Hindi Pinansin ng Ama ang mga Tawag ng Anak sa Cellphone Niya, Di Niya Alam na Huling Tawag na Pala Iyon Bago Mamaalam ang Bata
Inis na pinatay ni Zeke ang cellphone niya, kinukulit na naman kasi siya ni Chi, ang nanay ng anak niya. Wala na silang relasyon, tinapos niya na iyon dalawang taon na ang nakalilipas at ngayong nasa Amerika na siya at masaya siyang nakalayo na sa babae pero di parin pala siya tatantanan nito. Pitong taong gulang na ngayon ang anak nilang si Shontelle at simula nang mag abroad si Zeke ay di na niya masyadong tinatawagan ang anak. Sus, ano’ng ginagawa ni Chi? Responsibilidad niya si Shontelle! Katwiran niya sa utak tuwing sumasagi sa isip niya na nagiging iresponsableng ama na siya. Araw-araw kung mag-ring ang kanyang cellphone, maging sa Skype ay nagtatangkang i-videocall siya ng babae pero di niya iyon sinasagot. Baka pera lang ang kailangan nito sa kanya. Naka-receive siya ng isang message mula rito. Z, kailangan namin ng tulong. Sabi na nga ba niya, pera lang ang kailangan nito. Hindi niya pinansin ang message ng babae at nagpatuloy na sa pagtatrabaho, marami pang ibang messages ang babae pero di na siya nagtangkang buksan ang mga iyon dahil mase-stress lang siya. Makalipas ang isang linggo, hindi na siya nakatanggap ng kahit anong pangungulit mula rito. Laking pasasalamat ni Zeke na matatahimik na ang buhay niya. Lunch break noon nang i-check niya ang inbox ng kanyang cellphone. Nakaupo siya sa balkonahe ng pinagtatrabahuhang restaurant sa US. Daddy, shontelle to. kumusta po? sabi sa unang message, may panghihinayang naman na naramdaman si Zeke. Kung alam niya lang na anak niya ang nag-message ay sinagot niya sana iyon. Daddy, nasa ospital po ako. May sakit daw ako sabi ng doctor. Z, si Chi to. May Leukemia si Shontelle, kailangan namin ng tulong. Z, sumagot ka please. Hinahanap ka ng bata gusto ka niyang marinig. Nanginginig si Zeke habang patuloy binubuksan ang mga message, hindi niya naman alam na ganoon ka-seryoso ang dahilan ng pagtawag ng mga ito. Hindi kinaya ng puso niya ang huling mensaheng nabasa. Z, wala na si Shontelle. Naikuyom ng lalaki ang palad at halos maibato ang cellphone, alam niyang habang buhay niyang pagsisisihan na hindi niya nakausap ang anak na siya lang pala ang hinahanap maging sa huling hininga nito. Maraming pagkakataon na nadadamay ang mga anak sa hindi pagkakaintindihan ng mga magulang. Bilang magulang, marapatin nating pangalagaan ang relasyon sa ating mga anak kahit hindi maayos ang pagsasama natin. Walang kinalaman ang mga bata sa puno’t dulo ng kaguluhan sa pagitan ninyong dalawa. Ang masama, baka sa kapabayaan natin sa ating pamilya ay mamalayan na lamang nating unti-unti na silang nawawala. Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang. Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat. sa ibaba.Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.