Inday TrendingInday Trending
Sa Pag-uwi ng Babae sa Kaniyang Pamilya ay May Nadatnan Siyang Isang Batang Babae; Ikagugulat Niya ang Sikreto Nito

Sa Pag-uwi ng Babae sa Kaniyang Pamilya ay May Nadatnan Siyang Isang Batang Babae; Ikagugulat Niya ang Sikreto Nito

Ilang taong nagtrabaho sa Saudi si Belen bilang kasambahay kaya nang matapos ang kaniyang kontrata at nakapag-ipon ay masaya siyang uuwi sa Pilipinas para makasama ang iniwang pamilya.

Habang nasa eroplano ay sabik na itong makalapag iyon sa sinilangang bansa.

“Makikita ko na rin ang aking mag-aama,” bulong niya sa sarili.

Makalipas ang ilang oras ay lumapag na ang eroplano. Nasa Pilipinas na talaga siya.

Nagmamadali siyang umuwi para sopresahin ang kaniyang mag-aama. Sinadya niya na hindi ipaalam sa mga ito na darating siya.

Ilang munito lang at huminto na ang sinaksyan niyang taxi sa harap ng kanilang bahay. Laking tuwa niya nang makita ang katas ng kaniyang pinaghirapan sa Saudi. Nakapagpatayo kasi siya ng malaking bahay para sa kaniyang pamilya.

Agad siyang kumatok sa gate at laking gulat ng kaniyang asawa na si Ricardo nang makita ang kaniyang presensiya.

“B-Belen, k-kailan ka pa dumating?” anito.

“Tapos na ang kontrata ko sa Saudi, mahal. Nakaipon na ako ng sapat kaya hindi na ako babalik dun!” masaya niyang wika sa asawa.

“H-hindi ka man lang nagpasabi na uuwi ka. Sana ay nakapaghanda man lang ako.”

“Ayos lang, mahal. Makita ko lang kayo ng mga anak ko ay okay na ako. Nasaan ba ang mga bata?” tanong niya rito.

“P-pasok ka, mahal at nasa loob ang mga bata!’ yaya niya sa babae.

Pagpasok niya sa loob ng bahay ay bumungad sa kaniya ang panganay niyang anak na babae na si Danilo.

“Mama!” masayang bati ng anak.

“Na-miss kita, anak. Ang laki mo na, a!”

Maya maya ang bunso naman niyang anak ang sumalubong sa kaniya.

“Aiza, ikaw na ba iyan, anak?” tanong niya sa bata.

“Mama, pengeng chocolate!” anito.

“Marami akong dalang chocolate kaya huwag kayong mag-alala!” sabi niya sa mga anak.

Nabigla naman siya nang makita niya ang isa pang batang babae na karga-karga ng kaniyang mister.

“S-sino ang batang ‘yan?” nagtataka niyang tanong.

“A, e, a-anak ito ng pinsang kong si Marites, ‘yung nag-Japan. Wala siyang mapagiiwanan dito sa bata, e kaya sa akin niya muna iniwan. Ang sabi niya’y babalikan din niya itong si Maxene pag balik niya rito. Anim na buwan lang naman ang kontrata niya sa Japan, e,” sagot ni Ricardo.

“A, ganoon ba? Kawawa naman pala ang batang ‘yan, mawawalay sa kaniyang ina. Ang cute-cute pa naman. Akin na nga muna at makarga ko,” aniya.

Nang kargahin niya ang bata ay napansin niya agad ang malaking pagkakahawig nito sa kaniyang asawa. Hindi na niya iyon pinagtakhan dahil anak naman iyon ng pinsan nito.

Nang sumunod na araw ay nagpasya si Belen na siya ang mamalengke para maipagluto naman niya ng masarap na ulam ang mag-aama niya. Kaytagal din niyang hindi nagawa iyon.

Habang namimili ay narinig niya na pinag-uusapan siya ng dalawang babae.

“’Di ba iyan iyong asawa nung lalaking may kabit na pokp*k?” wika ng isang matandang babae.

“Siya ba? Kaawa-awang babae. Iniputan na sa ulo wala pang kaalam-alam, tsk tsk!” sabi naman ng isa pa.

Biglang kinabahan si Belen sa sinabi ng dalawang tsismosa. Agad niyang naalala ang batang ipinakilala sa kaniya ni Ricardo na anak ng pinsan nito.

Kinagabihan, habang tulog ang asawa ay naisipan niyang puntahan ang silid ng bata. Nakita niyang tulog na tulog ito. Pinagmasdan niya itong mabuti.

“Magkamukhang-magkamukha talaga sila ni Ricardo,” wika niya sa isip.

Bago siya lumabas ng kuwarto, bigla na lamang pumasok sa isip niya na buksan ang lumang aparador na nasa loob ng kwartong iyon. ‘Di inaasahan na may napansin siyang lumang litrato na nakaipit sa mga lumang damit ng kaniyang asawa. Laking gulat niya nang makita ang asawang si Ricardo na may kayakap na babae sa litrato.

Biglang nagtagpi-tagpi ang lahat sa kaniya at nalamang may itinatago ang asawa kaya agad niyang ginising ito at kinompronta.

“Gumising ka, Ricardo, gising!” aniya sa galit na tono.

Pupungas-pungas na bumagon sa kama ang mister. “B-bakit, anong problema?”

“Sino ang babaeng ito, sabihin mo, sino?!” sigaw niya rito habang ipinakita ang nakitang litrato.

Hindi na naitago pa ni Ricardo ang katotohanan at inusig na ng sariling konsensiya.

“P-patawarin mo ako, Belen, nagkasala ako sa iyo!” sabi nito habang napapaluha na.

“Ano ang kailangan kong malaman, sabihin mo!” galit na sigaw ng babae.

“H-hindi totoong anak si Maxene ng aking pinsan. Ang totoo ay anak ko si Maxene sa ibang babae. Nang umalis ka at nangibang bansa ay natukso ako sa isang babaeng bayaran na nakilala ko sa bar ngunit ‘di sinasadyang nasawi siya sa isang aksidente nang mabangga ang sinasakyan niyang taxi papunta sa bar na pinagtatrabahuhan niya. Naiwan sa akin ang aming anak dahil wala siyang ibang kamag-anak. Walang kasalanan ang bata kaya kinupkop ko na rin siya rito at minahal gaya ng pagmamahal ko sa ating mga anak. Patawarin mo ako, Belen kung itinago ko sa iyo at hindi agad sinabi sa iyo!” bunyag ng lalaki.

Hindi makapaniwala si Belen sa pagtataksil ng asawa. Gustong magwala si Belen sa kaniyang nalaman ngunit mas nangibabaw pa rin sa kaniya ang pagmamahal sa asawa at mga anak.

“Sa puntong ito ay gusto kong magalit sa iyo sa panlolokong ginawa mo sa akin, pero mahal kita e at mahal ko ang mga anak natin. Ayokong masira ang pamilya natin kaya handa kong kalimutan ang lahat ng nangyari. Nakahanda akong tanggapin si Maxene bilang anak ko dahil tama ka na wala siyang kasalanan sa pagkakamali mo,” lumuluha pa ring sabi ni Belen.

“Salamat, mahal ko. Patawarin mo ako sa ginawa ko!” buong pagsisising tugon ni Ricardo.

“Pinapatawad na kita. Magsimula tayo ng panibago at kalimutan ang masakit na nangyari.”

Tinupad ni Belen ang sinabing tatanggapin si Maxene. Inangkin niya itong parang tunay na anak. Ang naipon niya sa Saudi ay ginamit niyang puhunan sa pagtatayo ng negosyo at masaya silang namuhay na mag-anak na parang walang nangyari.

Isang mabuting babae si Belen dahil sa kabila ng sakit na idinulot sa kaniya ng asawa ay nagawa pa rin niyang magpatawad at tanggapin ito at ang anak nito sa ibang babae.

Advertisement