Inday TrendingInday Trending
Kung Ano-Ano na Lang Daw ang Pinagkakagastusan ng Nanay ng Babae; Sa Paghihigpit Niya ay Puso Pala Niya ang Masasaktan sa Dulo

Kung Ano-Ano na Lang Daw ang Pinagkakagastusan ng Nanay ng Babae; Sa Paghihigpit Niya ay Puso Pala Niya ang Masasaktan sa Dulo

“’Ma, ano ba ‘yung mga pinagkakagastusan mo ngayon? Bakit malaki yata ‘yung nakukuhang budget para dito sa bahay? Marami bang project si Gabby sa eskwelahan? Lagi ba kayong kumakain sa labas?” usisa ni Era sa kaniyang ina habang abala ito sa pagbabasa ng libro.

“Ano kasi, anak, may binili ako para sa akin. Bumili ako ng mga notebook at bagong ballpen,” sagot ni Lola Madonna, ang animnapung taong gulang na nanay ni Era.

“Sa susunod naman, ‘ma, baka naman pwede nating bawasan ang mga gastusin kung hindi naman po masyadong importante. Ang mahal na kasi ng mga bilihin ngayon. Napansin ko ring marami ka pa namang bagong libro na hindi pa nababasa tapos bumili ka na naman. Pwede bang unahin lang muna natin ‘yung mga kailangan sa bahay? Lumalaki ‘yung anak ko at dumarami rin ang gastusin pero ‘yung sweldo ko ganoon pa rin,” galit nang wika ni Era.

Hindi na sumagot ang matanda at nagpatuloy na lamang ito sa pagbabasa. Simula nang mabuntis si Era ay ang ale na ang kaniyang naging kasama lalo pa nga nang hindi naman siya pinanagutan ng ama ng bata. Kasabay nito ay si Era na rin ang nagtrabaho para mabuhay sila dahil ang kaniyang ina ang gumabay at nagpalaki sa kanyang anak. Wala rin namang ibang kapatid si Era para may mag-alagang iba sa kaniyang ina. Matagal na ring yumao ang kaniyang ama kaya naman ngayon ay siya lang talaga ang nag-aakyat ng pera para sa kanilang lahat.

“Gabby, kapag ba lumalabas kayo ni lola mo, saan ba kayo lagi pumupunta?” tanong ni Era sa kaniyang anak.

“Wala naman, ‘ma, bumibili lang si lola lagi ng mga papel at ballpen. Halos araw-araw kasi may inaaral daw po siya. Tapos iiwan niya ako sa bahay, tapos aalis siya saglit, araw-araw gano’n po,” sagot ng anak niyang si Gabby na sampung taong gulang habang abalang gumagamit ng selpon.

Napaismid na lamang si Era dahil ayaw man niyang magalit sa ina, sa pagkakataong ito ay masakit na talaga ang ulo niya dahil nararamdaman niya ang madalas na paghingi ng pera ng matanda.

“Anak, baka naman pwedeng makahingi ako sa’yo ng dalawang daan, may bibilhin lang ako,” nahihiyang sabi ni Lola Madonna sa kaniya.

“‘Ma, miyerkules pa lang ngayon ay ubos na kaagad ang limang daang iniwan ko? Saan niyo po ba talaga dinadala ang pera? Baka naman nagsusugal na kayo kagaya ng mga matatanda sa labas na wala nang ginawa kung ‘di mag online bingo. Hindi ko lang kasi talaga malaman kung saan niyo ba ginagastos ang perang ibinibigay ko,” iritableng sagot ni Era sa kaniyang ina.

“Anak, sige, pasensya ka na kung pabigat na ako sa’yo,” malungkot na sagot ng matanda.

“Tapos da-dramahan niyo ako ng gan’yan. Pwede ba, ‘ma, ayaw ko mang sabihin pero pakiramdam ko ay sa kalokohan niyo lang ginagastos ang mga nawawalang pera,” baling ng babae at umalis na siya.

Ilang araw pa ang lumipas at hindi nag-imikan ang mag-ina. Normal naman ito kay Era at hinahayaan na lamang niya ang ale dahil alam niyang tumatanda na rin ito. Hanggang sa isang gabi napansin niyang parang may kausap ang kaniyang ina sa kwarto nito. Kaagad niyang tiningnan ang oras at hatinggabi na kaya naman sinilip niya ang matanda at nakita niyang parang may kinakabisado ito na paulit-ulit niyang binabasa.

“Ma, ano ‘yan?” tanong ni Era nang makita niya ang mga notebook ni Lola Madonna.

“Ha? Anong ginagawa mo rito? Wala ‘to, lumabas ka na,” biglang baling ng matanda sa kaniya.

Ngunit matigas si Era at kaagad na tinignan ang mga sinulat ng kaniyang ina.

“Ano ‘tong mga ‘to, ‘ma? Bakit mo sinusulat lahat ng impormasyon mo sa notebook? Gumagawa ka pati ng diary? Para saan ‘to?” gulong-gulong tanong ng babae sa kaniyang ina.

Hindi naman sumagot si Lola Madonna at napaupo na lamang ito sa kaniyang kama saka lumuha.

“Anak, ayaw kong maging pabigat sa’yo. Bilang ina mo, hindi pa ako handang iwan ka sa mundong ito dahil sa nakikita ko sa buhay mo. Hindi ito ang buhay na pinangarap ko sa’yo, anak, kaya hanggat kaya ko pa, hindi kita iiwan at hindi ako magiging pabigat sa’yo,” naluluhang wika ni Lola Madonna sa kaniya.

“’Ma, ano ba ‘yang pinagsasabi mo?” baling na sigaw ni Era at malakas na kumabog ang dibdib ng babae.

“Anak, may sakit ako. Dementia, medyo malala na raw at mahal ang gamutan. Lumiliit na ang utak ko at mas mabilis ko nang makakalimutan ang lahat. Hindi ko kayang kalimutan ka, anak. Hindi ko kayang dumating sa buhay ko na hindi ko na kayo kilala ng apo ko. Kaya simula nang malaman ko na may sakit ako ay sinulat ko na lahat ng pwede kong maalala, ‘yung pera na laging nawawala ay pinambibili ko ng gamot kaya lang alam kong mabigat na kaya paminsan-minsan lang. Patawarin mo ako, anak,” siwalat muli ng kaniyang ina.

Hindi malaman ni Era ang gagawin o sasabihin dahil bigla na lamang siyang nanlambot, napaluha at mahigpit na napayakap sa ina.

Labis na kalungkutan ang nararamdaman niya sa kaniyang puso dahil simula nang magkaanak siya ay wala na siyang ibang naisip kung ‘di paano ang magiging kinabukasan ni Gabby at hindi na niya napansin na tuluyan na niyang nakalimutan ang ina. Parang may kirot sa kaniyang puso na pinag-isipan niya ng masama si Lola Madonna samantalang walang ibang inisip ang ale kung ‘di ang kaniyang kapakanan.

Simula noon ay tinulungan niyang magsulat araw-araw ang ina ng mga alaala nila. Nariyang ginawan din niya ng paraan ang pagpapagamot nito. Kahit na mahirap ay pilit niyang itinatawid ang lahat, dahil ito lamang ang mabibigay niyang sukli sa lahat ng pagmamahal, buhay at sakripisyo na ginawa ng kaniyang ina para sa kaniya.

Advertisement