Para kay Momoy, 18 taong gulang, hindi dapat katakutan ang bagyo. Masaya siya kapag bumabagyo o umuulan.
Bata pa lamang si Momoy, sanay siyang sa pagtila ng malakas na ulan o pananalasa ng sigwa, agad na magtutungo si Momoy sa tabing-dagat. Naroon ang mga nakahilerang puno ng buko. Tiyak na maraming nangalaglag na buko o mga dahon. Matiyaga niya itong pinupulot upang maibenta sa bayan, o kaya naman, makayod ang laman nito upang makain, at ang bao naman ay pinatutuyo niya upang maging bunot. Gumagawa naman siya ng walis tingting mula sa mga patpat ng dahon. Lahat ng ito, ibinebenta niya sa bayan upang magkaroon ng sariling pera, at hindi na lamang umasa sa kaniyang madrastang masungit at hindi maganda ang trato sa kaniya.
Hanggang sa siya ay magbinata, kasa-kasama ni Momoy ang kaibigang si Paco, na tumutulong naman sa kaniya sa pagbibitbit ng mga nalaglag na buko. May lumang kariton kasi ang tatay nito. Ginawa nila at inayos upang magamit sa pagdadala ng mga nalaglag na bukong maaari pang maibenta sa palengke sa bayan.
“Dalian natin at baka magalit na naman si Tiya Kating,” sabi ni Momoy kay Paco. Si Tiya Kating ang kaniyang masungit na madrasta.
“Ikaw naman kasi bakit hindi ka na lang umalis diyan? Kaya mo naman magtrabaho eh. Sa Maynila… maraming naghihintay na trabaho,” sabi ni Paco.
“Eh saan naman ako tutuloy? Alam mo namang simula nang mawala ang Tatay, sa akin niya hinabilin ang bahay namin. Itong si Tiya Kating lang talaga ang hindi ko maintindihan ang ugali. Simula kasi nang mawala ang Tatay nag-iba na siya nang pakikitungo sa akin. Lagi na niya akong sinisinghalan at pinagagalitan,” pagsusumbong ni Momoy.
“Sumama ka sa akin. May alok na trabaho sa akin ang pinsan ng Nana Odang ko sa Maynila. Doon tayo maghanap ng kapalaran,” aya sa kaniya ni Paco.
Buo sa sarili at buo ang desisyon ni Momoy. Hindi na siya nagpaalam kay Tiya Kating dahil tiyak na pipigilan lamang siya nito. Isang gabing nahihimbing ito at kaniyang mga kapatid na anak nito sa dating mister, kinuha niya ang kaniyang nakaimpakeng bag. Isinilid din niya ang kaniyang alkansiyang gawa sa bao ng niyog. May ipon naman siya sa kaniyang alkansiya, kaya hindi siya natatakot na magbakasakali.
Nagkita sila ni Paco sa himpilan ng bus patungong Maynila. Nakakuha na si Paco ng dalawang tiket. Habang nasa biyahe, halo-halo ang nararamdaman ni Momoy.
Ito ang unang pagkakataong lalayo siya sa bayang sinilangan. Ito ang unang beses na bibiyahe siya nang mahaba-haba at magsisimula nang bagong buhay. Sarili na lamang niya ang kargo niya. Patutunayan niya kay Tiya Kating at sa mga kapatid niyang hilaw na kaya niyang tumayo sa sarili niyang mga paa: na hindi totoong wala siyang silbi.
Naging utusan sa isang maliit na karinderya si Momoy gayundin ang kaniyang kaibigang si Paco. Mabuti naman ang naging trato sa kanila, subalit mas tiniyak niyang magkakaroon pa siya ng ibang trabaho. Pagkatapos ng kaniyang gawain sa karinderya, nagkakargador naman siya sa palengke.
Nang makaipon nang sapat na pera si Momoy, naisipan niyang ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral sa kolehiyo. Mabuti na lamang at nadala niya sa kaniyang bag ang mahahalagang dokumento niya kagaya ng birth certificate at transcript of records noong siya ay nasa hayskul pa lamang. Kailangan kasi iyon sa enrolment. Hindi siya pinayagan ni Tiya Kating na magpatuloy pa sa pag-aaral dahil wala naman daw siyang mararating at masyado raw mataas ang kaniyang ambisyon.
Nakapasa naman si Momoy sa isang state university at kumuha ng kursong Business Management. Pangarap niyang magtayo ng kaniyang sariling negosyo. Nahirapan si Momoy sa pamamahala ng kaniyang oras dahil kailangan niyang pagsabayin ang kaniyang trabaho at pag-aaral. Pinagtiyagaan niya ang hirap dahil ito ang pangako niya sa kaniyang Tatay.
Matuling lumipas ang panahon. Nakatapos ng pag-aaral si Momoy. Matapos makapasa sa board exam, nakakuha kaagad siya ng trabaho sa isang kompanya ng mga laruan. Dahil likas na matiyaga at masipag si Momoy, agad siyang naitaas ng tungkulin sa trabaho. Sa loob lamang ng tatlong taon ay naging Junior Manager na siya.
Nang makapag-ipon, bumili siya ng bahay, lote, at segunda manong kotse. Masasabing matagumpay na siya sa buhay subalit parang may kailangan pa siyang isaradong sugat sa kaniyang puso na pilit lamang na tinatapalan at hindi pinapansin.
Kaya naman isang araw, kumuha siya ng vacation leave dahil may kailangan siyang puntahan. Habang binabaybay ang daan patungo sa bayang sinilangan sa lalawigan, nanariwa kay Momoy ang kaniyang mga pinagdaanan. Lalo na nang maraanan niya ang mga puno ng buko. Naalala niya ang mga sandaling namumulot siya ng mga nalalaglag na bunga at ibinebenta ito sa palengke ng kanilang bayan.
Makalipas ang ilang oras, nasa harap na ni Momoy ang luma nilang bahay na na naging simbolo ng pagmamahalan nila ng kaniyang Tatay; na nag-iwan din sa kaniya ng mga sugat ng kahapon.
Isang matandang ginang ang sumilip sa durungawan. Matanda na si Tiya Kating. Namukhaan siya ni Tiya Kating. Umiiyak na lumabas ito at yumakap kay Momoy.
“Ang laki mo na Moy… patawarin mo ako! Patawarin mo ako sa mga nagawa ko sa iyo. Hindi ako naging mabuting madrasta sa iyo,” lumuluhang paghingi ng tawad ni Tiya Kating. Naramdaman ni Momoy ang katapatan sa mga pahayag nito.
“Pinapatawad ko na po kayo… kung hindi po nangyari ang mga nangyari noon, hindi ko naman po mararating ang kinalalagyan ko ngayon,” lumuluha ring sabi ni Momoy.
At nagkapatawaran na rin ang dalawa. Ipinaayos ni Momoy ang lumang bahay at binigyan ng kaunting pera ang madrasta upang makapagsimula ito. Labis ang naging kagalakan sa puso ni Momoy. Masasabi niyang tunay na siyang matagumpay dahil nagawa niyang makapagpatawad sa mga taong naging dahilan ng kaniyang mga kasawian noon, na ginawa niyang inspirasyon upang mabago ang kaniyang kapalaran, at pagtingin sa sarili.
Napagtanto ni Momoy na lahat ng mga pasakit, lungkot, at pandimdim sa buhay ay bahagi ng pagtatagumpay.