Inday TrendingInday Trending
Inako ng Isang Matanda ang Kasalanan ng Kaniyang Apo; Nang Makonsensya ang Bata ay Inamin Niya ang Kasalanan

Inako ng Isang Matanda ang Kasalanan ng Kaniyang Apo; Nang Makonsensya ang Bata ay Inamin Niya ang Kasalanan

“Kanina ko pa po kayo hinihintay, lolo. Gutom na gutom na po ako,” saad ni Bruno sa kaniyang lolong si Mang Ambo.

“Pasensiya ka na, apo. Inabot na ako ng ganitong oras sa paglilinis ng nitso. Nahirapan din kasi akong kumuha ng malilinisan dahil matumal ang tao sa sementeryo,” tugon ng matanda.

“Mabuti nga at napilit ko ang isang mag-asawa na linisan ko ang pantiyon na dadalawin nila. Siguro ay naawa na lang din sa akin dahil may dala silang sariling panlinis. Binigyan nila ako ng singkwenta, ito pinambili ko ng makakain natin ngayon,” sambi pa ng matanda.

Patuloy sa pagkain si Bruno. Sa tingin ni Mang Ambo ay kukulangin pa ito sa kaniyang apo kaya ibinigay na rin niya ang kaniyang parte.

“Sige, kuhain mo na ito, apo. Pinainom naman nila ako kanina ng softdrink at binigyan ng tinapay na kanilang dala,” wika muli ni Mang Ambo. Ngunit ang katotohanan ay hindi pa rin siya kumakain. Tanging kape lamang ang laman ng kaniyang sikmura buong araw.

Wala nang mga magulang si Bruno. Nang namayapa kasi ang anak ng matanda na ama ni Bruno mula sa ingkwento sa mga pulis ay sumama na ang kaniyang ina sa ibang lalaki. Dahil wala nang titingin sa bata ay minabuti na lamang ni Mang Ambo na kupkupin ito.

Kahit na matanda na at halos wala nang kakayahan ay pilit pa rin niyang itinatawid ang bata mula sa gutom. Minsan ay nangangalakal ito kung hindi siya nakakapaglinis ng mga nitso. Nahihirapan na rin kasi ang matanda dahil sa kaniyang edad at mga nararamdaman sa katawan. Ngunit hindi niya ito iniinda para lamang hindi magutom ang apo.

“Lolo, gusto ko po ng sorbetes. Naiinggit po ako sa ibang bata na nakakakain ng sorbetes samantalang nakakain lang po ako noon nung may nagbigay sa aking isang ale nang ayaw na ng anak niya,” saad ni Bruno sa kaniyang lolo.

“Kapag may sumobra sa ating pera, apo, ay ibibili kita ng sorbetes. Pangako ko iyan sa’yo,” tugon naman ng matanda.

Napabuntong hininga ang bata. “Hay, bakit hindi na lang kasi ako ipinanganak sa may kayang pamilya. Sa tingin niyo ba lolo ay hindi ako mahal ng Diyos sapagkat ganito ang buhay na ibinigay niya sa akin?” tanong ng bata.

“Walang hindi mahal ang Diyos, apo. Eto nga at ibinigay ako sa iyo para alagaan ka at may makasama sa buhay,” pahayag naman ng matanda.

“Pero, hindi naman po ito ang buhay na gusto ko, lolo. Araw-araw ay hindi natin lama kung kakain ba tayo. Ni wala nga po tayong telebisyon o kuryente man lang. Madalas ay hindi ko rin po makain ang gusto ko,” patuloy sa pagsasalita ang bata.

Kahit na masakit ay naiintindihan ito ni Mang Ambo. Hindi naman talaga kasalanan ni Bruno na ipanganak siya sa ganitong uri ng pamilya. Wala rin namang magulang ang nais na danais ng anak ang ganitong paghihirap.

Pinilit na lamang ipaintindi ni Mang Ambo ang kanilang sitwasyon sa kaniyang apo.

Isang araw ay lubusan ang gutom ng bata ngunit matagal dumating ang kaniyang lolo mula sa pagdedelihensya.

Dahil hindi na niya matiis pa ay kumuha siya ng isang balot ng tinapay sa isang tindahan at saka niya ito itinakbo. Agad naman siyang dinampot ng mga tauhan ng baranggay at dinala sa pulisya. Doon na siya natagpuan ng kaniyang lolo.

“Ano ang ginawa mo, Bruno?” nag-aalalang tanong ng matanda.

“Gutom na gutom na po kasi ako, ‘lo. Nasaan po ba kayo?” tugon nito. “’Lo, tulungan niyo po ako. Natatakot po ako,” pakiusap ng bata.

Maya-maya ay kinausap ni Mang Ambo ang mga pulis. Dahil ayaw ng napagnakawan na magpaareglo ay wala nang magawa pa si Mang Ambo. Wala rin naman siyang pera upang ibayad sa ninakaw ng apo.

“A-ako po ang nag-utos sa bata para kumuha sa tindahan. Ako na po ang ikulong niyo. Wala po siyang kasalanan,” pag-ako ng matanda.

“Ayan na nga ba ang sinasabi namin. Ang tanda-tanda niyo na po. Nagawa niyo pang utusan itong apo ninyo na gumawa ng mali para lang sa tinapay na iyan,” saad ng isang pulis.

Doon ay ikinulong na ang kawawang matanda. Dahil hindi pwedeng manatili doon si Bruno ay umuwi na ito.

Sa kanilang bahay ay nakita niya ang isang supot ng kanin at sabaw. Alam niyang ito ay para lamang sa kaniya. Naaalala niya ang lahat ng ginagawa ng kaniyang lolo para sa kaniya. Tinitiis nito ang pagod at gutom para lamang may makain siya.

Tumakbo pabalik ang bata patungong pulisya.

“Mamang pulis, mamang pulis,” sambit ng bata habang umiiyak. “Pakawalan niyo na po ang lolo ko. Hindi po siya ang nag-utos sa akin. Ginawa niya lang po ito para iligtas ako!” patuloy sa pag-iyak ang bata.

“Parang awa niyo na po. Pakawalan niyo na ang lolo ko!” pagtangis ni Bruno.

Nahabag ang isang pulis sa katayuan ng mag-lolo.

“Pakawalan mo na nga ang matandang iyan. Ako na ang bahala na magbayad kahit triple doon sa nagrereklamo. Papupuntahin ko siya rito upang makausap,” saad ng isang pulis.

Tuluyang nakalaya ang matanda. Lubusan naman ang kanilang pasasalamat sa mabuting ginawa ng pulis.

“’Lo, patawad po sa nagawa ko. Hindi ko po gusto na mapahamak kayo,” umiiyak na sambit ni Bruno sa matanda.

“Wala iyon, apo. Kahit sinong lolo ay gagawin ang bagay na iyon para lamang maprotektahan ang kaniyang apo,” tugon ni Mang Ambo.

“Patawad at hind ko kayang ibigay sa iyo ang buhay na gusto mo, apo. Pero nagsisikap ako upang mabago ang buhay mo,” saad pa nito.

Niyakap ng bata ang kaniyang lolo. “Napagtanto ko po, lolo, na kahit na mahirap tayo ay hindi mapapantayan ng kahit anong salapi ang buhay na narito kayo sa piling ko. Salamat sa Diyos at binigay niya kayo sa akin,” umiiyak na wika ng apo.

Sa yakap na iyon ay napawi ang lahat ng pagod at hirap na nararamdaman ni Mang Ambo. Sa kaniyang pagmamahal sa apo ay handa niyang ibigay ang lahat para lamang maging maayos ito.

Mahirap man ang kanilang buhay ay masaya ang mag-lolo na humarap sa panibagong umaga.

Advertisement