Inday TrendingInday Trending
Porket Ba Seaman Ang Asawa Niya?

Porket Ba Seaman Ang Asawa Niya?

Kilalang matapobre itong si Loreta. Palibhasa’y nakalasap ng konting ginhawa, nakalimutan na niya na galing din sila sa hirap. Isang seaman kasi ang asawa niyang si Rolan. Mataas ang katungkulan ng lalaki kaya malaki rin ang kanyang sahod. Dahil dito ay biglang naging sagana ang pamumuhay ng kanilang pamilya.

“Umusod-usod kayo riyan at dadaan ang bagong sasakyan ko!” sigaw niya mula sa loob ng kotse sa mga kapitbahay na nasa kalsada. “Kapag nagasgasan ninyo ito, makikita niyo! Pagbabayarin ko talaga kayo ng malaki. Sabagay, wala naman kayong maipangbabayad dito! Kaya magsitabi na lang kayo!” sigaw pa niya.

“Napakayabang talaga niyang babaeng ‘yan. Akala mo kung sino! Kung hindi lang naman sinuwerte ang asawa niya sa pagbabarko ay hindi siya yayaman ng ganyan,” wika ni Oreng sa kumare niyang si Susing.

“Sinabi mo pa! Naku, ‘wag lang talagang magbiro ang tadhana at baka kung saan pulutin ‘yang si Loreta!” tugon naman ni Susing.

“Tumabi-tabi nga kayo riyan! Kung anu-ano ang pinagbubulungan ninyo!” sigaw muli ni Loreta ng makita niya ang magkumare na nag-uusap. “Sagasaan ko kayo riyan, eh! Palibhasa ay naiinggit lamang kayo sa buhay namin kaya wala kayong ginawa kundi pagtsismisan kami!” dagdag pa niya habang binubusinahan ang dalawa.

“Hoy, Loreta! Para sabihin namin sa’yo hindi kami naiinggit d’yan sa bagong niyong kotse. Ang pinag-uusapan namin ay ang kagaspangan ng ugali mo!” wika ni Aling Susing na hindi na nakatiis sa pagbubunganga sa kanila ng ginang.

“Siguraduhin mo lang Loreta na walang hanggan ‘yang karangyaan ng buhay mo, dahil kung nasa ibaba ka muli ay kami naman ang magtatawa sa’yo!” natatawang sambit ni Oreng.

“Imposibleng mangyare ‘yang sinasabi ninyo! Mauuna pang pumuti ang uwak kesa maubos ang pera namin! Malakas kayang kumita ang asawa kong kapitan!” pagmamalaki ni Loreta. “Ang maganda ay magsitabi na kayo para makapasok na ang bago kong sasakyan sa gate namin at hindi na madumihan ng mga bunganga ninyo!” nangaggalaiti niyang sambit.

Kinabukasan ay wala na naman habas sa pagyayabang itong si Loreta. Dumating na kasi ang napakalaking balikbayan box na ipinadala ng kaniyang asawa.

“Nako at naglalaway na naman ang iba diyan!” halos mapatid ang litid ni Loreta sa lakas ng kanyang sigaw. “Makauwi na nga sa bahay at mabuksan na ang napakalaking box na padala ng asawa ko. Hay, malamang ko ay samu’t saring magagarang gamit naman ang ipinadala ng seaman kong asawa!” patuloy niyang pang-iinggit sa mga kabitbahay.

Patuloy naman ang iba sa pakikiusyoso sa natanggap ng ginang. Ngunit hindi sina Oreng at Susing na lubusan ang pagka buwisit kay Loreta.

“Napakayabang talaga!” bulong ni Susing kay Oreng.

“Naku at baka mamaya ay marinig na naman tayo niyang babaeng ‘yan at sabihin ay inggit na inggit tayo sa mga tinatamasa niya,” tugon naman ni Oreng.

Binaliwala na lamang ng dalawa ang pagyayabang na ito ni Loreta.

Isang araw ay pumutok ang balita sa kanilang baranggay. Mayroon daw sumabog sa pinamumunuang barko ng asawa ni Loreta at masyadong napuruhan ang ginoo. Nasunog ang buong katawan ni Rolan na sa kasalukuyan ay nakaratay sa ospital sa ibang bansa.

“Oreng, nabalitaan mo na ba ang nangyari kay Rolan? Kawawa siya masyado, ano?” sambit ni Susing sa kumare.

“Oo nga, mare. Diyos ko po! Talagang malubha daw ang kalagayan ngayon ni Rolan. Paano na kaya iyang sila Loreta,” pagtataka ng ginang.

“Ang sabi naman ay sasagutin daw ng kumpanya ang pagpapagamot kay Rolan. Siguro naman ay mayroon silang naipon,” wika ni Oreng.

Malubha ang kalagayan ng iniuwi si Rolan. Naging matagal ang gamutan sapagkat lubhang napinsala ang buo niyang katawan. Hindi na rin kailanman maigagalaw ng ginoo ang ibang parte nito at maaaring nakaratay na lamang habangbuhay.

Muli namang bumagsak ang kabuhayan nila Loreta dahil sa tindi ng gastos upang mapagaling lamang ang asawa. Sa katunayan ay naibenta na din nila ang kanilang mga sasakyan at naisangla na rin ang bahay at lupa. Muli ay nasa ibaba na naman si Loreta.

Hindi na makalabas ang ginang sapagkat alam niyang pagtatawanan siya ng mga kapitbhay. Ngunit nagkakamali pala sa kanyang inaakala. Isang araw ay may kumatok sa kanilang tahanan. Dahan-dahan itong binuksan ng ginang.

“Loreta,” wika ni Oreng.

“Narito ba kayo upang gawin akong katatawanan? Hindi tama ang oras na ito sapagkat nasa isang matinding pagsubok ang aking asawa ngayon. Saka ninyo na lamang ako kantiyawan kapag nasa ayos na si Rolan,” sambit ni Loreta habang tangkang ininasarang muli ang pintuan.

“Teka Loreta, hindi iyan ang ipinunta namin,” sambit ni Susing. “Oo nga Loreta, narito kami upang ibigay ito,” saad naman ni Oreng habang iniaabot ang isang sobre.

“Nag-ambagan ang lahat ng taga dito sa atin upang kahit paano naman ay makatulong sa inyo. Pagdamutan mo na ‘yang kakarampot na naitulong namin. Dalangin namin ang paggaling ng iyong asawa,” aniya.

Gulat na gulat si Loreta ng buksan niya ang sobreng naglalaman ng pera. Hindi niya akalain na sa kabila ng kanyang inasal sa mga kapitbahay ay ito pa ang kanilang igaganti.

“Patawarin ninyo ako sa aking kayabangan noon. Patawad kung nakapagsalita ako ng hindi maganda. Pinagsisisihan ko nang lahat ng ‘yon,” naiiyak na sambit ni Loreta. “Maraming salamat sa inyo. Malaking tulong ito sa aming pamilya,” dagdag pa niya.

Walang mapaglagyan ang tuwa ng magkakapitbahay na sa wakas ay natutunan na rin ni Loreta ang magpakumbaba.

Maging aral din sana sa atin ang dinanas ni Loreta. Tandaan natin na ang buhay ng tao ay umiikot. Hindi tayo palaging nasa itaas. Kaya bigyang halaga natin at huwag tapakan ang mga taong nakakasalubong natin sa ating pag-akyat sapagkat maaaring sila ang tumulong sa atin kung sakali naman tayo ay babagsak. Panatilihin nating nakatapak ang ating mga sa lupa. Walang masama kung tayo ay magpapakumbaba sa kahit kanino, ano man ang antas ng mga ito sa buhay.

Advertisement