Inday TrendingInday Trending
Magsasampung Taon na ang Relasyon ng Dalaga sa Kaniyang Nobyo, Ito Pala ang Dahilan Kung Bakit ‘Di Siya Nito Niyayayang Magpakasal

Magsasampung Taon na ang Relasyon ng Dalaga sa Kaniyang Nobyo, Ito Pala ang Dahilan Kung Bakit ‘Di Siya Nito Niyayayang Magpakasal

“Betty, ano, sama ka na sa amin, mamaya! Minsan na nga lang tayo makapagsaya, eh, lagi ka pa wala! Nakakatampo ka na!” pangongonsensya ni Cynthia sa kaniyang katrabaho.

“Naku, pasensya na talaga kayo, Cynthia, gipit lang ako, eh,” daing ni Betty saka ipinakita ang wallet niyang walang laman.

“Ano ba ‘yan! Kakasweldo lang natin, gipit ka na agad? Daig mo pa akong may sariling pamilya na!” biro nito sa kaniya saka bahagyang tinapik ang kaniyang likuran.

“Ganoon talaga, eh, may pinag-iipunan kasi ako, malapit na kasi ang anibersaryo namin ng nobyo ko, sa tagal naming magkarelasyon, ni minsan hindi ko siya nabigyan ng regalo, kaya ngayong may trabaho ako, gusto ko sanang ako naman ang magsurpresa sa kaniya kahit sa simpleng paraan lang mapasaya ko siya,” sambit niya rito.

“Ay, kaya naman pala, eh! Sana lang, hindi ka niloloko niyang nobyo mo katulad ng nobyo ko dati, bukod sa ang tagal tagal na namin, puro sakripisyo pa ang ginawa ko tapos nagawa pa akong ipagpalit!” kwento nito dahilan upang bahagya siyang kabahan.

“Naku, hindi naman ganoon ang nobyo ko sadyang abala lang ‘yon sa trabaho niya,” pangungumbinsi niya sa katrabaho’t sarili habang pigil-pigil ang mga luha.

“Sana nga!” sagot nito saka tuluyan nang nagpaalam sa kaniya.

Magsasampung-taon na sa isang relasyon ang dalagang si Betty pati ng kaniyang nobyong nakilala niya noong siya’y nasa hayskul pa lang. Hindi niya lubos akalaing aabot sa ganito katagal ang kanilang relasyon dahil nga bata pa lang noong sila’y magkakilala.

Marami mang nagsasabing maghihiwalay rin sila dahil nga sa edad nila noon, hindi ito naging sanhi upang sila’y magkawalay, lalo pa silang kumakapit sa isa’t-isa habang sinisira sila ng mga tao sa kanilang paligid kabilang na ang mga magulang niya na tutol sa maaga niyang pakikipagrelasyon.

Ngunit dahil nga alam niyang totoo ang kanilang pagmamahalan, pinaglaban niya ito dahilan upang umabot na sila ng sampung taon. Kahit pa ganoon na sila katagal, ngayong mga nakaraang araw, hindi matanggal sa isip ni Betty na hindi talaga sila para sa isa’t-isa. Bukod kasi sa lumalala na ang kanilang mga away, kahit anong parinig ang gawin niya sa binata, hindi pa rin siya nito inaalok ng kasal.

Lalo pa siyang nabagabag nang marinig ang kwento ng kaniyang katrabaho tungkol sa nobyo nitong nagloko dahilan upang mawalan siya ng gana na surpresahin ang binata.

Noong araw na ‘yon, pagkauwi sa bahay, agad lang siyang humiga sa kaniyang kama imbis na gumawa ng mga pang-dekorasyong gagamitin niya sa pagsusurpresa sa nobyo bukas.

Nakatingin lang siya sa kisame habang nag-iisip-isip. Mayamaya, nakumbinsi niya ang sarili na gawin pa rin ang kaniyang plano kahit pa pakiramdam niya, wala na itong kwenta.

“Kung hindi man tayo para sa isa’t-isa talaga, mas mabuting mapakita ko pa rin kung gaano kita kamahal,” sambit niya habang nilalagyan niya ng hangin ang maliliit na lobong kaniyang binili.

Matagumpay niya ngang naayos ang kaniyang silid para sa surpresang gagawin niya. Inihanda na niya rin ang mga binili niyang regalo para rito dahilan upang bahagya siyang mapangiti. “Sana masurpresa ka’t sumaya sa simpleng bagay na ito,” bulong niya habang tinitingnan ang mga litrato ng nobyo na nakasabit sa tali ng mga lobong nakadikit sa kisame.

Kinabukasan, tinanghali na siya ng gising dahil sa pagod, agad niyang kinuha ang kaniyang selpon upang makita kung tumawag o nagpadala na ba ng mensahe ang kaniyang nobyo, ngunit katulad ng mga normal na araw ang tanging sabi lang nito, “Love, pasok na ako,” na labis niyang ikinalungkot.

Lumabas muna siya sa kaniyang kwarto upang mag-almusal, naagaw ng kaniyang atensyon ang isang maliit na kahon sa kanilang lamesa. ‘Ika niya, “Naku, si mama, mukhang nakalimutan na naman sa lamesa ang wedding ring niya,” ngunit nang buksan niya ito, isang susi ang tumambad sa kaniya’t mga katagang, “Bahay muna inuna ko, bago ang kasal natin,” dahilan upang ganoon na lang siya mapaluha.

Ibabalita niya pa lang sana ito sa kaniyang ina ngunit pagharap niya, nandoon na ang kaniyang nobyo’t may hawak na bulaklak.

“Happy 10th anniversary, love!” sambit nito saka siya niyakap dahilan upang ganoon na lang siya mapaiyak.

Hinila niya ito sa kwarto at labis itong natuwa sa kaniyang surpresa. ‘Ika nito, “Napakaswerte ko talaga sa’yo kaya kahit kailan, hindi ko ginawang tumingin sa iba,” dahilan upang lalo siyang mapaiyak.

Maya maya, niyaya na siya nitong tingnan ang bagong tayong bahay nila na labis niyang nagustuhan.

“Para sa akin, dapat may sarili muna tayong bahay bago tayo magpakasal,” bulong nito sa kaniya dahilan upang maalis lahat ng sama ng loob niya.

Doon niya napagtantong natagpuan niya na talaga ang lalaking para sa kaniya.

Advertisement