Inday TrendingInday Trending
Tila Aso’t Pusa Kung Mag-away ang Magkapatid; Isang Pangyayari ang Naglapit sa Kanilang Loob

Tila Aso’t Pusa Kung Mag-away ang Magkapatid; Isang Pangyayari ang Naglapit sa Kanilang Loob

“Hoy Ate Jessie! Tawag ka ni tatay, bumaba ka daw muna sandali.”

Binuksan lamang ni Jaira ang pintuan ng kwarto ng ate niya para sabihan ito saka nito muling padabog na isara dahilan upang muntikan ng mapasigaw sa inis si Jessie.

Hindi talaga sila magkakasundo ng kaniyang kapatid. Dalawang taon lang ang tanda niya kay Jaira pero para silang aso’t pusa na walang bagay na mapagkasunduan.

“Hulaan niyo kung saan tayo pupunta para sa bakasyon?” pang-aasar ng tatay nila, dahilan upang matawa ang kanilang nanay.

Si Jaira ay lihim na napangiti lamang sa ganitong ugali ng tatay nila.

“Alam niyo naman na matagal ko nang gustong umakyat ng bundok ‘di ba?” bakas ang excitement sa mukha ng kanilang tatay habang nagsasalita ito.

“Papa naman eh, alam niyo namang hindi ako mahilig sa mga ganyan. Iba na lang po,” pagrereklamo ni Jessie sa tatay nila kaya naman napairap si Jaira.

“Sige na anak, pagbigyan mo na ako,” parang bata na pagmamakaawa ng kanilang tatay kay Jessie.

Bumuntong hininga si Jessie bago ito napipilitang pumayag sa gusto ng kanilang ama.

”Sige na nga po, ano pa nga bang magagawa ko,” agad na napangiti ang kanilang nanay at tatay sa narinig.

Sa sobrang pagkasabik ay agad na umakyat ang kanilang tatay upang mag-empake habang tinuloy ng nanay nila ay ginagawa nito.

“Paimportante.” Hindi nakaligtas sa pandinig ni Jessie ang pagbulong ni Jaira ngunit hindi niya na lamang ito pinansin at umakyat na upang maghanda sa kanilang pag-alis.

Kinabukasan ay handa na sa pag-alis ang buong pamilya.

Siniguro lamang nga kanilang ina na kumpleto na ang mga gamit nila at nagsimula nang mag-drive ang kanilang ama papunta sa kanilang destinasyon.

Pagdating nila ay agad nilang inilabas ang mga kagamitan.

Hindi na sila nagpatumpik tumpik pa at agad na nagsimulang umakyat sa bundok.

Patuloy ang pangunguna at pagkukwento ng kanilang tatay habang umaakyat sila.

Kaya naman hindi sila nainip at unti unting na-enjoy ang pag-akyat sa bundok kasama ang kanilang magulang.

Maya-maya ay napansin ni Jessie na nawala na sa harap niya ang nakababatang kapatid. Kinabahan niyang nilingon ang paligid at nakahinga siya nang maluwag nang makita ang kapatid na kumukuha ng litrato kaya’t pinuntahan niya ito.

“Ano ka ba Jaira! Bakit bigla ka na lamang nawawala,” agad niyang pinagsabihan ang kapatid.

“Ano bang pake mo ate, kumukuha lang naman ako ng litrato,” tinarayan siya ni Jaira, bagay na ikinainis niya.

Naiinis man si Jessie ay hinintay niya pa rin ang kaniyang kapatid sa takot na mawala ito.

Nang tapos na itong kuha ng litrato ay nilingon ni Jessie ang lugar kung saan sila nanggaling ngunit wala na roon ang magulang nila.

“Jaira! Bakit ba kasi ang tagal mo? Mukhang nawala na natin sila papa,” kinakabahang wika Jessie.

“Naku, ganitong ganito ‘yung mga nasa pelikula. Mag-ingat ka ate, baka bigla ka na lang may makasalubong,” nang-iinis na pananakot ni Jaira. Alam kasi nito na matatakutin ang nakatatandang kapatid.

“Tumigil ka nga! Hindi ka nakakatulong!” inis na asik ni Jessie dito.

Parehas na walang alam ang magkapatid sa kung ano ang gagawin ngunit tuloy tuloy silang naglakad.

Hanggang sa may mamataan silang isang maliit na bahay. Mukhang may tao sa loob dahil hindi naman ito mukhang abandonado.

Nalapitan nila ang bahay. Akmang kakatok na ang magkapatid nang bumukas ang pinto at may lumabas na isang matandang babae.

“Mga hija, ano ang maitutulong ko sa inyo?” banayad ang tono ng matanda kaya naman bahagyang napanatag ang magkapatid.

“Kasama ho namin ang magulang naming kaso ay nawala po kami at hindi namin makita.” pagpapaliwanag ni Jessie na pasimpleng tumingin kay Jaira na tahimik lamang na nakatuon ang atensiyon sa matanda.

“Ganoon ba? Sige, tumuloy muna kayo sandali,” pinatuloy sila ng matanda sa maliit na bahay.

Kasalukuyang iginagala ni Jessie ang paningin sa loob ng bahay nang marinig niyang nagsalita ang kapatid.

“Sino po siya?” tanong ni Jaira.

Nagtaka si Jessie sa tinanong ni Jaira kaya’t nilingon niya ang tinitingnan nito.

Nakita niya ang isa pang matandang babae na nakahiga at mahimbing na natutulog lamang sa kama.

“Ang pinakamamahal kong kapatid.” Hinaplos nito ang buhok ng nahihimbing na kapatid.

“Ano po ang nangyari sa kaniya?” muling tanong ni Jaira sa matanda.

“May sakit siya, alam mo naman habang tumatanda ay nagkakaroon na ng problema ang matatanda,” malungkot na sambit ng matanda.

“Ngunit ang sabi niya ay ayaw niya raw magpagamot. Kailangan niya lang daw ako sa tabi niya upang lumakas siya.”

“Wala po ba siyang sariling pamilya?” muling tanong ni Jaira.

“Nasa ibang bansa na ang mga anak niya. May binayaran silang nurse para mag-alaga sa aking kapatid subalit minaltr*ato lamang siya. Mabuti na lamang at natuklasan ko. Simula noon ay ako na ang nag-alaga sa kaniya.”

Ramdam ang lungkot sa boses ng matanda habang nakatingin ito sa kapatid.

Nagkatinginan ang magkapatid na Jessis at Jaira ngunit magkasabay ring ng nag-iwas ng tingin.

“Magkapatid ba kayo?” nagulat ang dalawa sa tanong ng matanda. “O-Opo.” nauutal na sagot ng magkapatid.

“Mga bata pa kayo. Mas maganda na pahalagahan niyo ang isa’t isa habang maaga pa. Dapat ay kayong dalawa ang magkakampi sa kahit na anong bagay,” matamis ang boses nasabi ang matanda habang nakangiti sa magkapatid.

Namalayan ni Jessie na nangingilid na ang kaniyang luha kaya naman nagpaalam muna siya na lalabas at sasagap ng hangin.

Si Jaira naman ay naiwang nagmumuni-muni.

Hindi napigilan ni Jaira ang bumabagabag sa kaniyang loob kaya naman maya maya ang sumunod siya ate niyang lumabas.

Maya-maya ay naramdaman ni Jessie na may yumakap sa kaniya mula sa kaniyang likuran.

“Pasensiya na, ate. Pasensya na dahil naging masama akong kapatid. Hindi kita iginagalang bilang nakatatanda,” umiiyak na sambit ni Jaira dahilan upang tuluyan ng maluha si Jessie.

“Ang akala ko kasi ay ikaw ang paboritong anak nila mama at papa dahil panganay ka, nagseselos ako sa’yo, ate,” pagpapatuloy ni Jaira.

“Alam ko naman na lagi mo akong inaalala at gusto mo lang na mapabuti ako kaya pasensya ka na talaga, ate,” patuloy pa rin ang pag-iyak ni Jaira habang mahigpit na nakakapit sa kapatid.

“Pasensya ka na rin Jaira, hindi ako naging mabuting ate sa’yo at hindi ko kailanman naiparamdam na mahalaga ka sa akin,” hinging patawad rin ni Jessie sa kapatid.

Maya-maya pa ay parehas na nakangiti at magaan ang loob ng magkapatid habang nagkukwentuhan.

Nalimot na nila na nawawala pala sila sa kabundukan.

“Jessie! Jaira!” nagulat sila nang marinig ang boses ng kanilang ama.

Nalingunan nila ang mga magulang na nasa mukha ang pag-aalala.

“Siguro nga ay hindi talaga magandang ideya ang pagpunta dito,” bigong wika ng kanilang ama.

Agad na nagkatinginan ang magkapatid at natawa.

“Papa, okay lang po, masaya nga po ang ganitong nakakapag-bonding kami ni Jaira,” sagot ni Jessie.

Gulat na gulat ang ama sa sagot ni Jessie. Alam kasi nito na napilitan lang ang anak na si Jessie na sumama. Ngunit mas gulat siya na mukhang magkasundo ang dalawang anak.

“Maraming salamat po, lola. Sana po ay patuloy na pong gumaling ang kapatid n’yo,” wika ng magkapatid nang paalis na sila.

“Walang anuman, mga hija. Mag-ingat kayo pababa,” wika ng matanda.

Magkahawak kamay na naglakad ang magkapatid.

Takang taka man ang magulang ng dalawa sa biglaang pagbabago sa pagitan ng mga anak ngunit masaya sila na sa wakas ay magkasundo na ang mga anak na dati ay tila aso at pusa.

Advertisement