Inday TrendingInday Trending
Kinamuhian ng Binatilyo ang Ama Dahil Isa Itong Magnanakaw, Huli na ang Lahat Nang Malaman Niya ang Katotohanan

Kinamuhian ng Binatilyo ang Ama Dahil Isa Itong Magnanakaw, Huli na ang Lahat Nang Malaman Niya ang Katotohanan

Sa maliit na barung barong ay mayroong kapirasong espasyo na ginawang kwarto ng binatilyong si Hans, ito ang nagsisilbing saksi sa lahat ng hinaing niya sa buhay. Ito ang sarili niyang mundo, malayo sa katotohanang imposible siyang makatapos ng pag aaral, mahirap ang buhay nila at magnanakaw ang tatay niya. Kung makakapili lang sana ng magulang, kahit ano ay ibibigay ni Hans basta maiba lang ang lahat, hindi kaya ng sikmura niyang tanggapin na ang kinakain niya araw araw ay galing sa pinaghirapan ng ibang tao. Walang kwenta ang kanyang ama, bakit nito nakakaya ang ganoong gawain. “Kumain kana Hansel, nag-prito akong itlog.” sabi ng tatay niya na inilapag sa lumang cooler na ginawa nilang mesa ang platong may itlog at kaunting kanin lamig. “San galing yan?” tanong niya rito, siguro ay nasa edad 40 na ang kanyang tatay. “Edi binili ko! Batang to, saan ko kukunin yan, sa pwet ko?” nagbibirong sabi ng kanyang ama. “Ah, nasanay lang kasi ako na ninanakaw mo.” matalas na sabi niya rito, hindi naman nakaimik ang lalaki. Pumasok na sa ‘kwarto’ niya si Hans at hindi kinain ang niluto ng ama, hindi niya kayang harapin ito. Makita niya pa lang ang mga kamay nito na alam niyang nangunguha ng gamit ng iba ay namumuhi na siya. Kinagabihan ay may nag-inuman sa tapat ng bahay nila at kahit nasa ‘kwarto’ niya ang binata ay rinig na rinig niya ang usapan ng mga ito dahil manipis na kahoy lang naman ang harang noon. “Pare, kelan ka ba tumigil rumaket?” tanong ng isang kaibigan ng ama niya na alam niyang lasing na, ang tinutukoy nitong raket ay ang panghoholdap. “Matagal na pare, simula nang magkaisip ang anak ko,” sagot naman ng ama niya. Hindi niya alam na tumigil na pala ito, kalat na kalat naman kasi ang tsismis sa barangay nila na magnanakaw ang tatay niya, sa katotohanan ay naging mabigat na dalahin niya iyon kaya tumigil din sya sa eskwela.. “Bakit? Mas madali at malaki ang kita don. Takte, makahablot ka lang ng selpon eh jackpot ka na, isang linggo ka nang tunganga pero makakakain ka. Kamamahal pa naman ng selpon ngayon, nakita ko sa TV sa paradahan ng tricycle na nasa 50,000 ang iPhone 8, ano kaya iyon, baka may ginto. Hahaha!” at nagtawanan ang mga lasing. “Ayoko na pare, alam mo naman. Wala na nga akong maipamamanang magandang buhay sa anak ko, kahit dignidad na lang ang maibigay ko sana. Galit nga sa akin yang si Hans eh, palagi niyang dinadala na anak siya ng magnanakaw. Kung kaya ko lang pare ibibigay ko ang lahat sa batang yan eh, kaya lang ito lang ako eh. Hamak na mag-uuling lang. Sinusubukan ko namang maging ama..” malungkot na sabi nito. ‘Hoy lasing kana!” at nagtawanan ang mga nag iinuman. Hinaplos naman ang puso ni Hans, hindi niya namalayang may luha na palang namumuo sa kanyang mga mata. Bukas, ipagluluto niya ng almusal ang kanyang ama at hihingi siya ng tawad dito. Kinaumagahan ay maagang gumising ang binatilyo para bumili ng tinapay, wala ang kanyang tatay pagbangon niya kanina, baka may pinuntahan lang. Bago siya makarating sa bakery ay natanaw na niyang nagkukumpulan ang mga tao at may mga pulis. “Te, padaan ho.” sabi niya sa mga nakikiusyoso, “Ito si Hans!” sigaw naman ng ilan sa mga ito. Hindi pa man siya nakakapagsalita ay gumuho na ang mundo niya sa sinabi ng isang kapitbahay nila. “Hans! Binaril ang tatay mo, napagbintangang magnanakaw, bibili lang daw ng almusal nyo yan eh.” Hindi nakapagsalita ang binatilyo, gustuhin niya mang bumawi sa ama na hinusgahan niya ng matagal na panahon ay huli na ang lahat. Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang. Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement