Inday TrendingInday Trending
Ayaw Niyang Magpaospital dahil Tuluyan na Siyang Sumuko sa Buhay; Isang Tao ang Nagpabago sa Kaniyang Pananaw

Ayaw Niyang Magpaospital dahil Tuluyan na Siyang Sumuko sa Buhay; Isang Tao ang Nagpabago sa Kaniyang Pananaw

Napaismid si Brianna nang manuot sa kaniyang ilong ang pamilyar na amoy na isang lugar na simula pagkabata ay kilalang kilala niya na. Ang ospital.

“Doc, kumusta naman ho ang kalagayan ng anak namin?” nag-aalalang tanong ng kaniyang ina kay Dra. Topacio.

Isang malalim na buntong hininga ang isinukli ng doktor habang matamang nakatingin sa resulta ng pagsusuri na ginawa sa kaniya.

Imbes na sumagot na ay bumaling sa kaniya ang doktor.

“Brianna, hija, sigurado ka ba na iniinom mo ang mga gamot mo?” kunot noong tanong ng doktor.

“Yes po, doc,” maagap na sagot niya sa doktor.

“Nagtataka kasi ako dahil hindi bumubuti ang kalagayan mo, para bang walang epekto mga gamot na nirereseta ko,” bigong wika ng doktor bago ito bumaling sa kaniyang ina.

“Kailangan kong resetahan ng bagong gamot si Brianna, Liz. Hindi nagre-respond ang katawan niya sa mga gamot,” paliwanag ni Dra. Topacio sa kaniyang ina na mataman lamang na nakikinig.

“Sige po, doc. Tiwala naman ako sa’yo. Alam niyo naman po na gagawin namin ang lahat para lang humaba ang buhay na anak ko,” sagot ng kaniyang ina sa doktor.

“Pero, Liz, kagaya ng sinabi ko, hindi tayo pwedeng umasa sa gamot lang. Sooner or later, kailangan din operahan ni Brianna para tuluyan na siyang gumaling,” seryosong wika ni Dra. Topacio.

Natahimik ang kaniyang ina. Maya-maya ay nagsalita sa mahinang boses.

“Alam ko po, doc. Susubukan ko po ulit kausapin si Brianna tungkol sa bagay na iyan.”

Muling napairap si Brianna sa sinabi ng kaniyang ina.

“Mommy, hindi mo ako mapipilit na magpa-opera!” galit na sagot niya sa ina nang makauwi sila sa bahay.

“Anak, please. Gawin mo naman ito para sa amin ng daddy mo. Gusto lang naman namin na mapabuti ka…” banayad na wika ng kaniyang ina.

“‘Yun na nga, mommy! Simula pagkabata ay naging pabigat na ako sa inyo! Bakit ba hindi niyo na lang ako hayaang mamat*y para wala na kayong problema ni daddy?” umiiyak na sagot ni Brianna sa ina nitong nagsisimula na ring lumuha.

Bumalatay ang gulat sa mukha ni Liz nang marinig nito ang sinabi ng anak.

“Ano? Anak, paano mo nasabi ‘yan? Lahat ng ginagawa namin ng daddy mo, para sa’yo. Walang saysay ang buhay namin kung wala ka, anak!” emosyonal na wika ni Liz sa kaniyang unica hija.

Lalong napaluha si Brianna sa sinabi ng ina. Nasasaktan kasi siya na makitang patuloy na nahihirapan ang kaniyang mga magulang dahil sa sakit niya.

Simula pagkabata ay parang hindi niya na nakitang masaya ang mga ito dahil lagi nang nag-aalala ang mga ito na baka may mangyaring masama sa kaniya.

“Hindi, mommy! Hindi ako papayag! Masyadong malaki ang kakailanganin natin para sa operasyon? Paano kung mamat*y rin ako habang inooperahan? Anong matitira sa inyo ni daddy? Isa pa, pagod na pagod na akong lumaban, mommy!”

“Anak, huwag mong sabihin iyan. May awa ang Diyos, hindi niya tayo pababayaan,” wika ni Liz sa anak bago niyakap nang mahigpit ang anak.

Dinama ni Brianna ang mahigpit na yakap ng kaniyang ina subalit sa isip niya ay buo na ang kaniyang desisyon na hindi pumayag sa operasyon.

“Pagod na pagod na ako…” sa isip isip ng dalaga.

Araw ng check-up ni Brianna. Kahit gaano katinding pangungumbinsi ng kaniyang mga magulang ay hindi siya napilit ng mga ito.

Idinahilan niya na lamang sa mga magulang na natatakot siya kaya walang magawa ang mga ito.

Buong gabi niya yata narinig ang mga hikbi ng kaniyang ina.

“Mommy, mauna na po kayo kay doc, mag-CR lang po ako sandali,” paalam niya sa ina.

Malamig na tumango lamang ang kaniyang ina. Masama pa rin ang loob nito dahil sa naging desisyon niya.

Sa tagal ng panahon na pabalik balik sila sa ospital ay kabisado na ni Brianna ang pasikot sikot sa ospital.

Tiyak ang kaniyang mga hakbang patungo sa CR nang naagaw ang atensiyon niya ng isang lalaking nakasalampak sa labas ng emergency room.

Malakas ang hagulhol nito habang paulit ulit na isinisigaw ang pangalang “Ashley.”

“Ang anak ko! Kawawa naman ang anak ko!”

Patuloy sa pagtangis ang matanda. Tila ito may sariling mundo at hindi nito pansin ang maingay na emergency room.

“Nang mapansing unti-unti itong nakakaagaw ng atensiyon ay nilapitan niya ang lalaki at pinakalma.

“‘Tay, ayos lang ho ba kayo?” tanong niya nang mahimasmasan ang matanda.

Muli na namang nagilid ang luha sa mga mata nito.

“Ang kawawa kong anak…” bulong nito.

“Kung hindi sana ako ang naging ama ni Ashley ay baka hindi siya nawala nang ganito kaaga,” tila wala sa sarili na wika nito.

Sa kwento na rin ng matandang nagpakilalang si Roger ay napag-alaman ni Brianna na ang anak nito ay pumanaw sa edad na dalawampung taong gulang dahil sa sakit sa puso.

“Kung mayroon lang sana akong pambili ng mga gamot… o ‘di kaya ay pampaopera, baka hindi ganito ang sinapit ng anak ko!” Maya maya pa ay humahagulhol na naman ang lalaki.

Tila naman piniga ang puso ni Ashley sa nasaksihan. Ramdam na ramdam niya kasi ang pighati ng amang nawalan ng anak.

Hindi maiwasan ni Ashley na isipin ang mga sinabi ng kaniyang ina.

“Walang saysay ang buhay namin kung wala ka, anak!”

Siguro nga ay mas lalong mahihirapan ang mga magulang niya kung sakaling mawawala siya. Noon niya napagtanto na kailangan niyang lumaban para sa kaniyang mga magulang na patuloy na lumalaban para sa kaniya.

“Mang Roger, nakikiramay ho ako sa pagkawala ni Ashley. Pero isipin niyo na lang po na nasa mas maayos na lugar na siya ngayon. Sigurado po ako na doon ay wala na siyang mararamdamang sakit. Isa pa, siguro po ay masaya na siya dun dahil hindi na mahihirapan pa ang kaniyang ama,” pagkokonsola ni Brianna sa lalaki.

“Alam ko ho na makakahinga na nang maluwag si Ashley kung nasaan man siya dahil hindi niyo na siya kailangan pang alalahanin. Alam ko ho dahil anak din ako at nasasaktan ako kapag nakikita kong nahihirapan ang mga magulang ko dahil sa sakit ko,” dagdag pa ni Brianna bago hinawakan nang mahigpit ang kamay ng lalaki.

Nang makabalik siya sa opisina ni Dra. Topacio, agad siya nitong inusisa.

“Brianna, ayaw mo ba talagang magpaopera? ‘Wag kang matakot, dahil gagawin namin ang lahat para bumuti ang kalagayan mo,” pangungumbinsi nito.

Ngumiti siya sa doktor.

“Magpapaopera po ako, dok.”

Nagulat ang doktor sa biglaang pagbabago ng kaniyang isip. Maging ang kaniyang magulang ay hindi makapaniwala. Tuluyang nang napaiyak ang kaniyang ina.

“Mommy, daddy… maraming salamat po sa patuloy niyong paglaban para sa akin. Napakapalad ko na kayo ang naging magulang ko. Patuloy po akong lalaban para makasama kayo nang matagal,” naiiyak niyang niyakap ang kaniyang mga magulang.

Sa kabutihang palad, naging matagumpay ang operasyon ni Brianna. Ilang taon pa ang lumipas ay tuluyan na siyang nakapamuhay ng normal.

Nagpapasalamat siya sa Diyos sa bawat araw na dumaragdag sa buhay niya at sa pagkakaroon ng mga magulang na hindi kailanman sumuko sa kaniya.

Advertisement