Ayaw Magbigay ng Tamang Sahod ang May-Ari ng Restawran sa Kaniyang Tagaluto; Karma ang Kaniyang Aabutin

Ayaw Magbigay ng Tamang Sahod ang May-Ari ng Restawran sa Kaniyang Tagaluto; Karma ang Kaniyang Aabutin

KarmaStoriesSuccess

Hindi pa man nagbubukas ang restawran ay nasa labas na agad ang tagalutong si Saldy. Matiyaga kasi niyang hinihintay ang pagdating ng may-ari na si Robert dahil nais niya itong makausap. 

Sa loob ng limang taon niyang pagtatrabaho sa restawran ay ngayon lang siya makikiusap dito. Nahihiya man ay wala na siyang magawa dahil kailangan ito ng kaniyang pamilya. 

Pagbaba sa sasakyan ni Robert ay agad siyang sinalubong ni Saldy. Inasikaso muna niya ang amo at tinulungan sa pagbubukas ng restawran. Nang makakuha ng tiyempo ay agad niya itong kinausap. 

“B-boss, nahihiya man ako pero kakapalan ko na po ang mukha ko. Ipapaalala ko lang po ang pangako n’yo sa akin noong nakaraang taon. Hindi po ba sabi n’yo sa akin ay tataasan n’yo na ang sahod ko? Hanggang ngayon po kasi ay wala pa. Baka naman po sakali ngayong buwan sana,” nahihiyang pakikiusap ni Saldy sa amo. 

“Kaya naman pala ang aga mong narito, Saldy. Akala ko pa naman ay talagang masipag kang magtrabaho. ‘Yun naman pala ay may kailangan ka. Sige, tingnan natin sa kalalabasan ng trabaho mo ngayong buwan kung maaari ko nang ibigay ang taas ng sahod na hinihingi mo,” sagot naman ng may-ari. 

“Hindi pa po sigurado? Boss, mula noon pa man ay hindi naman kita binigyan ng sakit ng ulo. Saka ginagawa ko naman ang lahat para masarapan ang mga parokyano natin sa mga putahe ng restawran. Hindi pa po ba sapat iyon para taasan n’yo ang sahod ko? Hindi na po kasi talaga kasya ang kinikita ko. Pamasahe pa lang po ay nagigipit na ako. May tatlong anak pa po akong pinag-aaral. Ang mag-iina ko ay nakaasa sa akin,” pakiusap muli ng tagaluto. 

“Aba’y mas marunong ka pa sa akin, Saldy! Sino ba ang amo sa lugar na ito? Kapag sinabi kong titingnan ko pa ang trabaho mo ay kailangan ko pang tingnan ang trabaho mo! Hindi ako basta-basta na lang maglalabas ng pera lalo na at tama naman ang pasahod ko sa iyo!” saad pa ni Robert. 

“Boss, mababa sa regular na sahod ang kinikita ko sa restawran na ito. Nangako kayo sa akin na itataas n’yo kapag naging maunlad na ang restawran. Marami namang kinikita ang restawran na ito at dahil ito sa pagluluto ko. Sana naman ay bigyan n’yo naman ito ng konsiderasyon!” pagsusumamo pa ni Saldy. 

Ngunit matigas si Robert sa kaniyang desisyon. Hindi siya magbibigay ng taas ng sahod kay Saldy ngayong buwan kung hindi maganda ang ipapakita nitong trabaho. 

“Kung ayaw mo sa pamamalakad ko ay humanap ka na lang ng ibang kainan na tatanggap sa iyo. Ay, walang tatanggap sa iyo dahil hindi ka naman nakapagtapos talaga ng pag-aaral. Mabuti nga ay binigyan pa kita ng trabaho! Utang na loob mo sa akin na napapakain mo ang pamilya mo!” mariing sambit pa ng may-ari.Wala nang nagawa pa si Saldy kung hindi tumiklop sa sinabi ng kaniyang amo. Batid kasi niyang mahihirapan siyang makipagsabayan sa paghahanap ng trabaho bilang isang tagaluto gayong hindi siya isang ganap na chef. 

Subalit sa totoo lamang ay dapat ngang bigyan ng mas malaking sahod ni Robert itong si Saldy. Kung hindi kasi dahil sa sarap nitong magluto ay baka hanggang ngayon ay nilalangaw pa rin ang restawran nito. Sadyang madamot lang itong si Robert. 

Kahit na medyo masama ang loob ay nagtrabaho pa rin itong si Saldy. Umaasa siyang isang araw ay magbago ang isip ng kaniyang amo. 

Isang araw ay tuwang-tuwang ibinalita ni Robert na may isang malaking kompanya ang nais na makipag-partnership sa kanilang restawran. Magandang oportunidad ito upang mapalago pa ni Robert ang kaniyang negosyo. 

“Tandaan mo, Saldy, dito nakasalalay ang pagtaas ng sahod mo. Kung maisasarado natin ang magandang deal na ito ay isasama kita sa aking tagumpay. Syempre naman at ikaw ang aking chef!” sambit pa ni Robert. 

Ang buong akala ni Saldy ay taos puso ang sinabing ito ng kaniyang amo, ngunit ginagamit lang pala siya nito upang pagbutihin pa niya ang pagluluto.

Dumating ang araw na pinakahihintay ni Robert. Ngunit bago pa dumating ang ka-meeting niyang may-ari ng malaking kompanya ay may isang matandang lalaking simple lamang ang kasuotan. Nahalata ni Robert na wala itong pambayad. 

“Pasensya na pero kailangan n’yo pong lumabas sa pasilidad na ito. Hindi po para sa inyo ang aming restawran. Isa pa, makakaabala kayo sa mga kumakain,” saad ni Robert sa matanda. 

Ngunit nagpupumilit ang matandang lalaki. Mayroon daw siyang kikitain sa lugar na ito. 

Dahil nakita ni Robert na paparating na ang ka-meeting niyang may-ari ng isang kilalang kompanya ay hindi na niya napaalis pa nang tuluyan ang matanda. Labis na kinakabahan itong si Robert dahil papalapit na nang papalapit ang ginoo sa kaniyang restawran. 

“Huwag n’yong bibigyan ng pagkain ang matandang iyan. Tiyak akong wala siyang pambayad. Baka mamaya ay gusto lang niyang makalibre ng pagkain,” mariing utos ng may-ari sa mga waiter. 

Narinig ni Saldy ang usapan ng mga katrabaho. Sinilip niya ang matanda at naawa siya.

“Kunin n’yo ang order niya at ako na ang bahala,” saad naman ni Saldy. 

“Ngunit pagagalitan tayo ni boss. Baka mamaya ay mawalan pa tayo ng trabaho!” saad ng isang waiter. 

“Huwag kayong mag-alala. Ako na ang magbabayad. Basta itanong niyo sa kaniya ang order niya!” dagdag pa ni Saldy. 

Sumunod naman ang waiter at kinuha ang order ng matanda. Galit na galit itong si Robert nang paghainan ng pagkain mismo ni Saldy ang matanda. 

“Sinusuway mo ba ako, Saldy? Nagbilin na ako na huwag nang paorderin ang matandang iyan! Nilabasan mo pa rin ng pagkain? Baka gusto mong huwag kong ibigay ang taas ng sahod na gusto mo!” saad pa ng may-ari. 

“Binayaran ko mula sa sahod ko ang pagkain na iyan. Gusto ko lang na makatikim ang matandang ginoo ng pagkain dito sa ating restawran habang naghihintay siya,” depensa naman ni Saldy. 

Magagalit na sana nang tuluyan itong si Robert kay Saldy nang biglang dumating na ang ka-meeting niya na may ari ng malaking kompanya. 

Sinalubong ni Robert ang ginoo nang may ngiti at tila walang sigalot na nangyari sa loob ng restawran. Ngunit bago pa sila magsimula ay nagulat si Robert nang tila may hinahanap ang ginoo. 

“Papa, nariyan na pala kayo! Pasensya na at na-late ako. May dinaanan pa kasi ako riyan sa may tabi. Aba’y, nakaorder na pala kayo. Kanina pa po ba kayo rito?” tanong ng ginoo sa matandang lalaki. 

“Kanina pa ako at kanina pa rin ako nagtitiis sa ugali ng lalaking iyan. Ayaw niya akong papasukin dito kanina pa dahil lang akala niya ay wala akong pambayad. Hindi rin siya naniniwala sa akin na may hinihintay ako. Mabuti na lang at binigyan ako ng pagkain ng chef dito. Napakabait niya!” wika ng matandang lalaki. 

Gulat na gulat naman si Robert. Hindi niya alam ang kaniyang gagawin. 

“Kung ito ang restawran na tinutukoy mo na magkakaroon ng malaking partnership sa ating kompanya ay kalimutan mo na! Hindi ko gusto ang pamamalakad ng restawran na ito. Ngunit masarap talaga ang kanilang pagkain! Nais ko muling makausap ang chef sa restawran na ito,” dagdag pa ng matanda. 

Ipinatawag si Saldy mula sa kusina. Labis ang pasasalamat ng matandang ginoo at ng anak nito sa magandang asal na kaniyang ipinakita. 

“Naisip ko lang, magtatayo na lang kami ng isang magandang restawran ng anak ko. At kung gusto mo ay magtrabaho ka sa amin! Ti-triplehin ko ang sahod mo at bibigyan pa kita ng komisyon! Ikaw ang magiging head chef sa aking restawran!” saad ng matanda.

“Pasensya na po, ginoo, ngunit wala po akong sapat na pinag-aralan para sa posisyon na iyan! Hindi po ako karapat-dapat!” tugon naman ni Saldy. 

“Sapat na ang husay at sarap ng luto mo, chef. Inaasahan ko na sa amin ka na magtatrabaho,” saad muli ng matanda. 

Dahil sa masamang trato kay Saldy ni Robert ay hindi nagdalawang-isip pa ang tagaluto at umalis na ito sa restawran. 

Nagkaroon siya ng mas magandang bukas simula nang magtrabaho siya sa matandang lalaki at sa anak nito. Mula noon ay hindi na namroblema pa si Saldy sa pagtustos sa kaniyang pamilya.

Naging mas maganda ang bukas na kinaharap ni Saldy dahil sa kaniyang kabaitan. Samantalang hindi nagtagal ay nagsara na rin ang restawran ni Robert dahil wala siyang makuhang kasing galing ni Saldy bilang tagaluto. 

Ngayon ay nabaligtad na ang kanilang mundo. Nalugi ang negosyo ni Robert at kasalukuyang nagbabayad ng mga utang samantalang si Saldy ay tinatamasa ang masarap na buhay!

More Stories