Inday TrendingInday Trending
Tinanggap Niya ang Pera na Ibinigay ng Ina ng Lalaking Pineperahan; Sising-Sisi Siya nang Makita Ito Makalipas ang Ilang Taon

Tinanggap Niya ang Pera na Ibinigay ng Ina ng Lalaking Pineperahan; Sising-Sisi Siya nang Makita Ito Makalipas ang Ilang Taon

“Sige na nga, mahal, ibibili na kita. Ayoko namang nagtatampo ka sa akin.”

Lihim na napangiti si Jilliane nang marinig ang sinabi ni Russel, ang lalaking malaki ang pagkagusto sa kaniya.

“Talaga, mahal? Gusto ko yung pinakabagong model, ha?” malambing niyang hinaplos ang braso nito, dahilan upang mapangiti nang malawak ang lalaki.

“Oo na, alam mo namang hindi rin kita matitiis.” nakayukong wika ng lalaki.

Ilang buwan na rin ang nakalipas simula nang makilala siya ng lalaki.

Sinadya niya talagang agawin ang atensiyon nito nang minsang dumalo siya sa isang party dahil alam niya na nagmula ito sa mayamang pamilya.

Nagtagumpay naman siya dahil talagang naakit ito sa taglay niyang ganda. Ito na ngayon ang pinakamasipag niyang manliligaw.

Matapos silang bumili ng cellphone ay nagpahatid kaagad siya sa lalaki pauwi. Idinahilan niya na lang dito na masama ang pakiramdam niya.

Sabik niyang tinawag ang kasintahang si Arvin nang makapasok siya sa bahay.

“Babe, tingnan mo ‘to!”

“Wow, ‘yan ‘yung pinakabagong labas na cellphone! Nauto mo na naman yung pangit mong manliligaw?” nakangising tanong ni Arvin.

“Ano pa nga ba?” humagikhik na sagot ni Jilliane.

Sabay nilang kinutingting ang bagong gadget habang pinag-uusapan ang pobreng si Russel.

“Alam mo, buti na lang, mayaman ‘yang Russel na ‘yan. Kung hindi ay napakamalas niya. Isipin mo, pangit na, mahirap pa?”

Muling umugong ang matunog nilang halakhakan.

“Baka naman nagkakagusto ka na sa lalaking ‘yun ha?” nagdududang nilingon siya ni Arvin.

“Bakit ko naman magugustuhan ‘yung panget na ‘yun?” natatawang tanong ni Jilliane.

Isang ngisi lamang ang isinukli sa kaniya ng kasintahan.

“Ano ka ba, wala akong kaplano plano na sagutin ‘yun, ikaw lang ang mahal ko,” kumbinsi niya sa kasintahan.

Sa totoo lang, kahit mabait ang lalaki ay gusto niya talagang bastedin ito dahil sa pangit nitong mukha. Nanghihinayang lang siya dahil ang mga materyal na bagay na hindi niya kayang bilhin ay ito ang bumibili para sa kaniya.

“Saka na, kapag nagsawa na ako,” sa isip isip ng dalaga bago nakangiting nakatulog.

Nagpatuloy si Jilliane sa paghuthot sa lalaki hanggang sa isang araw ay isang sopistikadang lalaki ang bumisita sa kaniyang tahanan.

“Anong ho ang maipaglilingkod ko sa inyo?” takang tanong niya sa ‘di-kilalang babae.

“Alam kong hinuhuthutan mo lang ang anak ko. Gustong kong layuan mo si Russel!” walang palabok na wika ng babae.

Hindi nakapagsalita agad si Jilliane. Hindi niya kasi akalain na kakausapin siya ng ina ni Russel,

“H-hindi ko ho alam–”

“‘Wag kang magmaang-maangan! Akala mo ba hindi ko alam ang pinaggagawa ng anak ko? Napakabait ng anak ko para lokohin mo!”

Maya-maya ay may inilabas ang babae mula sa bag nito.

Nanlaki ang mata ni Jilliane nang makita ang tseke ngunit sinikap niyang hindi magpahalata.

Taas noong inabot sa kaniya ng babae ang tseke.

Ganun na lamang ang panlalaki ng mata niya nang makita ang halaga nito – tumataginting na isang milyong piso!

“Magpakalayo layo ka mula sa anak ko, hindi ikaw ang karapat dapat sa kaniya,” sabi ng babae bago siya tinalikuran.

Naiwan siyang tigagal. Nang makabawi siya ay nagtititili siyang nagtatalon.

“Meron akong isang milyong piso!”

Gaya ng gusto ng ina ni Russel ay nagpakalayo-layo sila ni Arvin.

Gamit ang pera na nakuha mula sa ina ni Russel ay nagpakasal sila ni Arvin, at sinimulang bumuo ng pamilya.

Ngunit ang inaakala niyang masayang buhay sa piling ng kaniyang pinakamamahal ay hindi niya nakamit.

Nang mag-asawa na sila n Arvin ay doon lumabas ang tunay na kulay nito.

Isa itong batugan, sugarol, lasinggero, at babaero. Halos ito lang ang nakaubos ng pera na nakuha niya mula sa ina ni Russel dahil sa mga bisyo nito.

Madalas din siyang saktan ng lalaki sa tuwing nalalasing ito.

Naging impyerno ang buhay niya sa piling ng lalaki. Tila pinarusahan siya ng Diyos dahil sa kasalanang ginawa niya kay Russel.

Dalawang taon pa lamang silang mag-asawa ay tila isang dekada na ang itinanda ni Jilliane dahil sa konsumisyon niya sa asawa.

Nang sabihin niya rito na buntis siya sa panganay nilang anak ay nagalit ang lalaki imbes na matuwa. Hindi pa raw ito handang maging ama.

Isang araw, muling nag-krus ang landas nila ng taong hindi niya na gusto pang makita – si Russel.

Kasalukuyan siyang nasa ospital upang magpa-check up nang isang pamilyar na lalaki ang mamataan niya.

Tila may hinihintay ang lalaki. Iiwas sana siya subalit narinig niya na na tinawag nito ang pangalan niya.

“Jilliane?”

Alanganin niyang nilingon ang lalaki, bago nagpanggap na nagulat sa presensiya nito.

“Russel,” pormal niyang wika.

Inaasahan niya na galit ang lalaki dahil naglaho siya na parang bula noon, subalit isang malawak na ngiti ang nakapaskil sa mga labi nito.

“Kumusta ka na?” tanong nito.

Pilit na ngiti ang isinukli niya rito.

“Maayos naman. Ito, buntis ako sa panganay kong anak,” pagbabalita niya.

Tila napansin ng lalaki na hindi siya komportable. Nagulat siya sa sumunod na sinabi nito.

“Kung iniisip mo na may sama ako ng loob sa’yo dahil sa nangyari noon, ‘wag ka nang mag-alala,” wika nito.

“Natanggap ko na hindi tayo para sa isa’t isa. Isa pa, kung hindi ka noon lumayo, baka hindi ko nakilala ang babaeng para sa akin,” ngiting-ngiting pagkukwento nito.

Nagpatuloy ito sa pagkukwento. Hindi niya maiwasang masdan ang lalaki habang nagkukwento ito tungkol sa asawa nito.

Nagniningnig ang mata ng lalaki at halatang halata sa mukha nito na mahal na mahal nito ang asawa. Emosyon na kailanman ay hindi niya nakita sa mukha ng kaniyang asawa.

Hindi niya tuloy maiwasang magsisi. Itinrato niya itong parang basura noon samantalang mahal na mahal siya nito.

“Pasensiya ka na ha, may mga nangyari lang kasi noon kaya kinailangan kong umalis noon,” nahihiyang hinging paumanhin niya sa lalaki.

Nakakaunawang tumango ito. Naagaw ang atensiyon ng bumukas na pinto.

“Mahal!” tawag nito sa babaeng lumabas.

Napanganga siya nang makita ang babae. Tila ito isang manika sa ganda!

Hindi nakabawas sa ganda nito ang malaking tiyan.

“Sorry, naghintay ka nang matagal. Nag-catch up lang kami ni Maya,” mahinhing wika ng babae.

“Walang problema mahal, tiwala ako na ang kaibigan mo ang doktor ng baby natin,” sagot ng lalaki.

“Oo nga pala, si Jilliane, kaibigan ko. Si Amber, asawa ko,” pagpapakilala ng lalaki sa kanilang dalawa.

“Hello, Jilliane. Ilang buwan na ang dinadala mo?” masiglang tanong ni Amber.

“Ah, anim na buwan na. Ikaw ba?” bahagyang naiilang na tanong niya sa babae.

“Parehas pala tayo,” natutuwang sagot nito.

“Hon, baka maging magka-birthday pa ang baby namin,” wika pa nito sa asawa.

Ilang sandali pa silang nagkwentuhan ng babae bago niya narinig ang pangalan niya na tinatawag ng doktor.

“Naku, parehas pa pala tayo ng doktor. ‘Wag ka mag-alala, kaibigan ko si Doc Maya. At nasa mabuting mga kamay ang mga baby natin,” wika ni Amber.

“O sige, mauna na kami, ha? Nice to see you again, Jilliane,” pamamaalam ni Russel bago buong ingat ana inalalayan ang asawa.

Narinig niya pa ang pambubuska ni Amber dito habang mabagal na naglalakad. “Hon, ang OA mo talaga! Kaya ko na maglakad mag-isa!”

Walang ibang magawa si Jilliane kundi sundan ng nananaghiling tingin ang mag-asawa.

Siguro kung hindi niya niloko si Russel noon ay baka siya ang nasa posisyon ni Amber ngayon. Halatang mahal na mahal ito ni Russel. Hindi kagaya ng walang silbi niyang asawa.

Sigurado si Jilliane na iyon ang karma niya sa ginawa niya noon kay Russel. Tunay nga na nasa huli ang pagsisisi.

Alam niyang habambuhay niyang pagsisisihan ang ginawa dito, sa piling ng lalaking kaniyang pinili.

Advertisement