Inday TrendingInday Trending
Bibili Sana ng Palamig ang Binata nang Masaksihan Niya kung Paano ito Ginawa; Bibili pa ba Siya o Hindi na?

Bibili Sana ng Palamig ang Binata nang Masaksihan Niya kung Paano ito Ginawa; Bibili pa ba Siya o Hindi na?

Tahimik at nagmamasid na nakatayo si Albert sa tabi ng daan, naghihintay ng jeep na paparahin upang masakyan pauwi. Alas kwatro pa lang ng hapon, ngunit marami nang taong nagmamadali na tila ba may mga hinahabol pauwi o kung saan man sila pupunta.

“Ang init,” mahinang anas ni Albert sabay punas ng butil-butil na pawis sa noo.

Naghagilap ang kaniyang mga mata kung saan kaya siya makakabili ng maiinom hanggang sa nakita niya ang isang ale na nagtitinda ng palamig. Naglakad siya upang bumili sana nang agad ding napaatras sa nakitang ginagawa ng ale.

Kinuha nito ang ice pick at umupo saka biniyak ang isang buong malaking yelo na nakalapag lamang sa lupa. Walang sapin na kahit plastik man lang. Matapos biyakin ang yelo ay walang kung ano-anong inilagay ng ale ang nabasag na yelo sa binebenta nitong palamig.

Ang uhaw na naramdaman ni Albert ay biglang nawala. Agad na nalukot ang kaniyang mukha at kung ano-anong masasama ang nagtakbuhan sa kaniyang isipan.

Nag-desisyon si Albert na lapitan ang ale, hindi para bumili kung ‘di para kausapin ng maayos ang ale at pagsabihan.

“Bili ka na ng palamig hijo, may limang piso, meron ding sampu,” nakangiting wika ng ale habang hinahalo ang palamig na kulay dilaw.

“Ale, nakita ko po kung paano niyo nilagay ang yelo sa palamig ninyo,” deretso at prangkang wika ni Albert. “Ale, hindi naman sa minamasama ko ang paninda niyo. Pero sana po ay sumusunod kayo sa tinatawag ng karamihan na proper hygine, lalo na’t inumin ang tinitinda ninyo.” Walang paligoy-ligoy na wika ni Albert.

Hindi naman siya nag-iiskandalo, dahil mahina at mahinahon lang naman ang tono ng kaniyang boses. Wala naman siyang balak na sirain ang hanap buhay ng babae. Nais lamang niyang i-tama ang maling gawain nito.

“Ahh,” nauutal na wika ng ale. Halata sa mukha nito ang kaba at pagkatuliro sa paninita ni Albert.

“Alam ko po na wala akong karapatan upang pagsabihan ka. Negosyo mo iyan at alam kong wala akong inambag sa buhay mo,” muling wika ni Albert. “Pero ale sana maisip niyo ang mga taong bibili sa paninda mo.

Paano kung may bumili sa inyo na masyadong sensitibo ang sikmura, baka mapasama pa ang kalusugan dahil sa marumi niyong paninda. Magkaroon naman tayo ng malasakit sa kapwa natin lalo na’t pagkain ang itinitinda natin.

Hindi lahat ng bumibili sa inyo ay alam kung paano niyo ginagawa ang palamig niyo at hindi rin por que mura lang ang paninda ninyo’y may karapatan na kayong babuyin ito. Isipin niyo po sana kung ano ang makakabuti at makakasama sa kapwa niyo.

Iyang yelo na nilagay niyo d’yan, dinikdik niyo lang sa lupa na walang sapin at hindi man lang hinugasan bago ilagay sa juice. Madumi po ang lupa ale, malamang madumi na rin iyang paninda ninyo,” mahabang reklamo ni Albert.

“P-pasensiya ka na hijo. Kapos kasi sa pwesto at nagmamadali ako kaya dire-diretso lamang ang ginagawa ko,” nauutal at nakayukong paliwanag ng ale.

“Hindi po iyon rason, ale. Obligasyon niyong siguraduhin ang kalinisan ng itinitinda ninyo. Alam kong kailangan nating kumayod at magkapera dahil sa hirap ng buhay, ngunit sana naman bago niyo isipin ang kikitain niyo, isipin niyo muna ang mssamang maidudulot nito sa kapwa niyo. Maging makatao sana kayo,” ani Albert.

“P-pasensiya ka na, hijo. Pangako hindi ko na muling uulitin ang kapabayaan ko. Tama ka. Pasensiya ka na at salamat sa paaalala,” nahihiyang wika ng ale.

Napagkasunduan nilang itapon ng ale ang ginawang palamig. Kung hindi ay irereport niya ito at ipo-post sa social media, upang maging babala sa iba na hindi ligtas ang ibinebenta ng ale.

Sumang-ayon naman ang ale at sinabing gagawa na lamang ito ng bagong palamig at sisiguraduhing hindi na uulitin ang ginagawang kapabayaan kanina.

Araw-araw ay dumadaan si Albert sa gawing iyon at sekretong tinitingnan ang ginagawa ng ale, kung gano’n pa rin ba ang ginagawa nito sa paninda. Salamat naman sa sa Diyos at tinupad nga ng ale ang ipinangako nito sa kaniya.

Hindi naman lahat ng tindero/tindera ay gano’n ang gawain. Ang iba’y iniisip ang kalinisan ng inumin/ pagkaing tinitinda nila, sa rasong sila rin ay iinom at kakain sa sarili nilang paninda.

Kaya sana maging babala sa iba na bago isipin ang kikitain at tutubuin, isipin muna ang mabuti at masamang maidudulot nito sa inyong mga kostumer.

Advertisement