Inday TrendingInday Trending
Pabili Po ng Cellphone, Please?

Pabili Po ng Cellphone, Please?

Lunes na lunes at tinanghali na naman ng gising si Anna kaya nagmamadali siya kumilos papasok sa trabaho, mapapagalitan na naman siya ng instik niyang amo. Paano’y mag-iisang buwan na kasi siyang palaging tanghali kung magbukas ng pwesto.

“Ikaw, Anna, lagi huli. I will really fire you, soon!” baling ni Mr.Ching, ang amo ng dalaga.

“Sorry, sir. Very traffic, hard to go out. This will not happen again, I promise!” pakiusap ng dalaga sa amo niya. Hindi siya pinansin nito at mabilis na naglakad papalayo. Napahinga na lamang ng malalim si Anna at sabay pamewang nito.

Isa si Mr. Ching sa may pinakamaraming tindahan ng mga murang telepono sa kanilang lugar, palibhasay mga Made in China ang mga ito at hindi original pero pumapatok pa rin sa mga tao dahil sa murang halaga. Magda-dalawang taon na ring namamasukan ang babae sa amo at gustuhin man niyang umalis na sa trabaho dahil sa napakababang sweldo nito ay hindi niya magawa. Hindi naman kasi siya nakapagtapos ng hayskul kaya walang tumatanggap sa kanya na ibang trabaho.

“Bata, dun ka nga magtingin sa iba. Ang aga-aga e, baka malasin ako,” taboy niya sa isang batang gusgusin.

“Hindi naman ako magnanakaw, ate. Magtitingin lang po ako ng cellphone, magkano po ba ang pinakamura?” wika ng bata sa kaniya.

“Kahit na ang pinakamura pa ang bilhin mo, wala ka pa ring pambili. Kaya umalis ka na dito bago pa ako malasin ng tuluyan,” baling ni Anna sa bata.

“Basta ate, babalik ako dito pagkatapos ng limang araw. Pabilhan mo ako ng pinakamurang cellphone, ha,” wika ng bata saka inalis ang mukha niya sa estante ng mga telepono.

“Hay naku, basta huwag kang magnanakaw!” sigaw ni Anna sa bata. Normal na sa kaniya ang mga palaboy sa lugar, kinalakihan na niya ang mga batang nagkalat sa lansangan.

Natapos na ang buong araw niya sa trabaho at pauwi na si Anna sa kanilang bahay nang makita niya ang batang gusgusing kaninang umaga.

“Hoy, wala ka bang bahay? Malapit nang bumagsak ang ulan,umuwi ka na!” saad niya dito.

“Ate! Ikaw pala ‘yan. Hindi pa po ako tapos manglimos, kailangan ko po ng pera pangbili ng cellphone,” sagot sa kaniya nito habang nakaluhod at nagmamakawa sa mga dadaan na magbigay ng pera sa kaniya.

“Huwag mo nga akong tawaging, ate, mamaya isipin nila kapatid kita! Saka bakit mo ba kailangan ng cellphone? Kumain ka na ba?” naiinis na sabi niya rito. Lagi man siyang nakasigaw sa mga ito, ngunit labis na malapit ang puso niya sa mga bata.

“Basta po,” sabi nito sa kaniya. Napailing nalang si Anna sa kaniyang kausap, tinitigan niya lamang ang bata sa pamamalimos sa mga taong dumaraan.

“Mag-aanak, tapos hindi alagaan. Mga tao nga naman!” inis na saad niya sa sarili.

Inilabas niya ang biscuit at nilagay sa baso ng bata saka siya umalis. Nagpasalamat naman ito kaagad ngunit hindi na niya pinansin pa at tumuloy na siya sa paglalakad pauwi.

Kinaumagahan ay nadatnan niya ang bata na natulog sa tapat ng tindahan.

“Ang aga-aga naman ito kaagad ang bungad sa’kin,” pahayag niya sabay gising sa batang babae.

“Ate, ito nga pala ‘yung nalimos kong pera kahapon. Kasya na ba ito para makabili ako ng cellphone?” tanong ng bata habang nagkukusot ng mata.

“Hay naku, kulang na kulang pa iyan. Ibili mo na lang ng pagkain at maligo ka, hindi ‘yung puro cellphone ang dinadakdak mo kay aga-aga. Isa pa, huwag ka nga dito sa tindahan namin, kapag nakita ka ng amo ko pagagalitan ka nun. Ayaw nun sa mga gusgusing batang katulad mo!” sagot niya rito.

“Hindi naman ako magnanakaw e, saka bibilhin ko naman po ‘yung cellphone. Ito na po, iiwan ko na sa inyo itong nalimos ko. Babalik ulit ako mamaya para magbigay ng dagdag, basta bibili ho ako ng cellphone sa biyernes,” pahayag nito sa kaniya.

“Ano bang pangalan mong bata ka at ipapahuli na lang kita,” baling niya sa bata.

“Lotie po, ‘wag niyo na ako ipahuli. Aalis na po ako, basta itago niyo po muna ‘yan, ate,” wika ni Lotie sa kaniya at saka ito umalis.

Sumakit bigla ang ulo ni Anna sa binigay na panyo sa kaniya ng bata, may laman itong barya at papel na pera.

“Mabubuhay na pala ako ng panlilimos,” pahayag ng babae habang binibilang ang pera. Umabot kasi ito ng halos limang daang piso rin na labis na ikinagulat ng dalaga.

Dumaan ng Miyerkules at huwebes at bumabalik nga talaga sa kaniya si Lotie para ibigay ang nilimos nito. Hanggang sa sumapit ang araw ng biyernes.

“Ate, makakabili na po ba ako ng cellphone?” salubong sa kaniya ni Lotie.

“Oo, makakabili ka na pero dapat maligo ka muna saka ka bumalik dito sa tindahan. Wala ka ng ginawa kung ‘di atupagin ‘yang pamamalimos mo. May cr dun sa palengke, maligo ka!” sabi niya sa bata, hindi pa kasi nagpapalit ito ng damit simula nung lunes na nagkita sila.

“Saka na lang ako maliligo ate, pwede ko na ho bang kuhanin ‘yung cellphone na kasya sa pera ko? Saka pwede niyo na rin po bang lagyan ng simcard?” pakiusap ni Lotie at naluluha ito.

Hindi naman maintindihan ni Anna kung bakit ganun na lang kagusto ng bata ang magkaroon ng telepono. Hindi na siya nagsalita pa at pinagbilhan na ito. Binigyan niya ng teleponong kahit papano’y mukhang mamahalin sa halagang 1,800 pesos na nalikom ng bata. Inilagay na rin niya ang simcard at niregister ng load nito.

“O, ito na ang pinapangarap mong cellphone. Iingatan mo ito at baka dukutin sa’yo ng ibang palaboy. May load na ‘yan at ito ang number,” paliwanag ni Ana kay Lotie.

“Ate, salamat ha. Sa lahat ng tindera rito ikaw lang ng mabait sa mga batang katulad ko. Maraming salamat talaga, ate!” saad sa kaniya ni Lotie at niyakap siyang bigla nito sa binte.

Hindi na nakagalaw pa ang dalaga dahil ramdam na ramdam niya ang lungkot ng bata.

Mabilis nitong kinuha ang telepono at saka tumakbo. Hindi naman mapalagay si Anna kaya nakisuyo muna siya sa kabilang pwesto na bantayan ang tindahan, saglit niyang susundan si Lotie para masigurado kung saan ba talaga gagamitin ang teleponong binili.

Nagsuot ang dalaga sa maliit na eskinita, maraming tao. Ang iba ay nakatambay lamang at ang iba naman ay nagsusugal. Mabilis niyang nakita si Lotie na kumuha ng silya at itinabi ito sa isang kabaong.

Doon napatigil ang dalaga, walang ibang tao sa lamay kung ‘di si Lotie lamang kaya mabilis niyang nilapitan ito.

“Sino siya?” tanong ni Anna.

“Ate, ikaw pala ‘yan. Huling lamay na ngayon ng nanay ko, sabi ni Kagawad Rey ay dadalhin na siya sa langit mamaya,” nakangiting sagot ni Lotie sa kaniya.

Hindi naman nakasagot agad ang dalaga nang buksan ni Lotie ang kabaong at inilagay sa dibdib ng babaeng nakahiga ang teleponong binili niya.

“Ma, sabi ni ate na nandito ngayon ay may sim card at load na raw ‘yan. Tawagan niyo ako pagdating sa langit ha,” bulong ng bata sa kaniyang nanay at hinalikan ang malamig nitong walang buhay na katawan

Mabilis na pumatak ang luha ni Anna at niyakap nang mahigpit si Lotie. Dito niya napagalamang ulila na ngayon ang bata, dahil pumanaw na ang kaniyang ina. Na-dengue raw ito ngunit wala silang panmpagamot kaya hindi na nalunasan pa. Ang baranggay na ang umasikaso sa libing at lamay ng nanay ng bata.

Mabigat man sa kaniyang bulsa ay kinupkop niya si Lotie, ulila na rin kasi si Anna. Naglayas lamang siya noon sa bahay ampunan kaya naman alam niya ang pakiramdam ni Lotie. Ngayon ay magkasama na ang dalawa bilang magkapatid.

Advertisement