Palaging Ipinamumukha ng Babae na Mapera Siya sa Kaniyang Pamilya; Nang Magkasakit ang Kaniyang Ama ay Ano pa Nga ba ang Maibibigay Niya?

Palaging Ipinamumukha ng Babae na Mapera Siya sa Kaniyang Pamilya; Nang Magkasakit ang Kaniyang Ama ay Ano pa Nga ba ang Maibibigay Niya?

FamilyHeartbreakingStories

Sa anim na magkakapatid, tanging si Elsie ang sinuwerteng umangat sa buhay.

“Mano po, itay,” wika niya nang minsang dalawin ang amang si Mang Casio.

“Kawaan ka ng Diyos, anak,” sagot ng matanda na nakaupo na lamang sa wheelchair matapos na ma-stroke nung nakaraang taon.

Matapos pumanaw ang kanilang ina ilang taon na ang nakakalipas ay ang ama na ang nagtaguyod sa kanilang magkakapatid. Lahat naman sila ay nakapagtapos sa kolehiyo pero si Elsie ang nagkaroon ng mas magandang estado. Matapos maka-gradweyt ay nag-apply ito ng trabaho sa abroad at sinuwerte namang natanggap doon. Sa loob ng tatlong taon ay nakaipon agad ito at nagtayo ng sariling negosyo sa Pilipinas nang makabalik hanggang sa umasenso iyon na nagbigay dito ng mariwasang buhay.

Si Elsie ang bunso sa magkakapatid subalit siya ang higit na nakakatulong sa kanilang pamilya sa aspetong pinansyal.

“Dumalaw ako dahil gusto kong makita kung maayos ang ipinagawa kong kusina dito sa bahay niyo, itay,” sabi niya.

“Huwag kang mag-alala, anak. Maayos na maayos ang pagkakagawa ng Kuya Ismael mo. Salamat nga pala sa ibinigay mong pera ha? Malaking tulong para magmukhang bago uli ang kusina namin. Inaanay na sa sobrang bulok, eh,” tugon ng ama.

“Sino pa ba ang aasahan ninyo na magpapagawa niyan kundi ako, itay. Malaki ang nagastos ko riyan kaya dapat ay magpasalamat kayo sa akin,” sabi niya sa nagmamalaking tono.

Ganoon ang ugali ni Elsie, palagi niyang isinusumbat at ipinagmamalaki ang pagtulong niya sa pamilya niya. Maging sa mga kaibigan niya ay iyon ang bukambibig niya.

“Napakasuwerte naman ng pamilya mo sa iyo, mare. Biruin mo hindi ka nagmimintis na padalhan sila ng pera buwan-buwan, pati pang maintenance na gamot ng tatay mo ay ikaw ang gumagastos kahit may kanya-kanya ring trabaho ang mga kapatid mo,” wika ng malapit niyang kaibigan.

“Talagang suwerte sila sa akin. Alin, kundi ba sa aking pera’y makakaranas ba sila ng sarap ng buhay? Eh, ‘yung mga kapatid ko naman ay maliliit ang sahod sa mga trabaho nila kaya hindi maaasahan ang mga iyon. Tanging ako lang ang nakapagbibigay sa kanila ng luho at kapritso,” pagyayabang niya.

Hangang isang araw ay dumating ang hindi inaasahang insidente…

“Elsie, Elsie, inatake sa puso si itay,” wika ng Kuya Ismael niya nang tumawag ito sa selpon.

“A-ano?! Eh nasaan siya ngayon?” nag-aalala niyang tanong.

Sa isang pampublikong ospital dinala ng mga kapatid niya ang kanilang ama. Nang makita niya na doon lang dinala ng mga ito ang matanda ay nagpupuyos siya galit na hinarap ang mga nakatatanda niyang kapatid.

“Ano ba naman kayo? Bakit dito niyo dinala sa pipitsuging ospital na ito si itay? Kulang sa pasilidad ang lugar na ito. Sana naman ay sa magandang ospital ninyo siya dinala para tiyak na mas maaasikaso siya roon. Kahit kailan ay hindi talaga kayo maaasahan,” galit niyang sabi.

Hindi naka-imik ang mga kapatid niya sa sinabi niya. Wala naman kasing magawa ang mga ito dahil kulang ang perang pinagsama-sama ng mga ate at kuya niya para dalhin sa pribadong ospital ang kanilang ama. Dahil siya ang mapera ay siya ang nasunod, inilipat niya ang ama sa mahal at de kalidad na pagamutan at ilang araw pa nga lang na naroon ito ay nagpakita na ng senyales ng paggaling ang tatay niya. Iba talaga kapag sa magandang ospital, asikasong-asikaso agad ang mga pasyente.

“O, ‘kita niyo? Masyado kasi kayong mapanghinayang sa gastusin. Kundi dahil sa akin ay hindi magiging maayos ang lagay ni itay. Pasalamat kayo sa akin dahil ako naman itong simula’t sapul ay siyang nag-iintindi ng mga gastusin ninyo,” sumbat niya sa mga kapatid.

Hindi pa rin makakibo ang mga ito sa tinuran niya. Siya itong mapera, kaya siya talaga ang maasahan sa pagkakataong iyon.

Nang tuluyang gumaling si Mang Casio at nakauwi na sa bahay ay ang mga kapatid niya ang nag-alaga rito. Kung dati ay naigagalaw pa ng matanda ang mga braso nito’t kamay, ngayon ay naparalisa na rin kaya kapag gusto nitong uminom o kumain ay sinusubuan na lamang ng mga kapatid niya.

Nagpalit-palit sa pag-aalaga sa ama ang limang kapatid ni Elsie kahit may sari-sariling pamilya na ang mga ito. Ang mga kapatid niya ang naroon na matiyagang inaasikaso ang paralisadong matanda samantalang si Elsie, kahit kailan ay hindi nagawang alagaan ang sariling ama. Padalaw-dalaw lang ito na panay sumbat pa sa mga nagastos sa pagpapagamot ng ama sa ospital. At kapag bumibisita ay maraming nakikitang mali sa ginagawa ng mga kapatid niya.

“Ano ba naman ito? Nangangamoy na si itay, a! Hindi niyo man lang magawang linisan?” inis niyang sabi sa Ate Viola niya.

“P-papaliguan ko na nga si itay, nag-iinit lang ako ng tubig. Pasensya na, kakatapos ko lang kasing paded*hin itong bunso ko,” sagot ng kapatid habang may karga-kargang sanggol.

“Hirap sa inyo, dami ninyong naririto pero napapabayaan niyo pa rin si itay. Kundi ako dumating ay wala na naman kayong pambili ng gamot niya. Pasalamat kayo at may kapatid kayong mapera kundi ay paano na si itay? Paano na kayo?” aniya.

“May pambili naman kami ng gamot ni itay, Elsie. Sumahod kahapon si Kuya Ismael kaya nagbigay siya ng pera. Kundi ka dumating ay nakabili na kami,” tugon ng kapatid.

“Puro ka palusot, ate. Mabuti pa ay paliguan mo na si itay at namamaho na rito sa loob ng bahay,” utos niya rito.

Napapailing na lang ang ate niya sa kanya. Sa isip nito ay minsan na nga lang siya dumalaw ay ganoon pa ang ugali niya.

Bagama’t alagang mabuti ang kanilang ama, ‘di pa rin nakaligtas sa ikalawang atake ang matanda at tuluyan nang pumanaw.

D*ad on arrival si Mang Casio nang dalhin ng mga kapatid niya sa ospital. Nagtulung-tulong ang mga ito na maiayos ang labi ng kanilang ama hanggang sa maiburol.

Nang malaman ni Elsie ang malungkot na balita ay agad niyang pinuntahan ang burol ng ama.

“Diyos ko, itay, itay ko,” sambit niya habang umiiyak. Patakbong tinungo ang kabaong ng tatay niya.

Pagkatapos pagmasdan ang labi ng ama ay galit na nilapitan at kinompronta ang mga kapatid.

“Sa ibang tao ko pa talaga malalaman ang nangyari? Anong klase kayong mga kapatid? Kung anu-ano ang inuna niyo sa halip na isiping sabihan ako! Kung sino pa ang higit na nakatulong kay itay, binalewala ninyo?” singhal niya sa mga ito.

Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagsalita ang pinakamatanda sa kanila, ang Kuya Ismael niya.

“Ilang beses ka naming tinawagan sa opisina mo, ang sabi ng sekretarya mo’y napaka-busy mo raw at ayaw mong paistorbo. Ilang beses ka rin naming tinawagan at tineks sa selpon mo, hindi ka naman sumasagot at hindi mo kami nirereplyan kaya kami na lamang ang nag-asikaso ng lahat. At huwag mong ipapamukha sa amin na ikaw ang higit na nakatulong kay itay. Oo, ikaw ang mapera, ikaw ang masuwerte, ikaw ang mayaman. Tama na ikaw ang mas nakatulong kay itay pero pera lamang ang naiambag mo sa kanya. Sino ba ang kasama ni itay sa mga panahon na kailangan ka niya bilang anak? Kahit kailan ay hindi mo man lang siya inalagaan. Kung dalawin mo si itay ay puro sumbat naman ang bukambibig mo. Ngayon, Elsie sabihin mo sa amin kung ano pa ang naiambag mo kay itay bukod sa salapi mo?” tanong ng kapatid niya.

Hindi nakakibo si Elsie sa tinuran ng kuya niya. Labis siyang napahiya sa harap ng mga taong nakikipaglamay. Mas lalo siyang namulta nang mapansing ‘di kumikibo ang iba pa niyang kapatid at nakatuong lahat ang paningin ng mga naroon sa kanya.

Saka lamang rumehistro sa utak niya na tama ang sinabi ng kapatid niya. Ano nga ba ang naiambag niya para sa ama? Pera lamang ngunit ang mga kapatid niya’y panahon, paglilingkod at pagmamahal ang ipinagkaloob sa kanilang ama nang nabubuhay pa ito.

Kung tutuusin nga pala’y napakawala niyang kuwenta. At huli na bago pa dumating sa kanya ang reyalisasyon. Sa tindi ng pagkapahiya ay umalis siya sa lugar na iyon at sising-sisi sa lahat ng ginawa niya.

Ipinakita sa kuwento na hindi lamang pera ang mahalaga para maging kapaki-pakinabang na anak. Wala pa ring papantay sa buong pusong paglilingkod at pagmamahal ng isang anak sa magulang.

More Stories