang kaniyang asawa. Bagong kasal pa lamang sila at kasalukuyang nakatira sa piling ng mga magulang ng lalaki. Wala pa kasing kakayahan ang dalawa upang bumukod at kagustuhan na rin ng kaniyang asawang si Lino na pansamantala muna silang mamalagi sa bahay ng kaniyang mga magulang upang makapag-ipon.

“Ano itong niluto mo, Joy?” tanong ng biyenang si Aling Rosing.

“Mechado po, mama. Alam ko po kasing paborito ni Lino ang putaheng iyan kaya pinag-aaralan ko,” masayang tugon ng manugang.

“Ngunit hindi tama ang iyong pagluluto. Tingnan mo ang sabaw masyadong lumulutang sa mantika. Saka hindi malambot ang karne. Hindi ganiyan ang gustong luto ng anak ko,” wika ni Aling Rosing.

“Hay, mabuti pa na h’wag ka nang makialam pa dito sa kusina. Sa tingin ko ay hindi ka naman talaga marunong magluto. Saka hindi kumakain ng ibang luto ang anak ko kung hindi ang luto ko lamang,” dagdag pa ng ginang.

“Pasensiya na po. Gusto ko lang naman pong pagsilbihan si Lino. Sa tingin ko din po kasi ay masarap naman ang pagkakaluto. Hayaan niyo po at pag-aaralan ko pa po,” tugon ni Joy sa kaniyang byenan.

Bigla na lamang napalitan ng lungkot ang sayang nararamdaman ni Joy kanina.

Nang makauwi ang asawa ay hinayaan na lamang ni Aling Rosing na ihain ang mechado.

“Alam ko ay sasang-ayon sa akin ang anak at asawa ko na hindi masarap ang luto nitong si Joy. Walang binatbat ang kaniyang luto sa luto ko,” napapailing na lamang ang ina.

Nang kumain na sila ng hapunan ay maraming napapansin si Aling Rosing sa naihaing mechado.

“Sa susunod Joy ay pakuluan mo pa ng maigi ang karne. O kaya sa susunod ay hayaan mo na lang akong magluto para hindi nasasayang ang sangkap,” saad ng matanda.

Nakayuko na lamang sa kahihiyan ang kaniyang manugang.

“Ngunit masarap naman po ang lutong mechado ni Joy. Busog na busog nga po ako,” saad ni Lino sa ina.

“Maraming salamat, mahal, at pinagluto mo ako. Napakasarap mo pa lang magluto. Lalo akong nahuhulog sa iyo,” bulong niya sa asawa.

“Binobola mo lang ako para h’wag akong masaktan,” sambit ng misis nito.

“Hindi kita niloloko! Ang mechado mo ang pinakamasarap na ulam na natikman ko!” muling wika ni Lino.

“Kaya h’wag ka nang malungkot diyan. Pabayaan mo na si mama. Hindi lang sanay ‘yun na may ibang umaasikaso sa akin. Darating din ang panahon na matatanggap din niyang may asawa na ako,” dagdag pa ng mister.

“Mas mainam talaga, Lino, na nakabukod na tayo, ano? Marami kasi akong nais gawin. Nais kitang pagsilbihan at alagaan ngunit hindi ko naman magawa dahil palaging may nasasabi ang mama mo sa akin,” pahayag ni Joy.

“Pagpasensiyahan mo na siya. Kapag nakaipon tayo ay bubukod din tayo, mahal. Sa ngayon ay makisama muna tayo,” paliwanag naman ni Lino.

Kaya ganito na lamang ang ginawa ni Joy. Ang mahalaga kasi para sa kaniya ay ang sinasabi ng kaniyang asawa. Pilit siyang nakisama sa kaniyang biyenan. Pilit niyang tinitiis ang mga sinasabi nitong hindi maganda lalo na sa tuwing ipinagluluto niya ang kaniyang asawa.

“Bakit ba pilit kang nakikialam sa kusina, Joy. Nasabihan lang ka lang ng anak ko na masarap ang luto mo ay pakiramdam mo na’y bihasa ka. Tingnan mo ang niluluto mo, mali ang hiwa at ang mga gulay, bugb*g na masyado. Kulang sa alat. Hindi ka ba tinuruan ng mga magulang mo sa gawaing bahay?” pagpuna muli ng biyenan.

Hindi na sana ito papansinin ni Joy sapagkat ang iniluto naman niya ay para sa asawa. Ngunit walang tigil si Aling Rosing sa pagsasalita nang masakit.

“Mabuti pa ay umakyat ka na lamang sa silid ninyo at doon ka na lang. Hayaan mo na ako ang magluto dito sa bahay. Titiisin ko na naman ang luto mong hindi masarap!” sambit muli ng biyenan.

Hindi na nakapagpigil pa si Joy at sinabi na sa kaniyang asawa na hindi na niya makakayanan pa ang manatili kasama ang ina nito.

“Hindi niya kailangang hamakin ang pagkatao ko, Lino. Paano ako matututo na maging asawa sa iyo kung sa bawat kilos ko ay may nasasabi siyang masama? Pinipilit ko naman na pakisamahan siya ngunit tila wala talagang magaling sa kaniya,” wika niya sa mister.

Dahil ayaw na rin ni Lino na bigyan pa ng hinanakit ang kaniyang asawa ay mas minabuti na rin niya na bumukod sila. Kahit na sakto lamang ang kanilang panggastos ay pilit na itinatawid ng dalawa ang kanilang pamumuhay.

“Mahal, sa tingin ko ay nais kong magtayo ng isang karinderya. Sayang kasi ang dami ng tao dito sa lugar natin at ang pwestoi nitong inuupahan natin. Saka wala akong nakikitang malapit na karinderya. Para kahit paano ay makatulong din sa panggastos natin,” mungkahi ni Joy sa asawa.

Agad naman itong sinang-ayunan ng mister.

Samantala ay masama pa rin ang loob ni Aling Rosing sa pagkakaalis ng anak sa kanilang bahay. Nang dalawin niya ito sa bago nilang tinitirhan ay nakita niyang nagtayo pala ng karinderya itong si Joy.

“Ang lakas din naman ng loob mo na magtayo pa ng karinderya. Hindi naman masarap ang luto mo. Tiyak ko ay lalangawin ang tindahang ito,” saad ni Aling Rosing habang isa-isang tinitingnan ang inihandang putahe ng manugang.

“Aba! Talagang pinipilit mo ang mechado na ito. Natatawa na lang ako sa’yo, Joy. Hindi ka talaga napagsasabihan,” wika pa ng biyenan.

Ilang sandali pa ay may ilang tao na kumakain sa karinderya ni Joy. Pinili ng mga ito ang mechado. Naghihintay naman si Aling Rosing sa hindi magagandang opinyon ng mga ito ngunit taliwas ang kaniyang narinig.

“Panalo ang mechado niyo rito! Eksperto ang pagkakaluto. Malamang ko ay kayo po ang nagluto nito?” saad ng isang lalaki kay Aling Rosing.

“Napakasarap! Babalik kami ulit at magsasama pa ng ibang kasamahan bukas. May bago na kaming kakainan. Kung ganito kasarap ang ulam ay hindi ako magsasawa,” saad pa ng isang lalaki.

Lubusang napahiya si Aling Rosing dahil sa kaniyang mga narinig. Dahil na rin sa naging laman ng usapan ang sarap ng luto ni Joy ay madalas dagsain ng tao ang kaniyang karinderya. Hindi akalain ni Joy na ang negosyo niyang ito ang magdadala pa sa kanila ng asawa ng mas malaking kita.

Natameme na lamang si Aling Rosing habang pinapanood ang pag-unlad ng buhay ng mag-asawa sa tulong na rin ng karinderya ni Joy at ng kaniyang masasarap na luto.

Advertisement