
Lakas Loob na Iniuwi ng Lalaking ito ang Anak Niya sa Labas; Nabigla Siya sa Sinabi ng Kaniyang Asawa
“O, pare, napadalaw ka? Tatagay ba tayo ngayon?” bungad ni Edwin sa kaniyang kaibigan, isang gabi nang pumunta ito sa kaniyang bahay.
“Oo sana, pare, pupwede ka ba? May malaking problema lang ako, eh,” sagot ni Lloyd saka iniabot sa kaibigan ang dalang alak.
“Aba, oo naman! Lagi akong pwede pagdating sa’yo! Ano ‘yang problema mong ‘yan?” tanong nito habang iniaayos ang kanilang mga gagamitin.
“Hindi ba’t alam mong may anak ako sa ibang babae? Sumakabilang buhay na kahapon ‘yong babaeng ‘yon at isang taong gulang pa lang ‘yong anak ko. Hindi ko alam ang gagawin ko,” nakatungong kwento niya dahilan upang mapailing ang kaniyang kaibigan at agad na tumungga ng alak.
“Naku, mahirap nga ‘yan, pare, sabi naman kasi sa’yo noong una pa lang, tigilan mo na ‘yong babaeng ‘yon, ayan tuloy dugtong-dugtong na disgrasya ang inabot mo,” kamot-ulong sambit pa nito.
“Kaya nga, eh, balak ko nang umamin sa asawa ko para maalagaan ko rin ‘yong anak ko sa iba, kaya lang natatakot ako, baka iwan nila akong mag-iina,” mangiyakngiyak na sambit niya dahilan upang patagayin na siya ng kaibigan.
“Sumugal ka, pare, panindigan mo ‘yang pagkakamali mo. Kung iwan ka man nila, pumunta ka ulit dito sa bahay, mag-inom ulit tayo!” biro nito dahilan upang umurong ang kaniyang mga luha’t mapatawa.
“Loko ka talaga!” bulyaw niya saka niya ito binato ng pipitang pulutan nila. Mabuting asawa’t ama naman talaga noon ang marinong si Lloyd. Kaya lang, nang magsimulang madestino sa isang probinsyang malayo sa kaniyang mag-anak, doon na siya nakagawa ng mga kasalanan sa kaniyang pamilya’t lalo na sa kaniyang asawa.
Wala naman talaga siyang balak na magtaksil sa kaniyang asawa, ngunit nang makantiyawan ng kaniyang mga katrabaho dahil siya lang ang walang babae ro’n, doon na siya nagsimulang kumilala at magsama ng ibang babae sa tinutuluyan niya ro’n.
Hindi niya lubos akalaing magbubunga ang gawain niyang ‘yon dahilan upang labis siyang makonsensya. Ngunit dahil hindi niya kayang ipalagl*g ang nabuo niya, ‘ika niya sa dalagang iyon, “Hayaan mo, susustentuhan ko ang bata, basta ayoko lang malaman ‘yan ng asawa ko,” na agad namang sinang-ayunan ng naturang babae.
Buong akala niya’y nasolusyunan na niya ang gusot niyang ‘yon ngunit pagkalipas ng halos dalawang taon, pumanaw naman ang naturang dalaga dahilan upang ganoon na lang siya mamomblema.
Dahil nga wala siyang pagpipilian kung hindi kunin ang anak, naglakas loob na lang siyang iuwi ito sa kanilang bahay. ‘Ika niya, “Bahala na kung anong mangyari, kasalanan ko ‘to, eh, kailangan kong pagbayaran,” saka niya ipinasok sa kanilang bahay ang walang muwang na bata.
Agad niyang hinanap ang kaniyang asawa, sakto namang nasa eskwelahan ang kanilang mga anak dahilan upang bahagyang lumakas ang loob niya, wala na siyang sinayang na minuto’t agad na pinuntahan ang asawa sa kanilang kwarto.
Nadatnan niya itong nagtitiklop ng damit, buong akala niya’y magugulat ito sa karga niyang bata ngunit tila siya ang nagulat sa sinabi nito.
“Ayan na ba ‘yong anak mo sa Nueva Ecija? Ang gwapo naman! Pakarga nga!” magiliw nitong sambit saka maingat na binuhat ang naturang bata.
“A-alam mong…” uutal-utal niyang sambit.
“Alam ko lahat,” nakangiting sambit ng kaniyang asawa dahilan upang siya’y labis na magulat at magtaka.
“Bakit hindi ka nagalit sa akin? Bakit hindi mo ako nilayasan, o kahit inaway man lang?” nagtatakang tanong niya ngumiti lang ito’t tumalikod sa kaniya, habang karga-karga pa rin ang kaniyang anak.
“Kapag ginawa ko ba ‘yon, matutuwid mo lahat ng gusot na ginawa mo? Mahal kita, Lloyd, pati ang mga anak ko, kaya kahit masaktan ako, ayos lang,” pigil luhang sambit nito dahilan upang yakapin niya ito nang mahigpit at maiyak na lang sa kabaitang mayroon ito.
Doon niya napagtantong napakaswerte niya pala talaga sa kaniyang asawa. Hindi niya alam kung anong espiritu ang pumasok sa katawan niya upang magtaksil sa ganitong klaseng asawa.
Simula noon, nangako siya sa sariling gagawin ang lahat upang makabawi sa lahat ng kaniyang pagkakasala sa kaniyang pamilya, lalo na sa kaniyang asawa.
Nagdesisyon siyang muling gawin ang panunuyong ginagawa niya noon sa asawa no’ng ito’y nililigawan niya pa lang na talaga nga namang ikinasaya nito. Laking tuwa niya rin dahil tanggap ng kaniyang tatlong anak ang bagong kasapi ng kanilang pamilya.
Madestino man siya muli sa malayong probinsya’t makantiyawan ng mga katrabaho, hindi na niya ito pinatulan at laging isinaisip ang kabaitang mayroon ang kaniyang asawa na hindi niya dapat sayangin, dahil sigurado siyang hindi niya ito kakayanin kapag ito ang nawala sa kaniya.