Inday TrendingInday Trending
Ikinahihiya ng Dalaga ang Kapatid na May Sakit; Hindi Niya Akalaing Ito pala ang Dahilan ng Maganda Niyang Kinabukasan

Ikinahihiya ng Dalaga ang Kapatid na May Sakit; Hindi Niya Akalaing Ito pala ang Dahilan ng Maganda Niyang Kinabukasan

“Annie, sasama ka ba sa amin sa Linggo? Ikaw na lang ang hinihintay namin para matuloy ang lakad. Tiyak akong magiging masaya ‘yun kaya sumama ka na! Isa pa, ang sabi nitong si Joy ay naimbitahan din daw niya si Kurt. Hindi ba’t crush mo siya noon pa? Pagkakataon mo na ito para masabi mo sa kaniya ang nararamdaman mo!” saad sa dalaga ng kaniyang kaibigang si April.

“Oo, nakapagpaalam na ako kay mama! Pinayagan na nga ako, e!” tugon naman ni Annie.

“Pinayagan ka naman pala, e. Bakit nakasimangot ka pa riyan? Hindi ba dapat ay masaya ka?” pagtataka pa ng kaibigan.

“Pinayagan nga akong sumama pero sa isang kondisyon. Pati ang ate ko ay isasama raw. Alam naman nilang napakahirap kasama ni Ate Millet. Naka-wheel chair siya at sadyang alagain dahil sa pagkakaroon niya ng cerebral palsy. Parang hindi naman nag-iisip si mama. Paano ako makakapag-enjoy kung ipapasama niya sa akin si Ate? Gustong-gusto daw kasi ni Ate Millet na makabonding ako!” naiinis na pahayag ni Annie.

“Isama mo na si Ate Millet. Tutal magkakasama naman tayo. Tutulungan ka ng barkada. Saka isa pa, nakakaawa rin ang ate mo na ‘yun. Laging nasa bahay. Isama mo na at may gagamitin naman tayong sasakyan,” wika muli ni April.

“Ayaw ko talagang kasama si Ate Millet. Pipilitin ko si mama na hindi na isama si Ate Millet para makaporma naman ako kay Kurt, ‘di ba? Nakakahiya na lakad ng barkada tapos may bitbit akong pabigat!” saad pa ng dalaga.

Pilit na kinausap ni April ang kaniyang ina. Kinukumbinsi niyang maiwan na lang ang kaniyang ate dahil tiyak na mahihirapan siya. Bukod doon ay nahihiya talaga siyang kasama ang kaniyang Ate Millet dahil natatakot siyang mapagtawanan.

“Sige naman na, ‘ma! Paano naman ako makakapag-enjoy kung kasama ko si ate? Baka mamaya ay bigla pang umulan. Baka magkasakit pa si Ate Millet,” pagmamaktol ni Annie.

“Anak, nag-usap na tayo, ‘di ba? Gusto ng ate mo na sumama. Saka hindi rin kita mapapayagang umalis kung hindi siya maisasama dahil may kailangan akong lakarin sa Sabado na importante. Susunduin ko rin naman ang ate mo pagkatapos ng lakad ko!” sagot naman ng inang si Pillar.

“Mama naman, e! Mahihirapan talaga ako kapag kasama ko si Ate Millet. Mabuti pang hindi na lang ako sumama sa barkada kung gano’n lang din!” muling sambit pa ng dalaga.

“Mabuti pa nga kung huwag ka na lang sumama, Annie, kung ganyan lang din. Samahan mo na lang ang ate mo dito hanggang makabalik ako! Kung ayaw mong isama ang ate mo ay huwag ka na lang umalis. Hindi na magbabago ang isip ko,” mariing sambit naman ng ina.

Wala nang magawa si Annie. Nanghihinayang naman siya sa pagkakataon na makakasama na niya ang crush niyang si Kurt.

Hanggang sa may naisip siyang ideya.

“Joy, ‘di ba ang sabi mo ay hindi ka makakasama sa lakad ng barkada? Baka p’wede ko namang iwanan d’yan si Ate Millet kahit sandali lang. Babalikan ko rin siya bago matapos ang meeting ng mama ko. Pangako, sandali lang kami. Gusto ko lang talagang makasama si Kurt,” pakiusap ng dalaga.

Upang suportahan ang kaibigan ay pumayag na rin si Joy sa pangakong babalikan ng dalaga agad ang may sakit na kapatid.

Masayang-masaya si Annie nang araw na iyon. Maging si Millet ay masaya dahil akala niya ay makakasama siya sa lakad ng kapatid. Masaya kasi ito kapag nakakasama si Annie.

Ngunit laking gulat ni Millet nang iwan lang siya ng bunsong kapatid sa bahay ng isang kaibigan. Nagpupumilit si Millet na sumama kay Annie. Hirap man ito sa pagsasalita ay pilit niyang tinatawag ang kapatid.

“Annie, sigurado ka bang magiging ayos lang ang ate mo rito? Wala akong alam sa pag-aalaga ng may ganitong sakit. Bumalik ka kaagad dito, a! Natatakot ako’t baka kung ano ang mangyari sa kaniya,” pakiusap ni Joy sa kaibigan.

“Hindi kami aabutin ng limang oras, Joy. Maraming salamat sa gagawin mong ito, a. Ikaw na nga ang nag-imbita kay Kurt tapos ay titingnan mo pa ang ate ko. Tunay ka talagang kaibigan!” pahayag pa ni Annie.

Nagmamadali si Annie na umalis. Tuluyan na niyang iniwan sa bahay ni Joy ang kaniyang Ate Millet na umiiyak.

Nang makasama ni Annie si Kurt ay parang nakalimutan na niya ang mundong ginagalawan. Parang tumigil ang oras ng mga sandaling iyon.

Ilang oras ang nakalipas at hintay nang hintay si Joy kay Annie. Hindi na kasi niya alam ang gagawin dahil nagwawala na si Millet. Tinatawagan niya ang kaibigan ngunit hindi ito sumasagot.

Bigla namang dumating ang nakakatandang kapatid ni Joy. Nagulat ito na naroon si Millet. Nahabag siya dahil patuloy ang pagtangis nito. Hindi naman alam ni Joy ang gagawin para pakalmahin ang may sakit na kapatid ng kaibigan.

Sinabi ni Joy ang katotohanan sa kaniyang nakatatandang kapatid. Upang masundo na si Millet ay tinawagan naman nito ang nanay ni Annie.

Sinundo naman agad ni Pillar si Millet at labis itong humingi ng paumanhin.

Galit na galit ang ginang kay Annie dahil sa pagpapabaya nito sa kaniyang Ate Millet.

Gabi na nang makabalik si Annie sa bahay ni Joy. Kinuwento niya ang lahat ng nangyari. Batid naman ni Annie na pagagalitan siya ng kaniyang ina pag-uwi niya.

“Paano mong nagawa sa kapatid mong pabayaan siya, Annie? Nang dahil lang sa isang lalaki ay mas pinili mong iwan ang kapatid mo sa ibang tao? Takot na takot ang Ate Millet mo dahil wala siyang kakilala roon! Alam mong nais ka niyang makasama!” galit na sambit ni Pillar.

“‘Ma, paano naman ako? Palagi mo na lang ipinagsisiksikan na makasama ko ‘yang si Ate Millet. Hindi mo ba makita na hirap na hirap na akong alagaan siya? Marami akong gustong gawin pero hindi ko magawa dahil gusto mong lagi ko siyang kasama! Pinagtatawanan ako ng marami dahil sa kaniya! Ikinahihiya ko na may kapatid akong tulad ni Ate Millet!” pabalang na sagot naman ni Annie.

Hindi na napigilan pa ni Pillar na pagbuhatan ng kamay ang bunsong anak.

“Bawiin mo ang lahat ng sinabi mo tungkol sa Ate Millet mo! Wala kang utang na loob!” saad pa ng ginang.

“Utang na loob? Ano ang utang na loob ka riyan kay ate? Ako ba ang dahilan kung bakit siya nagkaganyan? Isinilang na siyang ganiyan, ‘di ba? Anong utang na loob ko sa kaniya! Siya ang may utang na loob sa akin dahil pinahihirapan niya ako!” bulyaw pa ng anak.

“Mas mahirap na buhay ang mayroon ka ngayon kung hindi dahil sa Ate Millet mo! Dahil sa labis na pagkagusto niya sa iyo ay pinilit niya akong kupkupin ka. Ibinenta ka noon sa akin ng mga magulang mong nalulong sa ipinagbabawal na gamot. Ayaw sana kitang kunin dahil nga may anak pa akong kailangang alagaan. Pero nagpumilit itong si Millet. Noon pa man ay gustong gusto ka na niyang makasama parati. Binigyan kita ng magandang buhay at magandang kinabukasan, Annie, nang dahil lang sa Ate Millet mo. Tinuring kitang tunay na anak dahil mahal ka ng anak ko. Tapos ay ganyan lang ang gagawin mo sa kaniya? Higit kanino ay kailangan niya ng pagmamahal at pang-unawa natin. Sa ating pamilya niya iyon dapat unang makuha!” masamang masama ang loob na bwelta ni Pillar.

Hindi makapaniwala itong si Annie sa kaniyang narinig. Hindi niya akalain kasi na may inililihim pala sa kaniya ang kinikilala niyang ina.

Habang umiiyak si Annie ay hinawakan ni Millet ang kaniyang kamay. Hindi man masabi nang diretso ay pilit siyang pinapatahan ng nakatatandang kapatid.

“Ako pa rin ang inaalala mo kahit marami na akong sinabing masasakit na salita tungkol sa iyo! Ang bait bait mo talaga sa akin, Ate Millet. Patawarin mo ako sa lahat ng nagawa ko! Patawad. Salamat at patuloy mo akong minamahal at tinuturing na kapatid!” napayakap na lang si Annie sa kaniyang ate.

Maging kay Pillar ay humingi rin si Annie ng tawad. Napagtanto niya kasing kahit na ampon siya ay hindi naman siya pinabayaan nito at walang panahon na naramdaman niyang iba siya sa pamilya.

Mula nang araw na iyon ay mas inuuna na ni Annie ang kapakanan ng kaniyang Ate Millet. Madalas na niyang pagbigyan ang nakatatandang kapatid kung nais siya nitong makasama.

Ngayon ay mas na-e-enjoy ni Annie ang makapiling ang kaniyang Ate Millet. Sa katunayan ay ang ate na niya ang itinuturing niyang pinakamatalik na kaibigan.

Advertisement