Inday TrendingInday Trending
Ikinahihiya Ako ng Anak Ko

Ikinahihiya Ako ng Anak Ko

Bago umalis at pumasok sa trabaho ay inihanda muna ni Nitang ang alumusal, baon at mga uniporme ng kaniyang mga anak na sina Sharina at Michael habang tulog pa ang mga ito. Nakapaglaba rin siya at nakapag-ipon ng tubig. Ginising niya ang panganay na anak na si Sharina, 16 na taong gulang na nasa senior high school upang pagbilinan ito.

“Sharina, anak, gising na. Handa na ang almusal ninyo. ‘Yung baon ninyo ni Michael nasa ibabaw ng ref. Ikaw na ang bahalang magbigay sa kaniya, ah. Dating gawi,” paalala ni Nitang sa anak.

Ni hindi man lamang siya sinulyapan ng anak na tumagilid sa pagkakahiga.

“Alam ko na po iyan. Bye po,” tugon ni Sharina.

Napabuntong-hininga na lamang si Nitang sa inasal ng anak. Tumayo na siya, isinuot ang sumbrero, kinuha ang bag at walis tingting at lumabas na ng bahay.

Simula nung yumao ang kaniyang asawang si Pilong dahil sa sakit na tuberculosis ay tila napansin ni Nitang na nag-iba ang trato sa kaniya ng kaniyang panganay na si Sharina lalo na nang pasukin niya ang pagiging street sweeper o pagwawalis sa kalye. Wala siyang ibang alam na mapapasukan kung ‘di ang pagwawalis. Nasanay kasi siyang si Pilong ang kumakayod para sa kanilang pamilya. Siya ang naiiwan sa bahay at nag-aasikaso sa mga pangangailangan ng kaniyang mga anak at asawa.

Balwarte ni Nitang ang kahabaan ng Quirino Highway na nasa North Caloocan. Matiyagang winawalis ni Nitang ang iba’t ibang mga kalat. Palibhasa’y malapit ito sa palengke. Mga upos ng sigarilyo, mga plastik, mga balat ng prutas at gulay, mga natapong pagkain at minsan pa’y suka ng taong lasing o batang nahilo. Lahat ng iyan ay kalaban ni Nitang sa araw-araw na pagwawalis. Hindi niya alintana ang mainit na sikat ng araw o pagbuhos ng malamig na ulan. Ang mahalaga sa kanya ay matustusan niya ang mga pangangailangan ng kaniyang mga anak.

Grade 12 na si Sharina at malapit na itong magkolehiyo. Gusto ni Sharina na kumuha ng kursong Edukasyon. Gusto nitong maging guro. Si Michael naman ay Grade 6. Minsan ay suma-sideline si Nitang bilang tagalinis ng mga gusali o kainang malapit sa palengke o kaya naman sa bahay-bahay ng mga maykaya. Dagdag kita rin. Hindi na masama lalo’t kailangan ng pambaon sa eskwela nina Sharina at Michael.

Tuwing tanghali ay alam ni Nitang na daraan sa kalyeng kaniyang pinagwawalisan ang anak na si Sharina. Kapag ganoon ay inaabangan niya ang pagdaan nito. Subalit napansin ni Nitang na iniiwasan talaga ng anak na mapadaan sa lugar kung saan naroon siya o kaya’y nagmamadali at binibilisan ang paglakad upang hindi niya mapansin. Kapag tinatawag niya ito ng “Anak!” ni hindi man lamang ito lumilingon sa kaniyang kinaroroonan. Naisip ni Nitang na ikinahihiya siya ng anak. Ikinahihiya ni Sharina ang kaniyang trabaho.

Nang minsang sabihin ni Nitang kay Sharina na may posibilidad na madestino siya sa pampublikong paaralang pinapasukan nito ganoon na lamang ang galit nito sa kaniya na pinagmulan ng kanilang mainit na pagtatalo.

“Ano ka ba naman, ma? Bigyan mo naman ako ng dignidad. Bigyan mo naman ako ng kahihiyan. Kahit saan huwag lang sa school,” reklamo ni Sharina. “Walang masama sa ginagawa ko, Sharina. Dito ko kayo binubuhay ni Michael. Sana naman huwag mo akong ikahiya. Marangal ang trabaho ko,” tugon ni Nitang sa anak.

“Ah, basta. Ayokong nasa school ka. Gawan mo ng paraan. Pakiusapan mo ang boss mo o kung sino man ang dapat na kausapin,” utos ni Sharina sa kaniyang ina.

Napaluha si Nitang. Nasaktan siya sa sinabi ng kaniyang panganay na anak. Napakasakit sa damdamin ng isang ina na marinig mong ikinahihiya ka ng sarili mong anak dahil sa uri ng trabaho mo.

Mula noon sa tuwing daraan si Sharina sa kalyeng pinagwawalisan niya ay si Nitang na mismo ang umiiwas sa anak. Pinipigilan niya ang sariling tawagin ito. Kapag nakalagpas na ito ay tsaka niya susundan ng tingin ang anak.

Isang araw na umaambon at masungit ang panahon, habang nagwawalis si Nitang, hindi sinasadyang natalsikan niya ng putik ang isang aleng naglalakad sa bangketa. Galit na galit ito kay Nitang. Dinuro-duro niya ito at pinagbubulyawan.

“Ang t*nga-t*nga mo naman! Mag-ingat ka naman sa susunod! Palibhasa hindi ka pumapasok sa opisina, eh,” asik ng ale kay Nitang.

“Pasensya na po, ma’am. Hindi ko po kayo napansin. Hindi ko po sinasadya. Gusto ninyo po bang punasan ko na lamang po ang pantalon ninyong naputikan?” hinging paumanhin ng babae.

“Huwag na. Huwag mo nga akong mahawak-hawakan, ah. Baka lalong dumumi ang pantalon ko. Magsilayas nga kayo rito, mga hampaslupa!” pang-iinsulto ng ale kay Nitang. Nakapalibot na ang mga tao sa kanila at nakikiusyoso.

Nagkataon namang papasok na si Sharina sa eskwela nang maabutan niya ang mga pangyayari. Nakaramdam siya ng pagkahabag sa kaniyang ina. Lahat ng ito ay nasaksihan at narinig ni Sharina at nagpanting ang kaniyang mga tenga. Sinugod niya ang ale at bago pa man siya maawat ni Nitang ay inaway na niya ito.

“Hoy, aleng mukhang retokada at matapobre, nag-sorry na nga siya, ‘di ba? Baka gusto mong lumuhod pa sa iyo ang nanay ko? Ay, hindi worth it kasi hindi ka maganda!” mataray na sabi ni Sharina sa ale.

Umismid na lamang ang ale at dali-daling umalis dahil nagalit din sa kaniya ang mga taong nakapaligid at nakasaksi sa mga pangyayari.

“Ayos ka lang ba, nay?” nag-aalalang tanong ni Sharina sa ina. Niyakap ni Nitang ang anak. Napaiyak siya. “Maraming salamat, anak, sa pagtatanggol mo sa akin. Sorry sa trabaho ko. Sorry at ganito lang ang nanay mo.”

“Nay, ako ang dapat na humingi ng tawad sa iyo. Hindi dapat kita ikinahihiya. Dapat ipinagmamalaki kita,” sabi ni Sharina. Pagkatapos ay sumigaw ito sa lahat ng mga taong nakapalibot sa kanila.

“Makinig kayo sa akin. Ito po si Nenita Santiago ay ang aking masipag na ina! Wala pong magtatangkang manakit o mang-insulto sa kaniya dahil ako po ang makakalaban ninyo!” pabirong banta ni Sharina. Nagpalakpakan at naghiyawan ang mga tao lalo na ang iba pang mga street sweeper na kasamahan ni Nitang.

Simula noon ay hindi na ikinahiya ni Sharina ang kaniyang ina. Napagtanto niyang ano man ang maging trabaho ng kaniyang ina ay nararapat lamang na ipagmalaki ito lalo’t marangal naman.

Advertisement