Hindi maiwasan ni Enteng na manliit sa kaniyang sarili sa tuwing maririnig niya ang usapan ng kaniyang asawang si Delia at ang mga kumare nitong sina Emma, Tanya at Sheila. Pawang magaganda kasi ang trabaho ng mga asawa ng mga kaibigan ni Delia samantalang si Enteng ay isang hamak na tricycle driver lamang.
“Wala ba kayong napapansin?” tanong ni Emma habang winawasiwas niya ang kaniyang braso na may bagong pulseras. “Wow! Ang ganda naman!” sambit ni Tanya habang sinisiyat niya ang mga bato ng alahas. “Tiyak ako na mamahalin ito,” dagdag pa ng ginang.
“Sinabi mo pa! Sabi ng asawa ko ay galing pa daw ito sa France,” wika ni Emma.
“Ang bongga naman magregalo ng asawa mo, kumare!” wika naman ni Delia na namamangha sa ganda ng pulseras.
“Hindi naman. Nagustuhan ko lang talaga itong pulseras na ito kaya ipinabili ko sa asawa ko. Ang akala ko ay hindi niya bibilhin kaya nasorpresa ako nung ibinigay niya ito sa akin,” kuwento ng ginang.
“Mga mare, hindi ako pahuhuli diyan! Hindi ninyo ba nakikita ang bago kong bag?” nakangiting pagmamalaki ni Sheila. “Oo nga, ano! Wow! Mamahalin ‘yang bag na ‘yan! Bagay na bagay sa’yo,” saad ni Tanya sa kaibigan.
Patuloy ang pag-uusap na iyon ng magkakaibigan. Sa ‘di kalayuan naman ay nakikinig lamang si Enteng. Naawa siya sa kaniyang asawa sapagkat wala man lamang itong maipagmalaki sa mga kaibigan. Naisipan niya na kung makakaipon siya ay posibleng mabilhan niya ng mamahaling regalo ang kaniyang asawa. Dali-dali siyang bumalik sa pamamasada.
Kinagabihan ay pagod na pagod na umuwi si Enteng.
“Ginabi ka na ata, mahal?” tanong ni Delia sa kaniyang asawa. “Paspasan ang pamamasada ko, mahal. Marami kasing pasahero ngayon kaya sinulit ko ang pagbiyahe. Sayang naman kasi,” tugon na lalaki sa asawa.
“Tara na at kain na tayo. Tulog na ang mga bata. Hinintay talaga kita para sabay tayong kumain,” paanyaya ni Delia.
Habang ipinaghahain si Enteng ng kaniyang asawa ay wala ibang tumatakbo sa kaniyang isipan kung ‘di paligayahin ang asawa. Iniisip niya kung ano ang magandang ibigay dito na lubusan nitong ikasisiya.
Ilang araw ang nakalipas at muling nagkita ang mga magkakaibigan. Narinig na naman ni Enteng ang usapan ng mga ito.
“Nakakainggit naman at magbibiyahe kayo sa ibang bansa ng asawa mo, Tanya,” natutuwang wika ni Emma. “Pangarap ko rin ang magpunta sa Japan. Huwag mo kaming kalimutan na pauwian ng pasalubong, ah!” dagdag pa ng ginang.
“Oo nga! Tsokolate lang ay ayos na sa’kin,” kantiyaw naman ni Sheila.
“Sa akin naman sapatos!” natatawang sambit ni Delia.
Walang humpay sa katatawa ang mga magkakaibigan. Masaya sila para sa mga tagumpay ng bawat isa. Samantalang muling nahabag ang kalooban ni Enteng para sa asawa. Sa muling pagkakataon kasi ay walang ito maibida sa kaniyang mga kumare.
“Kailangan ko pang lalong pagbutihin ang pamamasada,” wika ni Enteng sa kaniyang sarili.
Nang makauwi sa bahay ay muli siyang sinalubong ng asawa.
“Mahal, napapadalas yata ang pag-uwi mo ng ganitong oras. Hatinggabi na,” pag-aalala ng kaniyang misis. “Baka naman masyado mong inaabuso ang iyong katawan sa pamamasada. Kailangan ay magpahinga ka rin,” dagdag pa nito.
“Maghugas ka na ng kamay at maupo riyan. Ipaghahain na kita ng hapunan,” saad ni Delia.
Nang makapasok sa kanilang bahay ay agad iniabot ni Enteng ang kahon sa kaniyang misis.
“Ano naman ito?” wika ni Delia. “Buksan mo nang makita mo,” tugon naman ng mister.
Nagulat si Delia nang makita niya ang isang bago at magarang selpon.
“Ito ba ang dahilan kung bakit ka hinahating gabi sa daan, mahal?” sambit ng babae sa asawa. “Lagi ko kasi naririnig ang mga usapan ninyong magkakaibigan at nalulungkot ako sa tuwing wala kang maibahagi sa kanila na natanggap mo mula sa akin,” saad ni Enteng.
“Alam kong hindi ‘yan sobrang mamahalin tulad ng mayroon ang mga kaibigan mo pero pinaghirapan ko ‘yan upang maibigay ko sa’yo,” dagdag pa ng lalaki.
Napangiti na lamang si Delia sa mga sinabi ng asawa. “Mahal, hindi ko kailangan ng mga magagarang bagay. Hindi ako naiinggit sa kung ano ang mayroon sila o kung ano ang kayang ibigay sa kanila ng kanilang mga asawa. Masaya ako sa kung ano ang mayroon tayo,” saad ni Delia sa asawa.
“Hindi matutumbasan ng kahit anong regalo ang nagagawa mo para sa akin araw-araw. Sapat na sa akin ang alagaan mo ang mga bata kung nais kong mamahinga sandali. Sapat na sa’kin ‘yung tulungan mo ako sa mga gawaing bahay. Sapat na ang maalala mo ang lahat ng mga importanteng petsa sa ating pamilya at sapat na sa akin na ginagawa mo ang lahat upang maibigay ang maganda at payapang buhay sa ating pamilya. Hindi ko kailangan ng magarang telepono na ito sapagkat ikaw lang para sa akin ay sapat na,” pagpapatuloy ni Delia bago niya niyakap ang kaniyang asawa.
Labis na ikinatuwa ni Enteng ang lahat ng mga sinabi sa kaniya ng asawa. Hindi niya akalain sa sapat na sa asawa ang payak na pamumuhay na mayroon sila. Dito niya napatunayan na kakaiba talaga ang kaniyang babaeng minahal. Isang babaeng hindi naghahangad ng anumang materyal na bagay at buong pusong ikinalulugod ang lahat ng kayang ibigay ng kaniyang mister.
Niyakap ni Enteng ang kaniyang asawa bilang pasasalamat.
“Mahal na mahal kita, Delia. Salamat sa pagmamahal mo sa akin sa kabila ng mga bagay na hindi ko kayang ibigay,” sambit ni Enteng sa asawa.
“Basta tandaan mo, Enteng, ikaw lang at mga anak natin ay sapat na,” maligayang wika ni Delia.