Nagulat ang Isang Babae na Napakaguwapo ng Kaniyang Bagong Hairstylist; Sino nga Kaya Ito?

“Hello madam! Ang blooming mo na naman! Musta?”

Masiglang binati ng beking supervisor ng salon at spa na si Popcorn ang kanilang regular customer na si Scarlet, 28 taong gulang, isang empleyado sa isang ahensiya sa pamahalaan. Biyernes ngayon at pauwi na siya, subalit dahil it’s a pampering day dahil sa tapos na ang trabaho, minabuti niyang dumaan sa kaniyang paboritong salon upang mag-relax.

“Bolera ka talaga, Popcorn, kaya gustong-gusto ko rito eh! Dating gawi ako sa buhok ko, ‘day,” sabi ni Scarlet. Ang kaniyang paboritong hairstylist ay si Thalia, na isa ring tra*nsgender beki. 

“Ay madam, absent ang Lola mo Thalia! May inasikaso sa baler niya. May iba akong ibibigay sa ‘yo… Je! Halika nga…” tawag ni Popcorn.

“Naku ha, baka naman sirain niyan ang buhok ko…” sabi ni Scarlet. Hangga’t maaari ayaw niyang ipagalaw sa ibang hairstylist sa ibang mga kamay. Naniniwala kasi siyang nagtatampo ang buhok ng isang tao kaya hindi dapat ito pinapahawakan sa ibang tao basta-basta.

At lumabas na nga ang “Je” na tinawag. Akala niya, isa rin itong tra*nsgender beki, subalit napa-second look siya sa nakita: matangkad, maskulado, at guwapo ang hairstylist na tinawag. Kung makikita ito ng sinumang babae, tiyak na magkakagusto rito dahil sabi nga ng mga beki, “bortang-borta.”

“Oh Je, bahala ka na kay Madam ah? Isa siya sa mga valued customers natin,” bilin ni Popcorn kay Je. Nagpaalam na ito dahil dagsa ang mga customers.

“Hello ma’am I’m Je, short for Jerald. Ano pong gusto nila?” tanong ni Je, na Jerald pala ang buong pangalan.

Advertisement

Napapitlag si Scarlet. Napakabaritono ng tinig nito. Lalaking-lalaki. Pero naisip ni Scarlet, iyan naman ang uso ngayon. Maraming “paminta.” Akala mo lalaki, pero iyon pala, hanap din ay kapwa-lalaki. Sadyang guwapo lang talaga siguro ang hairstylist na ito. “Sayang!” sigaw ng isip ni Scarlet. 

Sinabi ni Scarlet ang hair treatment na gusto niya at mabilis na kumilos naman si Jerald. Habang inaayusan ni Jerald si Scarlet, palihim na inoobserbahan ni Scarlet ang bawat kilos nito. Hindi ito kababakasan ng anumang kalamyaan; humahakab ang biceps nito sa suot na fit black shirt. Malaki rin ang dibdib nito na tila batak sa gym. “Paminta” nga!

Ang galing mo naman, Meme Je. Meme Je na lang tawag ko sa iyo, girl ah? Matagal ka na ba rito?” usisa ni Scarlet kay Je. Ngumiti naman sa kaniya si Je.

“Bago lang po ako, ma’am. Mga kahapon lang po ako dumating,” magalang na sagot ni Jerald. Parang nakikiliti ang pagkababae ni Scarlet kapag nagsasalita ito: baritono at malalim. Nakaka-inlove.

“Alam mo Meme, sayang ka. Siguro dami mong boylet ‘no? Ganda ka eh! Para kang borta!” papuri ni Scarlet kay Jerald. Ngumiti lamang ito sa kaniya. 

Nang pagpagin ni Jerald ang kaniyang damit, naamoy ni Scarlet ang mabango nitong amoy: at alam niyang panlalaki rin ang pabango nito. Napakagaling ng ginawa nito sa kaniyang buhok. Pasado! Inabutan niya ito ng malaking tip.

“Salamat, ganda… ang galing mo,” papuri ni Scarlet. Ngumiti lamang si Jerald at bumalik na sa loob ng hairstylist quarters upang maglinis ng kamay.

Nilapitan ni Scarlet si Popcorn.

Advertisement

“Magaling yung bago mong tao, ah? Yung Jerald… saka maganda siya ah… paminta. Mapandaya!” sabi ni Scarlet. 

Natawa naman si Popcorn.

“Naku madam, hindi paminta iyon! Lalaki talaga iyon! Kita mo hindi ko hinaharot at baka majombag at matanggal ako rito,” tugon ni Popcorn. 

Nangunot ang noo ni Scarlet.

“So ibig mong sabihin, tunay na lalaki iyan?”

“Yes madam. Actually, hindi namin siya empleyado. Magiging bagong boss na namin siya. Kapatid siya ng dating may-ari nitong salon. Ibinenta na sa kaniya. Kaya siya nag-aayos dito para malaman niya ang mga kalakaran. Ayaw niyang magpatawag ng sir, gusto niya by name niya. Crush ko nga iyan eh, pero siyempre mahirap na…” tugon ni Popcorn. 

Namangha naman si Scarlet sa kaniyang nalaman. Ang buong akala niya, beki rin si Jerald. Hindi pala. Gusto lamang talaga nitong malaman ang mga pasikot-sikot sa bagong negosyo.

Napagtanto ni Scarlet na hindi pala talaga dapat naglalagay ng “stereotyping” sa mga tao lalo na sa kasarian. Hindi porket nalilinya ang isang tao sa isang partikular na trabaho na “nagdidikta” ng kasarian batay sa pamantayan ng lipunan, ay ganoon na rin siya. Hindi dapat maging mapanghusga sa kapwa dahil hindi natin alam kung ano ang kuwento niya.