Inday TrendingInday Trending
Add-to-Cart ang Laging Gawain ng Babae at Napababayaan na ang Kaniyang Anak; Kailan Kaya Matatauhan ang Ina?

Add-to-Cart ang Laging Gawain ng Babae at Napababayaan na ang Kaniyang Anak; Kailan Kaya Matatauhan ang Ina?

“Intoy, nasaan na ang nanay mo? Nandiyan ‘yung manong dala ang mga inorder daw ng nanay mo,” tawag ni Aling Cora sa tatlong taong gulang na si Intoy habang ito ay mag-isang naglalaro ng tubig sa labas ng kanilang bahay.

Ilang saglit lamang ay lumabas na ng bahay si Jewel na nagmamadali. Agad niyang kinaladkad si Intoy habang tahimik na sinisipat ang lalaking may dala ng kaniyang mga order. Nang sila ay makapasok, nagulat na lamang si Jewel nang sumigaw si Intoy.

“Aling Cora, nandito po si mama!” malakas na sigaw ng bata.

“Oh, andiyan naman pala. O siya, papasok na kami ha,” sagot naman ng ale.

Mabilis silang pumasok sa loob ng bahay nina Jewel. Binilang ng lalaki ang suma total ng lahat ng kaniyang binili at umabot ito ng mahigit isang libo. Nang makaalis na ang ale, agad na humawak ng walis tambo si Jewel at hinataw ang kaniyang anak.

“Nakita tuloy ako! Ubos na naman tuloy ang pera ko! Napakakulit mo! Napakadaldal mong bata ka!” paulit-ulit niyang banggit hanggang siya ay mapagod kakapalo sa anak na umaatungal.

Matapos niyang paluin ang anak, agad siyang nagtungo sa mga kagamitan na kaniyang inorder. Isa-isa niya itong binuksan at laking tuwa niya dahil magaganda ang klase ng mga nabili niya. Subalit isa sa mga ito ang nagpainit ng kaniyang ulo.

“Ito na yun?! Bato ang laman! Pagkamahal mahal pa naman nito tapos gaganituhin lang ako?! Humanda kayo sa akin, mga manloloko!” himutok ni Jewel habang pinagtatapon ang laman na bato ng isa sa mga inorder niya.

Dahil sa kaniyang araw-araw na gastos sa pagbili ng mga gamit na hindi naman kailangan, hindi na niya nabibilihan ng bitamina, masustansiyang pagkain, maski gatas ang kaniyang anak. Wala naman kasi siyang trabaho dahil sa pagdadahilan niyang wala raw mag-aalaga sa kaniyang anak. Ang tanging pinagkukunan niya ng pera ay ang mga nobyong nagpapadala sa kaniya galing ibang bansa.

Tuwing gabi, isa-isa niyang tinatawagan ang tatlong nobyo at nagkukunwari bilang dalaga at wala pang anak. Lahat ng kaniyang sinasabi ay pawang kasinungalingan lamang. Lahat ng ito para sa kaniya ay paraan upang mabuhay siya at ang kaniyang anak.

Isang araw, muling napansin ni Jewel na ubos na naman ang kaniyang pera, mabilis niyang sinugatan ang sarili dahil tatlong araw pa lamang ang nakakalipas nang siya ay huling padalhan ng tatlong nobyo. Nilaliman pa niya ito nang kaunti at nagtungo sa doktor para ito ay ipatahi. Iniwan lamang niya ang anak sa kaniyang kapitbahay na si Aling Cora.

Kinagabihan, oras na upang makadelehensiya siya ng pera mula sa mga nobyo. Isa-isa niyang tinawagan ang mga ito at kinuwento ang lahat ng mga nangyari. May kasama pang iyak upang talagang maawa sa kaniya ang mga ito. Lumipas ang mahigit anim na oras na kausap ang mga nobyo at tagumpay siyang napapayag ang mga ito na mapadalhan siya ng pera kaagad kinabukasan.

Nang gabi na iyon, hindi na naman makapagpigil si Jewel na bumili ng mga kagamitan na kaniyang nakikita sa internet. Ilang sandali lamang at hindi na namalayan ng babae na sumisikat na pala ang araw at tumitilaok na ang mga tandang. Nang mapansin niya ito, doon lamang niya napagpasiyahang matulog. Ni hindi man lang niya naisip na kuhain si Intoy kina Aling Cora dahil naisip na lamang niyang bayaran ito kapag nakuha na ang kaniyang pera.

“Jewel! Jewel! Jewel!” matining na boses ng isang babae ang narinig ni Jewel na siyang nagpagising sa babae.

“Hay! Natutulog naman yung tao oh!” iritableng sambit ni Jewel dahil naputol ang kaniyang pagtulog.

“Bakit ba? Ang aga aga, nakasigaw ka riyan!” pagsusungit pa niya sa babae habang kinukusot ang mata.

“Heto na si Intoy. Dinala namin sa ospital si nanay kaninang umaga dahil hinihika,” nagmamadaling wika ng babae kay Jewel habang iniaabot ang kaniyang anak.

“Sus, iyon lang pala. Akala ko naman kung ano na! Amin na iyan, papasukin mo dito at umalis ka na,” pananaboy ni Jewel sa babae.

Mabilis niyang sinarado ang bahay at sinigurong nakakandado ang pinto upang hindi lumabas si Intoy. Habang siya naman, muli siyang pumasok sa kwarto at natulog nang mahimbing. Naiwan ang kaniyang anak na naglalaro sa may sala nang mag-isa. Binuksan din niya ang telebisyon upang manood na lamang daw ang anak at hindi siya guluhin sa pagtulog.

Lumipas ang ilang mga oras, ilang beses din siyang ginising ni Intoy dahil nagugutom na raw ito. Subalit ayaw magpaawat ni Jewel sa kaniyang pagtulog. Hanggang sa nagising na lamang siya nang marinig ang isang malakas na pagsabog at maamoy ang makapal na usok.

Pagbukas ng pinto, nakita niya ang buong bahay na nasusunog. Agad siyang napuno ng pag-aalala dahil hindi niya makita kung nasaan ang anak dahil sa kapal ng usok at nasusunog na ilang parte ng dingding ng bahay. Ilang sandali lamang, nawalan na siya ng malay.

Ilang araw pa ang lumipas, nagising si Jewel habang nasa kaniyang tabi si Aling Cora. Mabilis siyang bumangon kahit na masakit pa ang kaniyang pangangatawan.

“Si Intoy Aling Cora? Nasaan si Intoy?” nag-aalalang tanong ni Jewel sa ale. Subalit wala itong tugon sa kaniya kundi katahimikan at malungkot na mukha.

“Ilang araw ka ring walang malay. Inilibing namin si Intoy sa pinakamalapit na sementeryo,” malungkot na sagot ng ale kay Jewel.

Walang salita ang lumalabas sa bibig ni Jewel dahil sa sobrang pagkabigla. Hindi niya lubos maisip na wala na ang kaniyang nag-iisang anak. Lahat ng kaniyang mga ginawa sa anak ay isa-isang bumalik sa kaniyang alaala. Napuno ng luha at labis na pagdadalamhati si Jewel ng mga oras na iyon.

Ilang araw pa ang lumipas, nagpakalunod si Jewel sa alak at sigarilyo dahil sa pagdurusa sa pagkawala ng kaniyang anak. Hanggang sa dumating ang araw na hindi niya inaasahan.

Isang katok ang kaniyang narinig sa pinto. Nang buksan niya ito, laking gulat niya nanag bisitahin siya ng isa sa kaniyang mga nobyo! Mabilis siyang bumalik sa kaniyang tamang pag-iisip at itinago sa kwarto ang lalaking banyaga.

Nililigpit pa lamang niya ang mga gamit at litrato ng anak nang marinig niya ulit ang katot mula sa pinto. Doon labis niyang ikinagulat na naroon ang pangalawa pa niyang nobyo! Pinaupo niya ito sa sala habang tinatago ang isa sa kaniyang kwarto. Dahil sa labis na kaba, nakaramdam si Jewel ng labis na pananakit ng tiyan kung kaya’t nagtungo siya sa banyo.

“Kalma, Jewel. Kalma!” sambit ng babae sa kaniyang sarili.

Matapos ang ilang minuto, paglabas ni Jewel, nakita niya ang tatlong nobyo niya na nag-uusap sa may sala. Nang tingnan siya ng mga ito, batid sa kanilang mga mukha ang galit na kanilang nararamdaman. Hindi pa man siya nakakabanggit ng kahit isang salita, agad na nagsi-alisan ang mga ito.

Lumipas ang mga araw, linggo at buwan, dumating man ang mga order na kaniyang binili, wala siyang magawa kundi ang taguan ang mga ito dahil wala siya ni piso upang ipambayad. Isa isa na rin niyang binenta ang mga kagamitan sa kaniyang bahay.

Naiwan si Jewel na mag-isa, walang pera at nanghihingi na lamang ng kanin at ulam kina Aling Cora. Puno ng pagsisisi ang ina ngayong wala na ang lahat sa kaniyang buhay.

Advertisement