Inday TrendingInday Trending
Ako ang Pambayad sa Utang Niya

Ako ang Pambayad sa Utang Niya

Laging sinasabi ng karamihan ang salitang “Love is a choice.”

Ikaw ang magdedesisyon kung mamahalin mo ang isang tao. Ikaw din ang magdedesisyon kung mananatili ka sa piling niya kahit nasasaktan ka na. At nasa sa iyo ang desisyon kung nais mong patuloy na magtiis kahit sobra ka nang nasasaktan.

Iyan ang mga ginawa ni Lavinia para sa pagmamahal niya kay Sandro. May ugaling tamad ang lalaki, mama’s boy at lasinggero pero minahal niya pa rin ito sa kabila ng mga kapintasang iyon.

“Babe, may nahanap ka na bang trabaho?” tanong ni Lavinia kay Sandro.

Si Lavinia lang ang nagtatrabaho sa kanilang dalawa habang walang ibang ginawa ang lalaki kung ‘di ang magsugal, uminom kasama ang mga kabarkada, matulog at kumain. Pagdating ng babae galing sa trabaho ay siya pa rin ang gumagawa ng mga gawaing-bahay.

“Wala pa nga, babe, eh. Napapagod na nga akong maghanap ng trabaho kasi mukhang wala naman akong pag-asa sa mga ina-applyan ko,” saad ni Sandro.

“Huwag kang mawalan ng pag-asa, babe. Malay mo sa susunod matanggap ka na. Sabi nga nila habang may buhay may pag-asa, ‘di ba?” wika ni Lavinia. Pilit ang ngiti ng babae.

Pilit pinapalakas ni Lavinia ang loob ni Sandro at ayaw niyang mawalan ito ng pag-asa. Lalo na ngayong isang buwan na siyang buntis. Nais niya sanang sabihin ito sa lalaki kanina ngunit hindi na niya itinuloy pa dahil ayaw niyang isipin nitong naghihirap na nga sila ngayon tapos magdadagdagan pa sila ng isa pang problema. Sasabihin na lang niya kapag nakahanap na ito ng trabaho.

“Babe, puwede ba akong humingi ng five hundred? May pustahan kasi mamaya. Sayang kung hindi ako makakapusta. Malay mo manalo tayo,” masayang wika ni Sandro.

“Bakit saan ka pupusta?” takang tanong ng babae. “Sa sabong. Sasama ako kay Pareng Gerald,” agad na sagot ng lalaki.

“Pero, babe, alam mo naman na walang-wala tayo. Mas uunahin mo ba ang sabong kaysa ang maghanap ng trabaho?” tanong ni Lavinia. “Ngayon lang naman, babe,” salubong ang kilay na saad ni Sandro.

Kahit naiinis si Lavinia ay binigyan niya pa rin ng limang daan ang lalaki. Itinabi niya iyon upang pandagdag sana sa kaniyang pagpapa-checkup ngunit ibinigay niya na lang ito kay Sandro para ipangsugal.

Hinimas ng babae ang hindi pa halatang tiyan. “Sana ay magtino na si Sandro kapag naipanganak ko na ang aming anak,” panalangin niya sa kaniyang sarili.

Isang gabi ay kadarating lang ni Lavinia galing sa maghapong nakakapagod na trabaho nang maabutan niya si Sandro sa may gate ng kanilang bahay.

“O, babe, bakit nandito ka sa labas?” takang tanong ni Lavinia.

“Babe, puwede bang puntahan mo itong address na ito bukas,” saad ng lalaki sabay abot ng isang kapirasong papel. “Sabihin mo sa kaniya na magbabayad na ako ng utang. Iyon lang ang sabihin mo,” dugtong ni Sandro.

“Bakit? Paano ka nagkautang?” muli tanong ng babae. “Naubusan kasi ako ng pangpusta kaya nagkautang ako sa kaniya. Naipon nang naipon kasama na ang interes kaya lumaki,” mahinahong paliwanag ni Sandro.

“Iyan na nga ba ang sinasabi ko sa’yo, Sandro, eh! Wala talagang maidudulot na maganda iyang sabong na ‘yan!” ang tangi nasabi ni Lavinia.

Bagama’t naiinis sa asawa ay nagdesisyon si Lavinia na puntahan pa rin ang address na nakasulat sa papel. Makikiusap na lang siya sa pinagkakautangan ng asawa. Sobrang laki nang naging utang ni Sandro, isang daang libong piso. Saan kukuha si Sandro ng ganun kalaking halaga?

Kinabukasan ay hinanda na ng babae ang kaniyang sarili upang puntahan ang address na nakasulat sa kapirasong papel nang bigla siyang harangin ni Grace, ang asawa ni Gerald.

“Lavinia, saan ka pupunta? Huwag ka nang tumuloy sa pupuntahan mo. Baka mapahamak ka lang. Narinig ko kagabi ang pag-uusap nina Gerald at ng asawa mong si Sandro. Ang sabi ng asawa mo ay ikaw daw ang magiging pambayad niya sa malaki niyang utang. Pumayag naman si Mr. C sa naging kasunduan nila at tsaka isang linggo lang naman daw mangyayari iyon,” wika ni Grace.

“Anong iyon?” takang tanong ni Lavinia. “Iyong magiging s*x slave ka ni Mr. C. Iyon ang narinig ko sa usapan nila. Tinanong pa nga siya ng asawa ko kung hindi ba daw siya naaawa sa’yo kasi wala kang alam tapos nadadamay ka sa ginawa niya. Ang sagot ni Sandro ay ayos lang naman daw iyon kaysa siya ang makulong dahil sa malaki niyang utang.” malungkot na pag-amin ni Grace.

Marami pang sinabi ang babae ngunit hindi na naintindihan ni Lavinia. Namalayan na lang niyang naglalakad na siya pabalik sa bahay nila habang hinahabol siya ni Grace upang pakalmahin.

“Sandro!” agad na sigaw ni Lavinia sa natutulog na asawa.

“Bakit, babe?” naalimpungatang wika ng lalaki. “Ang kapal ng mukha mo!” sigaw ni Lavinia sabay bato ng hawak niyang bag rito. “Ang baboy mo, t*ngina ka!” patuloy na sigaw ng babae.

“Ano ba iyon, babe?” takang tanong ni Sandro habang panay ang ilag nito sa mga hampas ng babae.

“Bakit ba minahal pa kita? P*ste ka! Wala ka na nga ginawang maganda sa buhay ko ipapahamak mo pa ko! Wala kang b*yag! Ang kapal ng mukha mo! Pumayag kang kant*tin ako ng iba para lang mabayaran ang utang mo. Buntis ako! Buntis ako at anak mo ang dinadala ko! Paano kung hindi ako hinarang ni Grace? Baka napahamak na kami ng anak mo ngayon! Bakit ba ikaw pa ang minahal ko? Napakawalang kwenta mong tao!” humahagulgol na wika ni Lavinia.

“Sorry, babe. Natatakot kasi akong makulong. Wala akong maisip na ibang ipambabayad sa kaniya kaya ipinakita ko ang litrato mo at nang makita niya ito ay agad siyang nagka-interes sa’yo. Masakit sa dibdib ko pero wala akong ibang pagpipilian. Patawarin mo ako, babe,” nakaluhod na wika ni Sandro.

“Kung sana ay naging responsable kang tao hindi ka malulunod sa utang. Kung sana ay mas iniisip mo ang kinabukasan natin kaysa sa mga bisyo mo sana’y hindi ka umabot sa ganito. Isa kang mabigat na krus na dala-dala ko, Sandro. Kahit hirap na hirap na akong pasanin ka ay pinipilit ko pa rin dahil umaasa akong balang araw ay magbabago ka at magiging responsable ka na. Lalo na ngayong magkakaanak na tayo. Pero pinatunayan mo sa’kin na nagkamali ako sa pagpili sa’yo, Sandro. Tama na. Ayoko nang pasanin ka. Nakakadiri ka! Makikipaghiwalay na ako sa’yo. Palalayain ko na ang sarili ko sa impiyernong buhay na ito mula nung minahal kita,” saad ni Lavinia sabay pasok sa kanilang silid upang i-empake ang lahat ng kaniyang gamit.

Kahit anong pakiusap ni Sandro sa kaniya ay hindi siya nito napigilan pa. Natatakot at nandidiri na siya rito. Wala siyang ibang hinangad kung ‘di ang kabutihan ng asawa pero kaya pala siyang ipahamak nito maligtas lang ang kaniyang sarili. Nagmahal siya ng isang lalaking makasarili. Kaya ngayon ay palalayain na ni Lavinia ang kaniyang sarili sa lahat ng hirap at sakit. Tama na ang pagiging t*nga niya. Nagising na siya at ayaw na niyang matulog ulit.

Umuwi si Lavinia ng probinsya at doon ay namuhay siya kasama ang kaniyang pamilya at ang magiging anak niya. Hindi man niya maibibigay sa anak ang isang buong pamilya ipinapangako naman niyang kahit silang dalawa lang ay palalakihin niya ito ng tama upang hindi magaya sa ama nitong walang alam kung ‘di ang umasa sa ibang tao.

Advertisement