Ginawa ni Lino ang lahat upang makapag-uwi siya ng malaking pera sa kaniyang pamilya. Ilang dekada siyang nagtrabaho ng husto upang makamit niya ang minimithing pangarap na yumaman. Ngunit sa hirap na dinanas niya upang matupad ito ay hirap din si Lino na ibahagi ang kanyang kinita. Mahigpit siya pagdating sa kanyang pinaghirapang salapi. Maging ang kanyang asawang si Syoneng ay hirap din sa paghingi sa kanyang asawa ultimo panggastos ng kaniyang pamilya.
“Napakahirap mong hingian Lino. Ang lahat naman ng mga ginagastos dito ay para sa atin din,” wika ni Syoneng sa asawa.
“Hindi ninyo kasi alam kung gaano kahirap ang kumita ng salapi. Ang alam ninyo lamang ay ang gumastos,” tugon naman ng mister niya.
“Hindi naman namin inaaksaya ang lahat ng binibigay mo. Sa katunayan nga ay ipinagpapasalamat namin kung kahit paano ay may sumosobra sa mga iniaabot mo,” saad ng ginang. “Masyado kang mahigpit sa pera, Lino. Matanda na tayo at siguro naman ay sapat na ang panahon upang mabuhay naman tayo ng hindi sakto lamang,” paliwanag ng babae.
“Wala kang pakielam sa pera ko. Ang lahat ng pera ko ay pinaghirapan ko. Lahat iyon ay galing sa aking pagsusumikap kaya ako ang masusunod sa kung ano man ang nais kong gawin sa aking salapi,” mariing wika ng ginoo.
“Bahala ka nga riyan. Diyos-in mo ‘yang pera mo. Ang akala mo ba ay madadala mo iyan sa kabilang buhay?” naiinis na sambit ni Syoneng sa asawa.
“Binigyan mo ako ng isang magandang ideya, Syoneng. Bakit nga ba hindi ko dalhin sa aking pagyao ang lahat ng perang pinaghirapan ko,” saad ni Lino.
“Bahala ka sa kahibangan mo na ‘yan. Ano ba? Magbibigay ka ba ng panggastos o hindi?” nayayamot ng wika ng misis.
“Kung ano ang ibinigay ko ay pagkasyahin ninyo!” giit ni Lino.
Ang akala ni Syoneng ay nagbibiro lamang ang kanyang asawa sa sinabi nito tungkol sa kanyang pera. Nang magkasakit ito dahil na rin sa katandaan ay mariin niyang iginiit na kung siya ay yayao ay gusto niyang isama ang lahat ng kanyang pera na nasa bangko.
“Totoo ba ang narinig ko na balita, Syoneng?” pagtataka ng kumare niyang si Minda. “Totoo bang ibinilin ng asawa mo na kung siya ay sakaling mawalan ng hininga ay lahat ng pera niya ay isasama sa kanyang libing?” muling pagtatanong ng ginang.
“Totoo ang lahat ng iyan, Minda. Hindi ko nga alam kung anong demonyo ang sumapi sa utak niyang asawa ko at naisipan niya ang ganyang bagay,” saad ni Syoneng. “Mantakin mo kaysa ibahagi sa amin na pamilya niya o kaya naman ay magamit ng aming mga anak ay gusto niyang dalhin nag lahat ng pera sa kanyang kamat*yan,” dagdag pa ng ginang.
“Baka pwede ninyo namang hindi sundin nag sinasabi niya,” suwestiyon ng ginang.
“Hay naku, Minda, matalino pa sa matalino ‘yang asawa kong ‘yan. Akalain mong inilagay niya ‘yan sa kanyang huling habilin,”tugon ng ginang. Nagulat naman si Minda sa sagot ng kanyang kumare. Hindi niya akalain na seryoso pala talaga ang sinasabing ito ni Lino tungkol sa kanyang pera.
Samantala ay dinala na sa ospital si Lino sapagkat lumulubha na ang kalagayan nito.
“Kailangan mo daw ma-operahan, Lino. Bigyan mo na ako ng pambayad ng sa gayon ay masimulan na ng mga doktor ang kailangang gawin sa iyo,” pakiusap ni Syoneng sa nakaratay na asawa.
“Tigilan mo nga ako, Syoneng! Wala na rin namang pag-asa ang buhay ko. Matanda na rin ako at handa na akong sumakabilang buhay. Mababawasan lang ang pera ko kung ipipilit mo pa ‘yang operasyon na ‘yan!” nayayamot na tugon ng ginoo.
“Bahala ka nga riyan, mas importante pa sa’yo ‘yang pera mo kesa sa sarili mong kalusugan. Hindi ko naman kaya na hayaan ka na lamang magkaganito, Lino. Paano naman ang mga anak mo? Malulungkot sila kung hindi ka lalaban,” pagpupumilit ng ginang. Ngunit hindi nagpatinag sa kanya si Lino. Tinanggap na nito na aantayin na lang ang kanyang oras kaysa siya ay dumaan pa sa ibat-ibang uri ng operasyon.
“Ibalik mo na lang din ako sa bahay, Syoneng. Mahal ang ospital na ito,” bilin ni Lino. Walang nagawa ang asawa kundi ibalik na nga ang nanghihinang si asawa.
Habang ito ay unti-unting binabawian ng buhay ay nagawa pa ni Lino na sambitin sa asawa ang kanyang huling habilin.
“Ang mga pera ko, Syoneng, isama mo sa aking libing kung hindi ay mumultuhin kita!” seryosong sabi ng lalaki.
Tuluyan na ngang pumanaw si Lino. Limang araw na binurol si Lino at saka siya inilibing. Marami ang nakiramay sa pamilya at kamag-anak ng ginoo. Nang matapos ang libing ay nilapitan ni Minda ang kayang nagdadalamhating kaibigan.
‘Mare, alam ko hindi ito ang tamang panahon upang itanong ko ito sa’yo,” bungad ng ginang. “Ngunit gusto ko kasing malaman kung tinupad mo ba ang huling kahilingan ng iyong asawa,” pagtataka ni Minda.
Napatango na lamang ni Syoneng na sa panahong iyon ay patuloy ang pagluha. Lubusan itong ikinagulat ni Minda. “Mare, delikado ang inyong ginawa! Baka kung mabalitaan ng iba ay kuhain ang labi ng iyong asawa at nakawin ang mga nakalagay na pera doon,” nangangambang wika ni Minda.
“Kahit hukayin nila, mare, ay wala silang mapapala,” tugon ni Syoneng.
“Paano mo naman nasabi ‘yan? Eh, sayo na nga nanggaling mismo na isinama mo ang lahat ng pera ng iyong asawa sa kanyang ataul,” sambit muli ni Minda.
“Oo, mare. Ngunit ito ay nakalagay lahat sa isang cheke. Ipinangalan ko sa kanya tutal gusto naman niyang isama sa kanya ang lahat ng pera niya, kaya sinunod ko lang ang gusto niya!” tugon ng ginang.
“Tinupad ko naman ang kanyang kahilingan. Hindi ako nagkulang sa kanya. Tignan natin kung magagamit niya ‘yan sa kabilang buhay. Hay*p siya, mas gugustuhin niya pang iwan kami at makasama ang kanyang salapi kaysa bawasan ang pera niya sa bangko at madagdagan ang haba ng kanyang buhay upang makasama pa namin siya ng matagal!” naiinis na sambit ni Syoneng. Lubusang napahanga sa ideya na ito ang kanyang kaibigang si Minda.
Hindi bibilangin sa kabilang buhay kung gaano karaming pera ang iyong pagmamay-ari. Hindi ka rin susukatin sa kung ano ang estado mo sa buhay o mga ari-arian na mayroon ka. Ang importante ay ang kabutihan ng iyong puso at kung ano ang nagawa mo para sa iyong kapwa. Mahalaga ang salapi at dapat natin itong ingatan. Ngunit mas mahalaga ang mga taong nangangailangan na dapat nating tulungan. Gamitin natin ang wasto ang ating pera hindi sa pansariling kapakanan kundi upang ibahagi ang kabutihan sa lahat ng tao.