Ipinagtataka ng Babae Kung Saan Dinadala ng Galante Niyang Kustomer ang mga Pinapakyaw Nitong Paninda Niya; May Aral Siyang Matututunan sa Matutuklasan Niya

Ipinagtataka ng Babae Kung Saan Dinadala ng Galante Niyang Kustomer ang mga Pinapakyaw Nitong Paninda Niya; May Aral Siyang Matututunan sa Matutuklasan Niya

InspiringStoriesSuccess

Masipag at matiyaga si Loida kaya nang maisipan niyang magnegosyo ay sinuwerte naman siya. Nung una ay nagtayo siya ng maliit na sari-sari store hanggang sa lumago iyon at naging malaking puwesto sa palengke. Maaga siya kung magising para magbukas ng kanyang tindahan at gabi na kung magsara. Dahil nasa palengke ay dinarayo ng mga tao ang tindahan niya. Mabentang-mabenta ang mga paninda niya sa mga mamimili kaya araw-araw ay malakas ang benta at malaki ang kinikita niya.

Ngunit sa kabila ng pagiging matagumpay sa negosyo ay may pagka-madamot at mahigpit sa pera ang babae. Hindi siya nagpapautang ng mga paninda niya kahit pa sa mga suking kustomer at maliit kung magpasahod sa dalawa niyang utusan sa tindahan. Kung hindi lamang mahirap maghanap ng trabaho ay matagal na siyang nilayasan ng mga ito sa sobrang kunat niya.

Isang araw ay nakatanggap siya ng tawag mula sa isa niyang utusan na tatanghaliin ito sa pagpasok dahil ihahatid pa raw ang anak sa eskwelahan. Dalagang ina kasi ang babae at wala raw ibang mag-aasikaso sa anak nito. Dahil hindi naman siya masamang tao at may puso naman siya ay pinagbigyan niya ito, pero ang kapalit niyon ay binungangaan niya ito sa selpon.

“Kung gusto mo pang magkaroon ng trabaho ay siguraduhin mong papasok ka ngayong araw ha? Wala kaming kasama ni Emman dito sa tindahan. Dapat bago mag-alas onse ng umaga ay narito ka na, naiintindihan mo ba, Maricris?” sermon niya sa kausap bago padabog na ibinaba ang selpon sa mesa. “Hoy, Emman, ikaw muna ang mamili ng mga paninda natin, mamaya pa raw papasok si Maricris. O, heto ang pera, bilang ko ‘yan, alam ko kapag kinupitan mo. Bilis na para makabalik ka nang maaga!” baling niya sa isa pa niyang utusan.

Nang makaalis ang babae ay siya na muna ang nagbantay sa tindahan. Maya-maya ay isang matandang lalaki ang bumili.

“Sampung supot ng tinapay nga ineng, apat na garapon ng palaman at tatlumpung pirasong pansit canton,” wika nito.

Pinagmasdan niya muna ang matanda bago pagbilhan. Nang makita niyang hindi naman mukhang gusgusin at walang pera ay pinagbilhan niya ito.

“Salamat, ineng. Heto ang bayad ko. Keep the change,” sabi nito nang makuha na ang mga biniling pagkain.

“Aba, ang galante naman ng matandang ito!” bulong ni Loida sa isip. Hindi na hiningi ng manong ang sukli nito sa malaking halagang ibinayad sa kanya.

Mas lalo pa siyang namangha nang makitang sumakay ang matanda sa kulay pulang kotse na nakaparada sa labas.

“Ang sosyal naman ni manong at de kotse pa. Madatung, huh!” aniya.

Nang dumating na ang dalawa niyang utusan ay ikinuwento niya sa mga ito ang galante niyang kustomer. Laking gulat niya nang malamang isa ito sa mga suki nila sa tindahan.

“Talaga? Palaging bumibili sa atin ang matandang iyon? Eh, bakit hindi ko napapansin?” tanong niya.

“Eh, ate, paanong hindi mo mapapansin, palagi kang nakasubsob sa selpon. Panay ang Facebook mo at Instagram,” wika ng utusan niyang si Emman.

Napaismid siya sa tinuran ng lalaki.

“Hoy, bruho ka, anong sinasabi mo riyan? Bakit pati pagseselpon ko ay pinakikialaman mo?” inis niyang sabi.

“Naku, ate, huwag ka nang ma-high blood diyan kay Emman. Tama naman siya, eh, kapag bumibili ‘yung matanda rito ay palagi kang busy kaya hindi mo siya napapansin. Pero alam mo, ate, mapera talaga ang matandang iyon na palaging marami kung bumili sa atin. Kahapon nga ay ang dami niyang biniling dela lata, 3-in-1 coffee at biskwit tapos ay hindi na niya hiningi ang sukli,” sabad ng utusan niyang si Maricris.

Nanlaki ang mga mata niya.

“Totoo ba? Hindi ko akalain na may mayaman pala akong suki. Gusto kong makilala pa nang lubusan ang matandang iyon. Dapat ay maging kaibigan ko siya para mas lalo pang kumita itong tindahan ko. Tiyak na mayroon pa siyang ibang kakilala na madatung din na puwede nating maging regular na kustomer. Mas lalo akong kikita,” tugon niya na may malapad na ngiti sa labi.

Mula noon ay napukaw na ang interes niya sa matandang kustomer niya. Araw-araw ay walang mintis na bumibili ng kung anu-anong pagkain ang matandang lalaki sa tindahan niya. Minsan nga ay bumili ito ng tatlong sakong bigas, gatas, asukal at labinlimang supot ng tinapay at mga mamon. Ipinagtataka niya tuloy kung saan dinadala ng matanda ang mga pinamimili nito. Kung mamili kasi ito ay halos pakyawin na nito ang mga paninda niya. Ang hula nga niya ay malaki ang pamilya nito kaya maraming pagkain ang binibili.

Isang araw, nang muli itong bumili ay pinasalamatan niya ito.

“Thank you, sir dahil palagi kayong bumibili rito sa tindahan ko. Kung ‘di niyo po mamasamain, saan niyo po dinadala ang mga binibili niyo? Araw-araw po kasi na pinapakyaw niyo ang mga paninda ko.”

Ngumiti ang matanda sa sinabi niya.

“Ipinamimigay ko, ineng. Salamat sa mga paninda mo ha? Marami kang napapasayang kaluluwa,” sambit nito bago tuluyang tumalikod at sumakay na sa kotse.

“A-ano ‘yon?” naguguluhang tanong ni Loida sa sarili. Ipinamimigay lang ng matanda ang mga pinamimili nitong mga pagkain? Kanino? At anong ibig nitong sabihin na maraming napapasayang mga kaluluwa? Mas lalo siyang nagkaroon ng kuryosidad sa galante niyang kustomer dahil sa matalinhaga nitong sinabi sa kanya. Kung ipinamimigay lang nito ang mga binibili sa kanya ay talagang mayaman nga ang suki niyang ito.

Nang sumunod na araw, nang bumili ulit ito sa tindahan niya ay palihim niyang sinundan ang kotse nito. Sumakay siya sa taxi at pinasundan sa drayber ang kulay pulang kotse sa kanilang harapan.

“Malalaman ko na rin ang itinatagong lihim ng matandang ito. Kanino niya ipinamimigay ang mga pagkaing pinapakyaw niya sa tindahan ko at anong ibig sabihin ng sinabi niyang mga kaluluwa? ‘Di kaya may third eye ang matandang ito at sa mga kaluluwa sa semeteryo ipinapamigay ang mga paninda ko?” tanong niya sa sarili na medyo kinilabutan pa sa iniisip niya.

Ilang minuto lang ay huminto ang kotse sa labas ng isang gusali. Nagulat siya nang malaman kung anong lugar iyon.

“Bahay ampunan?”

Bumaba na sa sasakyan ang matanda at ‘di sinasadyang nakita siya nito.

“Ikaw? Bakit mo ako sinundan?” tanong nito.

“Pasensya na po pero gusto ko lang po talagang malaman kung saan niyo dinadala ang mga binili niyo sa tindahan ko,” sabi niya.

Natawa ang matandang lalaki.

“Gusto mo talagang malaman, ineng? Halika sa loob at malalaman mo,” sagot nito at niyaya siya sa loob ng ampunan.

Maya-maya ay nagsilapitan na sa kanila ang mga batang ulila na naroon. Tuwang-tuwa ang mga ito nang ibigay ng matanda ang mga pagkain na binili nito sa tindahan niya.

“Salamat po, Lolo Nanding, sa walang sawa niyong pagbibigay sa amin ng mga pagkain. Sawang-sawa na po kasi kami sa mga pagkain dito sa ampunan, sambit ng isang dalagita na pinakamatanda sa mga ito.

Isang mahirap lang na ampunan ang lugar na iyon na kulang ang budget para matugunan ang pagkain ng mga batang ulila kaya ang ginagawang tulong ni Lolo Nanding ay araw-araw itong nagdadala roon ng mga pagkain para sa mga bata.

Napag-alaman ni Loida na dating ulila ang matanda na inampon ng mayamang mag-asawa. Naging ugali na nito ang mamigay ng tulong sa mga batang ulila gaya nito. Hindi lang ang mga bata sa bahay ampunang iyon ang binibigyan nito ng tulong, pati mga batang lansangan at pulubi ay binabahaginan ni Lolo Nanding ng mga pagkaing binibili sa tindahan niya. Napagtanto niya na napakalaki ng puso ng matanda sa mga batang mahihirap.

“Alam mo, ate, napakasuwerte namin kay Lolo Nanding. Parang mga tunay na apo ang turing niya sa amin at kami naman ay lolo ang turing sa kanya. Kahit hindi niya kami kaanu-ano ay tinutulungan niya kami at salamat din po sa iyo, ate. Sa tindahan niyo pala binibili ang mga ibinibigay niya sa amin,” sabi sa kanya ng dalagita.

Natigalgal sa kinatatayuan si Loida. Hindi niya inasahan na ganoon ang ginagawa ng galante niyang kustomer.

“O. ‘di ba, napasaya mo na naman sila, ineng,” wika ng matanda.

At biglang naalala ni Loida ang sinabi nito na maraming napapasayang kaluluwa. Ang mga kaluluwa palang tinutukoy nito ay ang mga batang ulila.

Sinampal si Loida ng katotohanan na mabuti pa ang matanda, maraming natutulungan kahit mahina na ang katawan kaysa sa kanya na malakas pa pero kahit kailan ay hindi nagawang tumulong sa mga nangangailangan.

Dahil sa natuklasan niya ay natutunan niyang maging mapagbigay at huwag magdamot sa kapwa.

Lumipas ang ilang taon at pumanaw na si Lolo Nanding dahil sa katandaan ngunit tuloy pa rin ang pamimigay ng mga pagkain na nanggagaling sa tindahan niya pero sa kanya na galing ang mga iyon. Mula noon ay bukal na sa puso niya ang magbigay at tumulong sa mga batang ulila at sa iba pang kapos sa buhay. Dinagdagan din niya ang sahod ng mga utusan niya sa tindahan at nagpapautang na rin siya sa mga walang pambayad.

Dahil sa pagbabago ng ugali ni Loida ay mas lalong lumago at dinayo ng mga mamimili ang negosyo niyang tindahan. May balik na suwerte ang pagbibigay lalo na kapag ito ay taos sa puso.

More Stories