Inday TrendingInday Trending
Tiniis ng Ginang na ito ang Pagtira ng Kabit ng Kaniyang Asawa sa Bahay Nila; Isang Pangyayari ang Magpapagising sa Kaniya

Tiniis ng Ginang na ito ang Pagtira ng Kabit ng Kaniyang Asawa sa Bahay Nila; Isang Pangyayari ang Magpapagising sa Kaniya

“Manuel, baka naman may sobra kang pera d’yan, wala na akong pera pangbili ng pagkain mamayang gabi, eh. Kababayad ko lang din ng kuryente’t tubig natin, eh,” daing ni Nikki sa kaniyang asawa, isang umaga habang sila’y sabay-sabay na nag-aalmusal.

“Naku, Nikki, alam mo namang wala akong trabaho, ako pa ang hihingian mo!” bulyaw nito sa kaniya dahilan upang magulat ang tatlo niyang mga anak.

“Eh, sino palang hihingian ko? ‘Yang babae mo? Pangkain na nga lang ang poproblemahin mo, sinisigawan mo pa ako sa harap ng mga anak mo!” turo niya sa bagong babae ng kaniyang asawa dahilan upang magalit ito.

“Hoy, itikom mo ‘yang bibig mo, ha? Kung ayaw mo sa pamamahay ko, lumayas ka, iwan mo ang mga anak ko! Hindi naman kita kailangan, eh!” sigaw pa nito sa kaniya habang pisil-pisil ang kaniyang kamay.

“Ta-tama na! Bitawan mo ako!” sigaw niya habang pilit na iniaalis ang kamay sa pagkakahawak ng asawa.

“Mangutang ka na lang doon sa tindahan, tapos bayaran mo na lang sa sweldo mo! May alam ka namang paraan, eh, gusto mo pang nasasaktan ka!” bulyaw pa nito saka hinila sa kwarto ang kaniyang babae, naiwan namang nagsisihikbian ang kaniyang mga anak dahilan upang yakapin niya na lang ang mga ito.

Ang ginang na si Nikki ang tanging tumataguyod sa kaniyang buong pamilya. Sa paghihirap na dinaranas niya sa pagtatrabaho bilang isang kasambahay, buong akala niya’y makukuntento na ang kaniyang asawa’t ang mga anak na lang nila ang iintindihin nito.

Ngunit, laking gulat niya ng magawa pa nitong mag-uwi sa kanilang bahay ng panibagong palamunin, ang nobya nito. Halos gumuho ang mundo niya nang malaman ito ngunit dahil nga ayaw niyang lumaki nang walang ama ang kaniyang mga anak, kinimkim niya ang sakit na nararamdaman at hinayaan na lang ang kagustuhan ng kaniyang asawa.

Ang mas masakit pa rito, lahat na ng gastusin sa kanilang bahay pati na ang pagkain ng babaeng iyon, siya ang gumagastos. Pangungumbinsi niya sa sarili, “Ayos lang yan, Nikki, isipin mo na lang na lahat ‘to ay para sa mga anak mo,” saka niya pinunasan ang luhang kanina pa umaagos.

Noong araw na ‘yon, pagkatapos niyang linisin ang kanilang pinagkainan, agad na siyang pumasok sa kaniyang trabaho. Binilin niya na lang ang mga bata sa kaniyang asawang abala sa panunuod ng telebisyon sa kwarto nila ng naturang babae. Sobrang sakit man ang kaniyang nararamdaman, katulad ng dati, ipinasawalang-bahala niya na lang ito.

Ngunit habang siya’y nasa trabaho, naalala niyang ngayon pala ang araw ng patimpalak na sasalihan ng panganay niyang anak sa eskwelahan at hindi niya ito naiwanan ng baon dahilan upang siya’y makiusap sa amo niya upang makauwi saglit.

Sa kabutihang palad, agad naman siya nitong pinayagan. Bago umuwi, dumaan muna siya sa kaniyang kaibigan upang umutang ng pera, at nang makakuha na ng pera, agad na siyang dumiretso sa kanilang bahay.

Ngunit malayo pa lang, naririnig na niyang nag-iiyakan ang kaniyang mga anak dahilan upang siya’y mapahangos. Pagkabukas niya ng pintuan, bumungad sa kaniya ang panganay niyang anak na walang malay at may dugo sa ulo.

“Makulit ‘yan, eh, istorbo! Hingi nang hingi ng pera, eh, wala ngang pera si Manuel!” sigaw ng babae ng kaniyang asawa.

“Eh, anong ginawa mo?” nanggagalaiti niyang tanong.

“Inuntog ko, bakit?” mataray na tugon nito saka siya nilayasan. Sinumbong niya ito sa kaniyang asawa habang pinahihimasmasan niya ang kaniyang anak, ngunit imbis na magalit sa babae, sa kaniya pa ito nagalit dahilan upang ganoon na lang siya mapuno.

Inempake niya lahat ng mga gamit ng kaniyang mga anak, saka isa-isa itong pinalabas ng bahay. Alam niya kasing kapag nalaman ito ng kaniyang asawa, sasaktan na naman siya nito. Bago lumabas ang kaniyang panganay, bilin niya rito, “Humingi ka ng tulong sa barangay, anak.”

Pagkatapos na pagkatapos niyang sabihin ‘yon, sakto namang labas ng kaniyang asawa dahilan upang itulak niya palabas ng bahay ang kaniyang anak. Nakaramdam ang kaniyang asawa’t agad na pumunta sa kanilang kwarto at nang makita nitong wala na ni isang gamit ang naroon, agad siya nitong hinablot at sinigaw-sigawan.

“Manuel, magising ka na, mali na ang ginagawa mo!” sigaw niya rito na lalo pa nitong ikinagalit dahilan upang ihagis siya nito sa lamesa.

Susuntukin pa lang sana siya nito nang biglang dumating ang mga tanod na tinawag ng kanilang anak at agad siyang inawat.

Doon na nagkaroon ng pagkakataon si Nikki na makapagsumbong at dahil sa lala ng ginawa nito sa kaniya, sa presinto ito idiniretso ng mga tanod. Ganoon na lang ang tuwa niya, hindi man kumpleto ang kanilang pamilya, mabubuhay naman nang walang kara*hasan ang kaniyang mga anak.

Advertisement