Inday TrendingInday Trending
Nakapulot ang Ginoo ng Bagay na Tatapos sa Kaniyang Problema; Isang Pabuya ang Naghihintay sa Paggawa Niya nang Tama

Nakapulot ang Ginoo ng Bagay na Tatapos sa Kaniyang Problema; Isang Pabuya ang Naghihintay sa Paggawa Niya nang Tama

“Pare, kanina pa tayo pinapatawag sa ibaba ni boss. Tara na at baka mapagalitan na naman tayo. Ano ba ang iniisip mo riyan?” sambit ni Alex sa kaibigang si Bien na kapwa construction worker.

“Iniisip ko lang ang anak ko, pare, sabi kasi ng mga doktor ay kailangan na raw talagang operahan ang puso niya. Kapag hindi ito nagawa sa lalong madaling panahon ay baka ikasawi niya ito. Bata pa si Junjun, pare, hindi pa n’ya nararanasan ang ganda ng buhay. Marami pa sana siyang matutupad na mga pangarap,” nangangambang tugon naman ni Bien.

“E, magkano raw ba ang kailangan, pare, para maoperahan ang anak mo?”

“Halos isang milyong piso, pare!” tugon muli ng ginoo.

“Muntik na akong malaglag dito, pare. Ang laking pera niyan! Saang kamay naman ng Diyos mo balak na kunin ang pera na ‘yan?” tanong pa ni Alex.

“Sa totoo lang ay hindi ko alam. Napakaimposible na makaipon ako ng ganiyang kalaking pera sa maiksing panahon lalo pa at ganito lang ang trabaho natin. Minsan nga ay gusto ko na lang sumuko. Pero nakikita ko ang anak ko na lumalaban. Ikaw, pare, kung nasa ganito kang sitwasyon tulad ng sa akin ay ano ang gagawin mo?” pahayag naman ni Bien.

“Naku, baka mangholdap pa ako ng bangko, Bien! Kapag mga anak ko na ang usapan ay iba na! Gagawin ko ang lahat para sa kanila,” tugon naman ng kaibigan.

Dahil sa sinabing ito ni Alex ay tila nagkaroon pa ng ideya itong si Bien. Lahat nga naman ay gagawin ng isang ama madugtungan lang ang buhay ng kaniyang anak.

Nang makababa sa ginagawang gusali si Bien ay sermon ang bumungad sa kaniya. Nabalitaan kasi ng inhinyero ang mga pagkakamaling nagagawa niya.

“Napaaga ang buhos n’yo ng semento sa banda roon! Ilang beses ko nang sinabi sa iyo na sa makalawa pa, hindi ba? Paano ngayon ‘yan?! Gusto mo bang tanggalin na lang kita sa trabaho at ipasagot kong lahat sa iyo ang gastos ng ginawa mong pagkakamali?” galit na sambit ng head engineer na si Rochelle.

“Ma’am, pasensya na po talaga. Nawala po kasi sa isip ko. Pero huwag n’yo naman po sana akong tanggalin sa trabaho. Sa tingin ko naman po ay magagawan pa ng remedyo,” pakiusap naman ng ginoo.

“Magpasalamat ka at magagaling ang mga katrabaho kong arkitekto at inhinyero, magagawan nga nila ‘yan ng paraan! Sa susunod, Bien, kung wala sa isip mo ang trabaho ay huwag ka na lang pumasok! Isang pagkakamali mo pa ay tatanggalin na kita talaga! Ang hirap talagang katrabaho ang makikitid ang utak! Palibhasa’y walang pinag-aralan!” saad pa ng inhinyero.

Lalong nadagdagdan ang problema nitong si Bien. Ngunit tanggap naman niyang pagkakamali niya ang nangyari. Nasaktan lang siya sa mga sinabing salita ni Engr. Rochelle.

“Huwag mo nang masyadong intindihin ang mga sinabi ng babaeng iyon. Talagang masakit ‘yun magsalita. Pagpasok sa kanang tenga ay labas agad sa kaliwa. Tara na at magtrabaho na tayo. Tingnan mo lang ang paraan niya ng pananamit. Ikaw ba naman, pupunta ka sa site nang marami kang alahas? Mayabang talaga ang inhinyerong ‘yon! Mamaya mo na isipin ang mga problema mo dahil baka magkamali ka na naman,” saad pa ni Alex.

Ngunit kahit anong gawin ni Bien ay hindi niya maialis ang isip sa may sakit na anak.

Pag-uwi ni Bien sa bahay ay sinalubong agad siya ng natatarantang asawa.

“Mahal, kailangan nating bumili ng gamot at mataas na naman ang lagnat ni Junjun!” saad ng misis na si Lorna.

Dali-daling bumili ng gamot itong si Bien. Nanlulumo siya sapagkat sakto lang ang nauwi niyang pera para pambili ng gamot ng anak. Bukas ay hindi niya alam kung saan kukuha ng kanilang kakainin.

“Mahal, matulog ka na at ako na ang bahala sa anak natin. Alam kong pagod ka at maaga ka pa sa trabaho bukas. Ako na ang magbabantay kay Junjun,” saad pa ng misis.

Hindi naman makatulog itong si Bien. Patuloy siyang nag-iisip ng mga paraan upang magkadagdag kita para sa kanilang panggastos at para sa operasyon ng anak.

Hanggang sa may pumasok na ideya sa kaniyang isipan.

“Maglabas kaya ako ng ilang materyales sa site para maibenta ko? O hindi naman kaya ay magnakaw ako ng ibang kagamitan. Walang wala na talaga akong ibang maisip!” saad ni Bien sa kaniyang sarili.

Hindi na nakatulog ng gabing iyon si Bien. Nagplano siya kung paano niya mapagnanakawan ng materyales ang kaniyang trabaho. Ngunit naroon pa rin ang pagdadalawang-isip niya dahil alam niyang mali ito. Hindi naman talaga siya masamang tao ngunit wala siyang ibang alam na solusyon.

“Kahit na makulong ako, basta maipagamot ko lang ang anak ko!” saad nito sa kaniyang sarili.

Maagang nagtungo si Bien sa site kinabukasan. Hinahanap niya ang lagayan ng ilang kagamitan nang biglang napukaw ang atensyon niya ng isang kumikinang na bagay sa sahig.

Agad niya itong nilapitan at pinulot. Nagulat siya nang makita niya ang isang hikaw na may malaking dyamante.

Alam niyang sa inhinyerong si Rochelle iyon dahil nakita niyang suot nito ang hikaw nang siya ay pinapagalitan.

Isinilid niya ang hikaw sa kaniyang bulsa at saka siya nagtrabaho. Hindi na lang itinuloy ng ginoo ang kaniyang planong magnakaw.

Pagsapit ng tanghali ay pumunta si Bien sa isang sanglaan. Ipinakita niya ang hikaw na may dyamante upang ipasuri kung magkano ito.

“Napakalaki ng halaga ng dyamanteng ito. Isama mo pa ang nakapalibot na ginto. Nagkakahalaga ang isang ito ng halos isang milyong piso. Nasaan ang kapareho nito?” wika ng alahero.

Nangatog ang mga kamay ni Bien habang hinahawakan ang naturang hikaw.

“Ibebenta mo ba o isasangla ang hikaw na ‘yan, ginoo?” tanong muli ng alahero.

Ngunit tila wala nang naririnig si Bien. Sa halaga kasi ng hikaw na ito ay masosolusyunan na ang lahat ng kaniyang problema.

Inisip niyang mabuti ang kaniyang gagawin. Hanggang sa binawi na lang niya ang hikaw at tuluyang lumabas ng sanglaan.

“Pasensya na. Kailangan ko itong isauli sa tunay na may-ari,” saad pa ni Bien.

Hinintay ni Bien ang masungit na inhinyero ng mga sandaling iyon. Nakita niya ito na nasa isang palapag at tila may hinahanap.

“Ma’am, ito po ba ang hinanap ninyo?” tanong ni Bien sabay pakita ng isang hikaw.

“Ayan nga ang hinahanap ko! Saan mo iyan nakita? Alam mo ba kung gaano kalaki ang halaga nito? Hay salamat at naibalik din ito sa akin!” walang mapagsidlan ang tuwa ng inhinyero.

Nagbigay ng isang libong piso ang inhinyero bilang pasasalamat kay Bien.

Nang malaman ni Alex ang nangyaring ito ay agad niyang kinausap ang kaibigan.

“Ang balita pa ay isang milyon daw ang halaga ng isang hikaw lang na iyon! Kung hindi mo na sana binalik ay naipagamot mo na ang anak mo!” saad ni Alex sa kaibigan.

“Alam ko, nagpunta ako sa sanglaan kanina para ipasuri ang hikaw. Malaking halaga nga pero hindi ko talaga kayang gumawa nang masama, Alex. Lalo pa at alam ko kung sino ang may-ari,” tugon naman ni Bien.

“Ayon nga, e. Alam mo kung sino ang may-ari. Dapat ay hindi mo na lang binalik dahil masama naman ang ugali niya. Tingnan mo nga at isang libo lang ang ibinigay sa iyo! Anong klase siya! Sana ay nagantihan mo man lang!” sulsol pa ng kaibigan.

Subalit nanindigan si Bien sa tamang ginawa.

Makalipas ang isang linggo ay muling ipinatawag ni Rochelle si Bien.

“Ano na naman kaya ang nagawa kong mali ngayon?” tanong ni Bien sa kaniyang sarili.

Pagpasok niya sa tanggapan ng inhinyero ay may iniabot ito.

“P-para saan po itong tseke, ma’am? Tatanggalin n’yo na po ba ako sa trabaho?” takot na tanong ni Bien.

“Tingnan mo ang halagang nakasulat d’yan, Bien,” saad pa ni Rochelle.

Nagulat si Bien nang makita ang halagang limang daang libong piso na nakapangalan sa kaniya.

“Nalaman ko kay Alex ang pinagdadaanan mo. Alam kong may sakit ang iyong anak at kailangan ng operasyon. Nangangailangan ka ng pera pero hindi mo pinag-interesan ang hikaw ko. Ibinalik mo pa ito sa akin. Kaya naman lumikom ako ng pera mula sa mga kakilala at kaibigan ko. Sinabi ko ang kwento mo sa kanila at nag-donate sila ng pera para maipagamot mo ang iyong anak. Hindi lang iyan. Sasagutin na raw ng isang kilala kong doktor ang operasyon ng iyong anak. Kaya ang perang iyan ay magagamit mo para sa tuluyan niyang gamutan at pagpapagaling. Makakapagsimula na kayo ng bago ninyong buhay,” nakangiting saad ni Rochelle.

Napaluha lamang si Bien. Hindi niya akalain na may sagot pa rin pala sa kaniyang mga problema.

“Napakalaking bagay po nito, ma’am. Sa wakas ay may pag-asa nang gumaling ang anak ko! Maraming maraming salamat po!” umiiyak na sambit ni Bien.

“Maraming salamat dahil sa katapatan mo. Hindi mo pinag-interesan ang hikaw ko kahit na gipit ka at palagi kitang napapagalitan at nasasabihan ng masasakit na salita. Hanga ako sa katapatan mo kaya karapat-dapat ka sa regalong iyan!” dagdag pa ni Rochelle.

Sa gabing iyon ay masayang umuwi si Bien para sabihin sa misis ang magandang balita.

Labis ang pasasalamat ni Bien kay Rochelle at sa Panginoon. Tunay ngang may nakalaan na gantimpala sa mga taong pinipili ang gumawa nang tama.

Advertisement