Pinag-aral ng Ginang ang Kaniyang Kasambahay Kahit na Marami ang Tutol; Ito ang Isinukli ng Dalaga
“Sigurado ka ba sa desisyon mong iyan, Tessa? Ni hindi mo kilala ang pagkatao ng batang iyan,” tanong ni Mayra, kapatid ng ginang nang iniuwi niya ang isang dalagita sa kanilang tahanan.
“Madalas kong makita ang batang ito sa tuwing mamimili ako. Ang alam ko ay wala na siyang mga magulang at nakatira na lamang sa kalsada. Kawawa naman kung pababayaan ko doon,” tugon ni Tessa sa kapatid.
“Ngunit hindi mo lubusang kilala ‘yan. Baka mamaya ay nagsisinungaling lang sa iyo ‘yan at kung ano ang gawin sa inyo ni Kuya Raul kung nakatalikod na kayo. Baka mamaya ay may mga kasabwat iyan,” patuloy sa pagtutol ang ginang.
“Sa tingin ko naman ay hindi siya ganoon. Saka kailangan ko rin ng kasambahay para sa gayon ay matutukan ko ang pag-aalaga sa kuya mo,” pahayag ni Tessa.
Dalawang taon na kasi buhat ng ma-istroke ang kaniyang asawang si Raul. Hindi naman sila biniyayaan din ng anak kaya solong katawan lang ni Tessa ang pag-aalaga sa asawa at pag-aasikaso sa kanilang negosyong bigasan.
Sa tuwing namimili si Tessa ay madalas siyang tulungan ng dalagitang si Angelita. Dahil doon ay napalapit ang kaniyang loob lalo na nang malaman ng ginang na wala na itong pamilya dahil namayapa na ang ina nito at ang kaniya namang ama ay inabandona na siya. Kahit mahirap ay pilit na itinatawid ni Angelita ang sarili sa lansangan.
Ngunit hindi pabor ang ilang kaanak ng ginang sa kaniyang ginawa dahil sa pag-iisip nila ng hindi maganda kay Angelita. Hindi naman din sila masisisi dahil wala silang alam sa tunay na katauhan ng dalaga.
Nanirahan si Angelita bilang isang kasambahay kila Tessa at Raul. Tinutulungan niya ang ginang nang sa gayon ay mas matutukan din nito ang kanilang negosyo. Dahil sa kabaitan na ipinapakita ni Angelita ay nagdesisyon si Tessa na pag-aralin ito.
Lubos ang kaligayahan ng dalaga sapagkat pangarap niya ang makatuntong ng eskwela.
“Nasisiraan ka na talaga ng bait, Tessa. Ngayon naman ay gusto mong pag-aralin. Alam kong wala kang anak pero alam mo ba ang ginagawa mo?” muling tutol ni Mayra sa kapatid.
“Mabuting bata si Angelita. Bakit ba hindi niyo pa tigilan ang pag-iisip sa kaniya ng hindi maganda? Matagal na siyang narito at nasubukan ko na ang kaniyang katapatan sa amin,” pagtatanggol ni Tessa sa dalaga.
“Ang sinasabi ko ay hindi mo na responsibilidad ‘yan. Pumasok siya sa iyo bilang kasambahay. Bakit hindi mo na lamang gamitin ang pera para sa panggastos niyo ni Kuya Raul. Saka marami tayong pamangkin na p’wede mong pag-aralin,” muling sambit ng kapatid.
“Marami nga. Hindi ba ay pinag-aral ko sila ngunit ano ang kanilang ginawa. Hindi nila pinagbuti ang kanilang pag-aaral,” tugon ni Tessa.
Kahit na marami ang hindi sang-ayon kay Tessa ay itinuloy pa rin niya ang kaniyang balak na pag-aralin ang dalaga. Dahil nga labing limang taong gulang na ito at hindi pa rin nakakatuntong sa paaralan ay tinulungan niya para makakuha ito ng acceleration exam.
Hindi naman nabigo si Tessa dahil nagsikap si Angelita na maipasa ito. Ang akala ni Angelita ay tanging sa hayskul lamang siya susuportahan ng ginang. Laking tuwa niya nang sabihin ng kaniyang amo na tutuloy siya sa kolehiyo.
Ngunit hindi dito nahinto ang mga sinasabi ng ilang kaanak ng ginang.
“Walang kahihinatnan ang pagpapaaral mo riyan, Tessa. At talagang itinuloy mo pa hanggang sa kolehiyo. Tumatanda ka na. Dapat ay inipon mo na lang ang pera para sa iyong sarili,” sambit ng isang kaanak.
Muli ay hindi ito pinakinggan ni Tessa. Sinuportahan niya pa rin si Angelita hanggang sa ito ay makatapos ng kursong Nursing.
Lumipas ang mga taon at tuluyan na ring namaalam ang asawa ng ginang. Halos kainin naman ng kalungkutan si Tessa sa pagkawala ng asawa. Unti-unti ay tila nawalan ito ng gana sa buhay. Kahit na pilit lumalaban ay parang nawalan na rin ng saysay ang kaniyang buhay.
Tuluyang napabayaan ni Tessa ang kanilang munting negosyo. Kasabay ng pagbagsak ng kaniyang negosyo ay ang pagbagsak din ng kaniyang katawan. At tuluyan na ngang nagkasakit ang ginang.
Sa pagkakataong ito ay wala lahat ang kamag-anak na dati ay palaging nakabuntot sa kaniya noong siya ay mapera pa. Ang tanging natira sa kaniya ay ang dalagang itinuring na siya bilang isang tunay na ina.
Si Angelita ang nag-alaga sa kaniya at hindi siya iniwan kahit ano na ang katayuan ng ginang,
“Maraming salamat sa iyo, Angelita. Maraming salamat sapagkat kahit walang-wala na ako ay narito ka pa rin sa aking tabi,” saad ng ginang.
“Malaki po ang utang na loob ko sa inyo. Kung hindi po dahil sa inyo ay marahil laman pa rin ako ng lansangan at walang patutunguhan sa buhay. Dahil sa inyo ay nagkaroon po ako ng direksyon. Kahit saan po tayo mapadpad, hinding-hindi ko po kayo pababayaan. Pangako ko po iyan,” sambit ng dalaga.
Napaluha na lamang ang ginang. Hindi niya kasi akalain na isang araw ay ibabalik ng dalaga ang kabutihang kaniyang ginawa.
Tinupad ni Angelita ang kaniyang pangako kay Tessa. Hanggang sa pagtanda nito ay hindi niya ito iniwan. Pinunuan ng bawat isa ng pagmamahal ang puwang sa kani-kanilang mga puso.