Pupungas-pungas na bumangon si Utoy mula sa pagkakahiga. Napakaganda sana ng kanyang panaginip, subalit bigla siyang nagising dahil sa mabangong amoy ng latik na niluluto ng kanyang itay. Kapag naaamoy na niya ang nilulutong latik ng kanyang itay, hudyat na ito na kailangan na niyang gumising.
Isang magbibiko ang kanyang itay. Bata pa lamang si Utoy, ito na ang hanapbuhay ni Mang Tano. Maagang gumigising ito upang magluto ng ititindang biko. Pagkatapos, yayao na ito sa kanilang bahay upang maglako. Sapat lamang ang benta nito upang makaraos sila sa araw-araw.
Mag-isa lamang siyang itinataguyod ni Mang Tano dahil iniwan na sila ng kaniyang inay. Sumama na raw ito sa ibang lalaki dahil hindi maibigay ni Mang Tano ang magandang buhay na ipinangako nito sa kanila.
Tulad ng nakagawian, nakahain na sa mesa ang biko na aalmusalin ni Utoy. Ewan ba niya, kahit araw-araw yata niyang kainin ang ginagawang biko ng kanyang itay, hinding-hindi siya nagsasawa.
Iba ang ngiti ni Mang Tano nang umagang iyon.
“Bunso, maghanda ka, at papasok ka na sa eskwela,” sabi sa kanya ng kaniyang itay.
“Talaga po? Ano pong mayroon doon? Ano po ba ang eskwela?” maang na tanong ni Utoy. Ang tanging alam lamang ni Utoy, kinaaayawan itong puntahan ng kanyang mga kalaro na walang inatupag kundi maglaro ng trumpo, tumbang preso, o magpalipad ng saranggola.
“Lugar iyon para matuto ka. Magbasa, magsulat, magbilang, magkwenta,” tugon ni Mang Tano.
“Itay, marunong na naman akong magbilang. Isa, dalawa, tatlo…” sabi ni Utoy, hanggang sa mabuo niya ang pagbibilang hanggang sampu. Hindi na niya alam ang kasunod.
“O kitam. Hindi mo na alam ang kasunod. Kaya kailangan mong pumasok sa paaralan, sa eskwela. Tuturuan ka ng titser,” nakangiting sabi ni Mang Tano sa kanyang anak.
“Eh itay, tinuturuan ninyo naman po akong maghugas ng pinggan, gumawa ng boka-boka, at magkayod ng niyog para gumawa ng langis. Ibig bang sabihin ay titser din kayo? Hindi ko na po kailangang pumasok doon,” hirit ni Utoy. Kuwento kasi sa kanya ni Jojo, ang kalaro niyang nasa Grade 3, masungit daw ang kanilang titser kaya ayaw niyang pumasok sa paaralan. Madalas tuloy ay lagi siyang liban.
“Basta anak. May mga bagay na hindi ko kayang ituro sa iyo. Noong kasinggulang mo ako, gustong-gusto kong pumasok sa paaralan. Kaya lang, labis kaming mahirap noon. Kailangan ko magtrabaho kaagad.”paliwanag ni Mang Tano sa anak.
Sa mga sumunod na araw, ipinakita ni Mang Tano kay Utoy ang gagamitin niyang bag, sapatos, at uniporme. Tuwang-tuwa ang bata. Isinukat niya ang kanyang uniporme na may kalakihan sa kanyang pangangatawan, isinuot ang sapatos na bagong pakintab na binili lamang sa murang halaga sa bayan, at isinukbit ang pinaglumaang bag na ibinigay ng kanilang kapitbahay para sa kanya.
Nang hapon ding iyon, isinama siya ng kaniyang itay sa pagbili ng ilang mga gamit sa eskwela; bumili sila ng dalawang mahahabang lapis, pambura, pantasa, at malinis na papel. Saka na raw ang iba, depende raw sa sasabihin ng kanilang titser.
Dumating ang araw ng pasukan. Handang-handa na si Utoy. Nakagayak na siya. Ihahatid siya sa unang araw ng klase ni Mang Tano. Subalit nagtaka si Utoy dahil nakasuot din ng uniporme, na suot-suot niya, ang kaniyang itay. May sukbit din itong bag. Nakasapatos din. Bihira niyang makitang nakasapatos ang itay niya. Madalas kasi itong nakatsinelas lamang.
Hawak-kamay silang nagtungo sa pampublikong paaralan sa bayan. Grade 1 kaagad si Utoy. Sabi ng itay niya, wala silang pera para dumaan pa siya sa kinder o nursery dahil sa pribadong paaralan pa ito kailangang gawin. Karamihan din sa mga batang naroon ay inihatid ng kanilang nanay o tatay, subalit hindi naman nakaunipormeng katulad ng kanyang itay. Pinagtitinginan tuloy sila ng lahat.
Karamihan sa mga kaklase ni Utoy ay pumalahaw ng iyak nang iwan na sila ng kanilang mga magulang sa pangangalaga ng titser. Gusto rin sanang maiyak ni Utoy, subalit napansin niyang tila hindi aalis ang kanyang itay, katulad ng ginawa ng ibang mga magulang. Sa halip, umupo ito sa kanyang tabi at nakinig sa titser. Ginagawa rin nito ang ilang mga bagay na pinapagawa sa kanila ng titser. Naisip ni Utoy, siguro’y talagang sinadya siyang hindi iwan ni Mang Tano para hindi siya umiyak. Iyakin kasi siya.
Akala niya’y isang araw lamang siya sasamahan ni Mang Tano sa paaralan. Subalit lumipas ang isang linggo na lagi niyang kasama ang itay sa loob ng silid-aralan. Nakauniporme. Nakasapatos. Nakikinig sa titser. Nagtataas ng kamay kapag nais sumagot.
Napapansin din niyang pinagtatawanan ang kanyang itay ng ibang mga magulang. Pinagbubulungan at pinag-uusapan. Narinig pa niya sa isang magulang na kakilala nila ang litanyang “Hindi kasi nakapag-aral iyan. Bulakbol kasi noong araw…”
Minsan, pagkauwi sa bahay, tinanong ni Utoy ang kaniyang itay.
“Itay, bakit po kayo pumapasok sa eskwela kasama ko? Kayo po ang pinakamatanda sa amin. Hindi po ba kayo nahihiya?”
Ngumiti ang kaniyang itay, “Anak, hindi kasi ako nakatapos ng Grade 1. Pumayag ang titser na makiupo ako sa kaniyang klase. Gusto kong matutong magbasa at magsulat. Kaya magkaklase tayo.”
“Eh bakit kailangan ninyong matutong magbasa at magsulat? Magaling naman po kayong magkwenta at magluto ng biko?” takang tanong ni Utoy sa itay niya.
Niyakap ni Mang Tano ang inosenteng anak, “Paano kita matuturuan kung hindi ako marunong bumasa at sumulat?”
Simula noon, masayang-masaya si Utoy dahil sabay silang natututo ng kanyang itay sa paaralan. Makalipas ang isang tao, marunong na silang bumasa at sumulat. Grade 2 na si Utoy. Si Mang Tano naman ay nagpatuloy sa pagpasok sa paaralan sa pamamagitan ng ALS o Alternative Learning System upang makasabay sa mga kaedaran niyang nais ipagpatuloy ang naunsyaming pag-aaral. Sabi nga, walang edad sa taong may pangarap.