Inday TrendingInday Trending
Sumikat ang Dalagang Nilalait sa Kaniyang Hitsura Dahil sa Ginawang Pagpapaganda; Bakit Tila Nagtatampo sa Kaniya ang Pamilya at mga Kaibigan?

Sumikat ang Dalagang Nilalait sa Kaniyang Hitsura Dahil sa Ginawang Pagpapaganda; Bakit Tila Nagtatampo sa Kaniya ang Pamilya at mga Kaibigan?

“Oh my gosh Vergie… pumalo na sa 900, 000 ang subscribers mo sa YouTube… sikat na sikat ka na talaga, hija! Congratulations!”

Halo-halo ang damdaming namamayani kay Vergie nang marinig niya ang magandang balita mula sa kaniyang handler na si Madam Lila. Siya ay kinuhang subject para sa YouTube Channel nitong “Real Transformation 101” na nagtatampok sa mga taong nabubuska o nalalait dahil sa kanilang mga kapintasan sa pisikal na pangangatawan, at nagnanais na ipakita ang kanilang journey patungo sa kanilang total transformation, sa tulong ng iba’t ibang espesyalista.

Ang unang itinampok ay ang kuwento ni Vergie na laging napagtatawanan dahil sa kaniyang mukhang tinubuan ng napakaraming mga tigyawat, at ang sungki-sungki niyang ngipin.

Sumailalim sa facial treatment at intensive dental care si Vergie na isinadokumento at itinampok sa mga vlogs. Hanggang sa nagulat ang lahat sa napakagandang transpormasyon sa anyo ni Vergie. Unti-unti na ring nakikilala si Vergie dahil lumitaw naman talaga ang kaniyang ganda.

Nagkaroon na rin ng pagbabago sa estilo ng kaniyang pananamit. Kumonsulta si Madam Lila sa mga fashion stylist upang makapagbigay ng mga mungkahi sa magiging total packaging ni Vergie. Sa loob lamang ng anim na buwan ay lumobo na nga ang mga subscribers ng YouTube channel ni Madam Lila.

Bukod sa kasikatan, alaga rin ni Madam Lila ang pinansiyal na aspeto ni Vergie. Binigyan siya ni Madam Lila ng sariling condo at kotse upang madetalye ni Vergie ang kaniyang pang-araw-araw na routine. Buwan-buwan ay nakatatanggap si Vergie ng 40,000 piso bukod pa sa mga bonus at padalang packages mula sa mga sponsors. Tunay ngang kung susuriin, napakapalad ni Vergie: gumanda na siya, gumanda pa ang kaniyang pamumuhay.

“Thank you, Madam Lila. Utang ko po sa inyo ang lahat. Malaki po ang pagbabago sa buhay ko. Natulungan ko rin pong maipagawa ang bahay namin sa Leyte. Dati po, gawa lang po sa pawid at kahoy; ngayon po, sementado na at napalagyan pa ng second floor,” tuwang-tuwang pagbabalita ni Vergie.

“That’s nice to hear, Vergie. Malay mo, maging daan ito para maging artista ka. Bigger opportunities, bigger income. Sa ngayon, ang kailangan nating paghandaan, ang next step na gustong-gusto ng mga tao ngayon. Be ready for our next project, Vergie,” sabi sa kaniya ni Madam Lila.

“Ano po iyon, Madam?” tanong ni Vergie.

“Well, as you can see… nakikita ka ng subscribers mo bilang isang ugly duckling, well, dati… na ngayon ay turned out na isang mala-princess. Kaya itodo na natin. I think kailangan mong dumaan din sa… cosmetic surgery? Kailangan mong magpa-nose lift and lip enhancement. Pakapalan natin nang bahagya ang lips mo. May offer kasi sa atin ang isang lipstick company, kaya gusto ko, ikaw ang isa sa mga maging endorser nila. Ikaw ang magiging Goddess of Beauty sa mundo ng internet. Gusto mo ‘yun?” nagniningning ang mga mata ni Madam Lila.

Napapitlag si Vergie. Hindi katangusan ang kaniyang ilong, at natatandaan niya, ito ang trademark ng kaniyang pamilya. Kapag nakita na ng mga tao ang kanilang ilong ng kaniyang Itay at Inay, masasabing isa siya sa mga anak nito.

“P-Parang hindi po yata ako komportableng gawin, Madam… kasi trademark po namin ng Itay at Inay ko ang ilong namin…” nahihiyang tugon ni Vergie.

“Vergie darling… kapag ginawa mo ito, mas gaganda ka pa at mas lalawak pa ang market mo. Mas marami kang maiaakyat na pera para sa pamilya mo, at I think, mas matutuwa ro’n ang Itay at Inay mo. Right?” sansala naman ni Madam Lila. Mabait si Madam Lila, subalit may ugali itong kapag ginusto nito ay talagang igigiit nito.

“S-Sige po, Madam. Ipapaalam ko na lang po sa mga Itay at Inay,” sagot na lamang ni Vergie. Nahihiya naman siyang tumanggi na sa mga gusto at plano ni Madam Lila. Utang niya rito ang lahat.

Sa kabila ng pagiging “matagumpay” sa kaniyang larangan, nakita ni Vergie na umiikot na lamang ang buhay niya sa vlogging at pagsunod sa mga utos ni Madam Lila. Bawal kung saan-saan nagpupunta, bawal kumain nang ganiyan dahil baka tumaba siya, bawal makipag-date at baka may makakilala at mawalan ng sponsor, at marami pang iba. Nawalan na rin siya ng oras sa kaniyang mga kaibigan.

“Hindi ka na namin ma-reach kasi sikat ka na…”

“Wala ka nang oras sa amin ah. Dati noong marami ka pang tigidig, nakakasama ka pa namin. Ngayon nasaan ka na?”

“Huwag mo naman kaming kalimutan. Mga kaibigan mo pa rin kami kahit hindi kami kasingganda mo…”

Iyan ang madalas na naririnig ni Vergie mula sa kaniyang mga kaibigan, kapag wala na siyang inatupag kundi ang vlogging.

Galit na galit naman ang kaniyang Itay at Inay nang tawagan niya ang mga ito sa pamamagitan ng video call, upang ibalita ang bagong proyekto ni Madam Lila sa kaniya.

“Anak naman… siguro naman kumita na siya sa iyo… marami ka na naman sigurong naakyat na pera sa kaniya. Okay lang naman na tinulungan ka niyang mapakinis ang mukha mo, pero para ipaayos ang ilong mo? Hindi ko na nakikitang tama iyan,” sabi ng kaniyang Itay.

“Oo nga, anak. Iyan ang tatak ng pamilya natin. Walang mali sa ilong mo. Hindi ka naman talaga pangit. Huwag kang pumayag na gawin kang tau-tauhan o robot ng Madam Lila na iyan,” opinyon naman ng kaniyang Inay.

“Pero nahihiya po akong humindi kay Madam Lila. Utang natin sa kaniya ang lahat,” naiiyak na tugon naman ni Vergie.

“Anak, naroon na tayo. Boss mo siya. Binigyan ka niya ng mga oportunidad. Pero nakinabang din naman siya roon, baka nga sobra-sobra pa nga. Tandaan mo, komisyon lang ang nakukuha mo mula sa totoong kinikita niya sa mga pinaggagawa ninyo, at syempre ang suweldo mo. Pero ginagawa mo rin naman ang parte mo kaya wala kang dapat ika-konsensiya. Hindi mo naman nakuha ang lahat dahil wala kang ginawa. Wala naman sigurong masama kung sasabihin mong hindi ka komportable sa ipinagagawa niya. Hindi niya pagmamay-ari ang buhay mo,” payo ng kaniyang Itay.

Matapos ang kanilang usapan, pinagnilayan ni Vergie ang mga sinabi ng kaniyang Itay at Inay. Sa totoo lang, ayaw niyang ipabago ang kaniyang ilong dahil ito ang trademark nilang magpamilya. Kahit na madalas, kinaiinisan niya ang ilong, hindi dahil sa korte o hugis nito, kundi dahil sa madalas itong pagtubuan ng mga tigyawat dati.

Isang desisyon ang ginawa niya. Kaya nang makipagkita siya kay Madam Lila, sinabi niya ang lahat-lahat.

“Pasensiya na po Madam. Hindi ko po talaga magagawa,” hiyang-hiyang paghingi ng tawad ni Vergie.

Bumuntung-hininga si Madam Lila.

“Napag-isip-isip ko rin na mali ang mga sinabi ko, Vergie. I’m sorry. Naging makasarili ako. I apologize kung minsan nararamdaman mong para kang robot na minamanduhan ko,” sabi ni Madam Lila.

Napagtanto ni Vergie na hindi lahat ng pagbabago ay kailangang gawin, lalo na sa pisikal na katawan, na sadyang kaloob ng Maykapal. Gumawa rin siya nang paraan upang maglaan ng oras sa mga taong mahahalaga sa kaniyang buhay—ang kaniyang pamilya at mga kaibigan, na tunay na nakauunawa at nagmamahal sa kaniya.

Advertisement