
Dahil sa Sakit sa Buto ay Kinailangan Niyang Lumipad Pabalik sa ‘Pinas; Takot ang Nangibabaw nang Maisip Niya ang Kahihinatnan Nila
Maagang gumising si Adella upang simulan na ang mahabang araw niya bilang katulong. Isang taon mahigit na rin noong siya ay lumipad patungong ibang bansa upang mamasukan dahil sa hirap ng buhay sa Pilipinas. Dahil na rin sa hindi nakapagtapos ang kaniyang asawa, siya lamang ang nagkaroon ng pagkakataon upang makapagtrabaho sa ibang bansa.
“Jek, ayusin mo ang mga gawain mo sa iskul para may regalo ka kay mama ha? Tulungan mo rin si papa sa pag-aalaga kina Jelyn at Yna. Alam mo namang maraming ginagawa ang papa mo,” bilin ni Adella sa kaniyang panganay na anak habang kausap niya ito sa telepono. Ilang saglit lang din ay agad na siyang tinawag ng kaniyang amo kung kaya’t binaba na niya ang tawag sa telepono.
Habang siya ay nagmamadaling naglalakad pababa ng hagdan, bigla na lamang nanlabo ang kaniyang paningin. Huminto siya saglit at muling nagpatuloy sa paglalakad. Hanggang sa tuluyan nang nagdilim ang kaniyang paningin at nahulog sa hagdanan.
Muling nagkamalay si Adella at napansin niyang siya ay nasa ospital na. Mabilis siyang tumayo at nagbihis ng kaniyang mga damit. Sa kaniyang pag-aayos, pumasok ang doktor na siyang nag-aasikaso sa kaniya. Kinausap niya ito at doon niya napag-alaman ang kaniyang sakit sa buto. Kinakailangan niyang umuwi na ng Pilipinas dahil hindi na raw kinakaya ng buto niya ang malamig na klima ng bansa. Isa pa, bawal na rin sa kaniya ang magpagod kundi ay tuluyan siyang malulumpo.
Habang nagdaraan ang mga araw, nararamdaman ni Adella ang unti-unting paghina ng kaniyang mga buto. Ramdam din niya tuwing gabi ang sakit na bumabalot sa mga buto niya sa buong katawan. Lahat ng ito ay kaya niyang tiisin para lamang sa kaniyang pamilya na umaasa sa kaniya.
Nagpasiya si Adella na ilihim ang sakit mula sa kaniyang amo pati na sa kaniyang pamilya. Mayroon din siyang kapwa Pinay na kasama sa trabaho na tanging nakakaalam ng kaniyang tunay na kalagayan. Minabuti niyang ilihim ang katotohanan mula sa lahat sa loob lamang ng limang buwan pa upang makapag-ipon siya ng sapat na pera upang kahit papaano raw ay makapagtayo siya ng negosyo sa kaniyang pag-uwi.
Dumaan ang ilang mga araw, mas lalong lumalala ang nararamdamang pananakit ng buto ni Adella. Maraming beses na rin siyang nawalan ng malay dahil sa pagod. Sa tuwing mawawalan siya ng malay, lagi naman siyang itinatakbo sa ospital ng kaniyang kasamahan. Hanggang sa isang beses, natuklasan na ng kaniyang amo ang kaniyang karamdaman.
“Pakiusap po, limang buwan lang para po makapag-ipon pa ako!” sumamo ni Adella sa kaniyang amo. Naawa naman ito sa kaniya ngunit binigyan na lamang siya ng isang buwan upang umuwi na pabalik sa kaniyang pamilya.
Labis ang kalungkutan at takot ni Adella sa tuwing naiisip ang kahirapang kakaharapin niya at ng pamilya gayong wala pa siyang ipon. Sa tuwing maiisip ito, wala siyang ibang magawa kundi ang umiyak dahil sa kalagayan.
Pagkalipas ng isang buwan, tuluyan na ngang nakatakda ang pag-uwi ni Adella ng Pilipinas. Dala niya sa kaniyang sarili ang sakit sa buto at ang kakaunting pera na naimpok niya sa kaniyang huling isang buwan sa pagtatrabaho. Sinabi lamang niya sa kaniyang pamilya na nagkaroon ng pagbabago sa kontrata kung kaya’t siya ay uuwi na.
Sa kaniyang biyahe, bitbit niya sa sarili ang sakit sa kaniyang buto. Bawat minuto ay sumasakit ito at hindi na siya pinapatulog pa. Buong magdamag, hindi nakapagpahinga si Adella dahil sa sakit pati na sa labis na pag-iisip sa naghihintay na kahirapan sa kanila.
Nang siya ay lumapag at lumabas mula sa airport, muli niyang nasilayan ang mukha ng kaniyang asawa at tatlong anak. Nakangiti ang mga ito at tumakbo palapit sa kaniya. Nagyakapan ang buong pamilya na para bang wala nang bukas. Ang mga ngiti at yakap mula sa asawa’t mga anak ang siyang nagpawi ng lahat ng kaniyang pag-aalala at sakit na nararamdaman.
Kinagabihan, natapos din ang masayang oras ng pagbibigay ng mga pasalubong sa mga anak at oras na rin ng kanilang pagtulog. Maayos na ang pamumuhay ng kaniyang pamilya. Maganda’t sementado na rin ang kanilang bahay. Kung noon ay tagpi-tagping lona lamang, ngayon ay ibang iba na.
“Salamat, mahal. Salamat sa lahat ng pagsasakripisyo mo para sa amin. Ako naman, ako naman ang bahala sa atin,” marahang sambit ng kaniyang asawa sa kaniya.
“Ano’ng ibig mong sabihin? SIyempre pamilya ko kayo kaya ginagawa ko ang lahat para maging maayos ang pamumuhay natin,” tugon naman ni Adella habang nakangiti sa kaniyang mister.
Niyakap siya nito at tumulo ang luha ng kaniyang mister.
“Alam ko na ang lahat. Sinabi na sa akin lahat ng kasamahan mo doon. At ito, marami akong naipon sa mga pinapadala mo sa amin. Gamitin natin ito para hindi na tayo muling maghirap. Magtutulungan na tayo. Hindi ka na mag-iisang naghihirap, mahal…” muling sambit ng kaniyang asawa sa kaniyang habang pinapakita ang kalahating milyong piso na naimpok ng kaniyang mister mula sa mga ipinadadala niya noon!
Hindi makapaniwala si Adella dahil sa labis na tuwa na kaniyang nararamdaman. Hindi kasi niya alam ang pag-iipon na ginagawa ng mister kung kaya’t ganon na lamang ang kaniyang pagka-sorpresa.
Hindi rin nagtagal, muling bumalik sa normal ang mga buto ni Adella dahil hindi na malamig ang klima. Gamit ang inipong pera mula sa pawis at dugo ni Adella, nagtayo ng labahan ang mag-asawa upang maging negosyo. Laking pasasalamat ni Adella dahil kahit na mahirap ang kaniyang naging desisyon, sa huli, bumalik din sa kaniya ang bunga ng kaniyang pagsasakripisyo at hirap sa ibang bansa.