Napupuno na ang Bunsong Nasa Amerika Dahil Siya na ang Inasahan ng Ina at mga Kapatid; Isang Pagsubok ang Magpapatanto sa Kaniya ng Dapat Gawin

Napupuno na ang Bunsong Nasa Amerika Dahil Siya na ang Inasahan ng Ina at mga Kapatid; Isang Pagsubok ang Magpapatanto sa Kaniya ng Dapat Gawin

FamilyHeartbreakingStories

“Belle, anak, baka naman pwede ka nang magpadala ngayong linggo. Medyo kinakapos na kasi ako, e. Kailangan ko pang bumili ng mga gamot,” saad ni Aling Tess sa bunsong anak na nasa Amerika. 

“Hindi po ba’t kakapadala ko lang po, ‘nay? Sinabi ko na po na sana’y tipirin n’yo iyon dahil baka hindi po ako makapagpadala sa susunod na buwan. May mga bagay po kaming pinag-iipunan,” wika naman ng anak. 

“Sinabi ko na nga sa Kuya Mando mo ‘yan pero kailangan daw ng pangmatrikula ng panganay niya. Hindi ko naman mapapabayaan ang pamangkin mo, Belle. Naisip ko rin na kung ikaw ang nasa lagay ko ay hindi mo hahayaan na madamay pa ang pag-aaral ng bata, hindi ba? Kaya pinahiram ko muna ang padala mo sa kuya mo,” paliwanag pa ng ina. 

“E, ‘di hintayin n’yo na lang po siyang magbayad. Pasensya na po, ‘nay, dahil may pinaglalaanan din po ako. Isa pa, may nakukuha pa rin naman kayong pensyon mula kay tatay, ‘di ba? Iyon na lang muna po ang gamitin n’yo,” muling saan ni Belle. 

Dito na nagsimulang umiyak ang kaniyang ina. 

“Iyon naman nga rin ang sinasabi ko sa Ate Lucille mo, anak. Buntis na naman kasi at walang pampatingin sa doktor. Kaya pinahiram ko rin. Sa inyong magkakapatid ay ikaw naman ang nakakariwasa at mas nakakaunawa kaya sa iyo na ako lalapit. Baka mapano ako kung hindi ako makakainom ng mga gamot ko!” saad pa ng ginang. 

Napabuntong hininga na lang si Belle sa ginagawang pangongonsensya ng kaniyang ina. Alam kasi ng ginang na hindi siya matiiis ng bunsong anak. 

“Sige po, ‘nay, susubukan ko pong magpadala sa inyo ngayong linggo. Pero sa susunod po ay hindi ko na maipapangako dahil may kailangan din po kaming bayaran ni Sean,” wika pa ni Belle. 

Laking pasasalamat ni Aling Tess sa kabaitan ng kaniyang bunso. 

Simula nang makapagtrabaho sa ibang bansa si Belle ay inasa na sa kaniya ng kaniyang ina at mga kapatid ang kani-kanilang buhay. Walang trabaho ang kaniyang mga nakatatandang kapatid na pawang may mga asawa na. Ang dahilan nila ay kaya naman nilang mabuhay sa ipinapadala ni Belle. Ngunit dahil may inaasikasong negosyo ang asawa niyang si Sean ay kailangan muna nilang magtipid. 

Nakita ni Sean ang asawa na nalulumbay. 

“Hinihingan ka na naman ng pamilya mo sa Pilipinas? Bakit kasi hindi mo sabihin sa kanila na magtrabaho sila? Lumalaki ang ulo nila dahil sa kakapadala mo,” saad ng mister. 

“Hindi ko naman kasi sila pwedeng pabayaan. Ito naman kasing si nanay, kinukunsinti ang ate at kuya ko. Kaunting lahad lang ay bigay kaagad. Hindi na nila naisip ang pagod ko dito sa Amerika. Akala ata nila ay pinupulot ko lang ang pera dito. Hindi nila alam na mahirap ang mamuhay dito sa Amerika,” dagdag pa ni Belle. 

“Bakit hindi mo na lang sila bigyan ng negosyo kung ayaw nilang magtrabaho? Nang sa gayon ay hindi na nila kailangan pang umasa sa iyo,” mungkahi pa ni Sean. 

“Nagawa ko na rin ‘yan. Pero nalugi rin. Sinisi pa nga nila ako dahil hindi naman daw nila talaga gusto ang negosyong pinasok nila. Napilitan lang daw sila dahil sa pangungulit ko. Anong gagawin ko? May mga anak din tayo at may mga pangangailangan!” wika pa ng misis. 

“Kaya kausapin mo sila na hindi na maaari ang ginagawa nila na umaasa na lamang sa iyo. Kawawa naman ang mga pamilya nila kung hindi sila kikilos. Sa tingin ko ay kailangan mo silang tiiisin para magtanda sila,” muling sambit ni Sean. 

Ngunit parang nawawalan na ng pag-asa itong si Belle na magbabago ang kaniyang pamilya. Lalo na at hindi naman niya matiis ang mga ito kapag nagdadrama na ang kaniyang ina. Parang naging responsibilidad niya pa tuloy na buhayin ang kaniyang mga nakatatandang kapatid at ang mga pamilya nito. 

Sa mga sumunod na araw ay hindi pa rin tinatantanan ni Aling Tess ang kaniyang anak sa paghingi. Madalas din kasi siyang sulsulan ng mga anak para humingi ng pera kay Belle. 

Minsan habang nagbibilang ng perang ipapadala itong si Belle ay kinompronta na siya ng kaniyang asawa. 

“Mabuti na lang at kahit paano ay sumasapat ang kinikita ko. Pero, Belle, sana naman ay unahin mo rin ang pamilya natin. May mga anak din tayo. Kailangan ay may sapat tayong ipon. Ikaw na rin ang nagsabi na mahirap mabuhay dito sa Amerika!” sambit pa ni Sean. 

“Sa tingin mo ba ay gagawin rin sa iyo ng pamilya mo iyan kung ikaw naman ang walang trabaho? Sana ay sapat ang naipundar mo sa kanilang pagtulong para ikaw naman ang saluhin nila sa oras ng iyong pangangailangan. Pero malakas ang kutob ko na malayo itong mangyari!” dagdag pa ng mister. 

Dahil sa sinabing ito ng asawa ay may naisip na plano itong si Belle. Bigla na lamang siyang umuwi ng Pilipinas na labis na ikinagulat ng kaniyang ina at mga kapatid. 

“Matagal na kaming hindi ayos ni Sean. Ilang beses ko na siyang nahuling may ibang babae. Minsan pa nga ay dinala niya sa bahay. Nakikita ng mga anak ko. Madalas ay sinasaktan niya rin ako kaya hindi na ako nakatiis pa. Pero ayaw niyang isama ko ang mga bata. Lalo pa at wala na akong kakayahang buhayin sila dahil wala na rin akong trabaho!” pagtangis ni Belle sa pamilya. 

“Belle, ikaw ang legal na asawa! Pwede kang magdemanda. Mas malaki pa ang makukuha mong pera! Kunin mo ang mga anak mo at humingi ka ng sustento. Nang sa gayon ay hindi mo na kailangan pang mahirapan!” saad ng kaniyang Ate Lucille. 

“Ikaw naman, Belle, normal naman sa mga lalaki ang nagkakamali. Mag-usap na lang kayo ulit. Tiisin mo na lang ang ginagawa niya sa iyo basta nabibigyan ka niya ng mga pangangailangan mo! Sa panahon ngayon ay dapat praktikal ka! Kung babalik ka dito sa Pilipinas ay wala kang mapapala rito!” wika naman ng kaniyang Kuya Mando. 

“Tama ang mga sinasabi ng mga kapatid mo, Belle. Lunukin mo na lang ang pride mo. Basta ibinibigay niya lahat ng pangangailangan ninyong mag-iina! Doon ka talaga sa Amerika nababagay. Saka madali naman sa iyo ang humanap ng trabaho dahil nakapagtrabaho ka na roon. Kapag bumalik ka rito ay maliit ang sasahurin mo. Paano naman kaming pamilya mo?” pinagsabihan pa ni Tess ang anak. 

Dito na tunay na naluha si Belle.

“Hindi ko akalain na mas pipiliin n’yo pa rin na makisama ako kay Sean sa kabila ng lahat ng masasamang dinanas ko sa kaniya. Wala kayong iniintindi kung hindi ang inyong mga sarili. Sa totoo lang ay hindi naman totoo ang mga sinabi ko. Sinusubukan ko lang kayo. Nakakalungkot dahil mas pipiliin n’yo pa rin ang pera kaysa sa akin na anak at kapatid ninyo,” umiiyak na sambit ni Belle. 

Sa pagkakataong iyon ay naliwanagan na si Belle sa lahat ng nangyayari. Ginagamit lamang siya ng kaniyang ina at mga kapatid upang hindi na sila magtrabaho pa at umasa na lang sa padala niya. 

Labis na nadidismaya si Belle dahil wala man lang siyang nakitang pag-aalala at pagmamahal mula sa kaniyang pamilya. 

Nang mga sandaling iyon ay bumalik na kaagad si Belle patungong Amerika. Masakit man ay kailangan niyang tanggapin na may halaga lamang siya sa mga ito kapag napakikinabangan siya. 

Sa pagbabalik ni Belle sa Amerika ay nakapagdesisyon na siya na hindi na muna magpapadala sa kaniyang pamilya sa Pilipinas. Tiniis niya ang kaniyang ina at mga kapatid. Dahil dito ay napilitan ang mga nakakatandang kapatid ni Belle na magbanat ng buto. 

Mula noon ay inuna muna ni Belle ang kaniyang sariling pamilya. Hindi naman niya tuluyang pinutol ang kaniyang ugnayan sa kaniyang ina at mga kapatid, ngunit sa pagkakataong ito ay kailangan na nilang tumayo sa sarili nilang mga paa.

More Stories