Nagtrabaho ang Magkaibigan sa Tindahan na Pagmamay-Ari ng Intsik; Masusukat ang Kanilang Katapatan sa Pananatili Nito sa Ibang Bansa

Nagtrabaho ang Magkaibigan sa Tindahan na Pagmamay-Ari ng Intsik; Masusukat ang Kanilang Katapatan sa Pananatili Nito sa Ibang Bansa

InspiringKarmaStories

Magkapitbahay at matalik na magkaibigan sina Jessa at Marga. Napagkasunduan ng dalawa na huminto na lang sa pag-aaral dahil nga sa hirap ng buhay sa probinsya. Lumuwas silang dalawa sa Maynila sa pag-asang makakahanap sila ng trabaho upang makatulong sa pamilya. 

Napadpad ang dalawa sa Divisoria. Wala mang kasiguraduhan ang mangyayari sa kanila ay idinaan na lang nila ito sa lakas ng loob. 

“Akala ko pa naman kapag lumuwas tayo ng Maynila ay maganda ang makikita natin. Mga magagandang bagay at matataas na gusali. Aba’y parang mali ata ang napuntahan natin. Ayaw kong maging tindera lang sa lugar na ito!” saad ni Marga sa kaibigan. 

“Hindi na tayo pwedeng mamili pa ng trabaho, Marga. Tandaan mo na sapat lang ang pera natin para makarating dito. Kailangan nating makahanap ng trabaho nang sa gayon ay may panggastos tayo. Hindi ba ang sabi ng kapitbahay nating si Tina ay maraming trabaho dito sa Divisoria? Marami raw naghahanap na tindera dito. Kaya simulan na nating maghanap at huwag ka nang magreklamo,” tugon naman ni Jessa. 

Nais na sana ni Marga na umuwi ng probinsya at umatras na lang sa kanilang plano. Ngunit masigasig itong si Jessa. 

Kung saan-saang parte sila ng Divisoria nagtungo. Walang nais na tumanggap sa kanila dahil wala man lang silang dalang bio-data o pagkakakilanlan. Ayaw rin naman ng ilang may-ari ng tindahan na basta na lang magpatuloy sa kanilang negosyo. 

Nawawalan na ng pag-asa ang magkaibigan hanggang sa nakita nila ang isang nakapaskil sa isang pasilyo sa isang lumang mall. 

“Talagang gusto mo pa doon sa walang erkon! Minsan na nga lang madampian ang mga balat natin ng lamig, e! Huwag na tayong maghanap ng trabaho sa ganitong gusali. Doon tayo sa sosyal at malamig!” saad pa ni Marga. 

“Wala ngang tumatanggap sa atin doon, Marga. Subukan lang natin at baka bigyan tayo ng pagkakataon. Kung hindi naman magiging maganda ang pakikitungo sa atin ng amo natin ay pwede tayong umalis sa trabaho at umuwi na lang sa atin. Ang mahalaga ay mayroon tayong pamasahe pauwi,” saad naman ni Jessa. 

Wala nang nagawa pa si Marga kung hindi sundan ang kaibigan. 

Nadatnan nila sa tindahan ang isang matandang lalaking Intsik. Nakabayukos na ito at ubod na ng tanda. Hindi nga alam ng dalawa kung paano ito kakausapin. 

“Tatang, mag-a-apply po kami ng trabaho rito. Nakita po kasi namin itong nakapaskil sa bungad ng pasilyo,” saad ni Jessa. 

“Tara na, Jessa, hindi tayo naiintindihan niyan! Umalis na tayo at humanap na lang ng ibang trabaho,” wika naman ni Marga. 

Paalis na sana ang dalawa dahil hindi sila pinapansin ng matanda hanggang sa may isang binatang Intsik ang kumausap sa kanila. 

“Hindi siya usap Tagalog. Siya, usap lang ng Chinese!” saad ng binata. 

“Saan po kami pwedeng mag-apply ng trabaho? Kaso wala po kaming dalang bio-data. Pero masipag naman po kami at handa po kaming sumunod sa lahat ng ipag-uutos ninyo. Galing po kami ng probinsya at narito po kami para maghanap ng trabaho,” wika muli ni Jessa. 

“Sige kayo, trabaho sa amin! Basta kayo sipag, kayo tanggap. O, dali, kayo simula na!” sambit pa ng binatang intsik. 

“Aba, ibang klase rin ang isang ito. Pasasahurin kaya tayo niyang Intsik na ‘yan? Hindi man lang niya tayo tinanong kung ano ang mga pangalan natin. Basta binigyan na lang tayo ng trabaho,” pag-aalala ni Marga. 

“Huwag ka nang maingay at gawin na lang natin ang trabaho natin, mamaya natin kausapin si sir. Tanong na rin natin mamaya kung ano ang pangalan niya,” sambit naman ni Jessa. 

Unang araw sa trabaho ng magkaibigan ngunit ang dami na nilang gawain. Habang nagsasalansan ng mga damit itong si Jessa at hindi niya maiwasan na pakatitigan ang matandang bantay sa tindahan. Naaawa siya dahil kahit matanda na ito ay kumikilos pa rin sa trabaho. 

Nang matapos ang araw na iyon ay binigyan sila ng tig-apat na raan ng binatang Intsik na si Wu Chun. 

Dahil nga wala ring matitirahan ang dalawa ay minabuti na rin ng mga ito na makitulog sa tindahan sa pangakong wala silang gagawing masama. 

Sa pagod ng magkaibigan ay nakatulog sila kaagad. 

Kinabukasan ay mayroong ilang mga nadagdag na tauhan sa kanila. Kahit paano ay gumaan ang kanilang trabaho. 

Hindi pa rin maiwasan ni Jessa na maintriga sa matandang taga-bantay. 

“Bakit kasi hindi na lang hayaan nitong si boss Wu Chun na magpahinga si tatang? Tingnan mo at parang antok na antok na siya. Madalas na wala rin naman siyang makausap sa atin dahil wala naman siyang naiintindihan,” wika pa ni Jessa. 

“Hayaan mo na yan si tanda. Nasanay na siguro na nariyan din sa tapat ng tindahan. Parang isang ubo na lang nga ay bibigay na ‘yan, e!” natatawang pagbibiro naman ni Marga. 

Lumipas ang ilang araw at kinailangang umalis ni Wu Chun para asikasuhin ang mga paninda nila sa Tsina. Ngunit dahil sa pandemya ay hindi na ito nakabalik pa sa Pilipinas. 

“Tiwala ako sa inyo, hindi kayo gawa kalokohan. Kayo, ayos trabaho. Kayo, bantay ni tatang. Ako trabaho dito China para tayo dami stocks!” saad ni Wu Chun sa mga trabahador. 

Imbes na makinig ay ginagaya pa ni Marga ang pagsasalita ng binatang amo. Nang matapos silang kausapin ng binata ay agad na pumetiks itong si Marga. 

“Hindi ba sinabi sa atin na magtrabaho raw tayo? Anong ginagawa mo, Marga? Tara at kilos na!” saad ni Jessa. 

“Wala naman ‘yang si Wu Chun kaya hindi niya malalaman. Saka isa pa natutulog naman si tatang at hindi makakapagsumbong. Wala namang masyadong tao kaya magpapahinga na muna ako. Kayo na muna ang bahala rito,” wika ni Marga. 

Simula nang manatili sa Tsina si Wu Chun ay walang ganang magtrabaho itong si Marga. Pumapasok na lang ito para sumahod. Ni hindi na ito tumutulong pa sa pagtitinda. 

Kaya naman sinita siya ni Jessa. 

“Nakakahiya sa amo natin, Marga. Kahit wala siya rito ay kailangan nating magtrabaho. Narinig mo naman ang sinabi ni Sir Wu Chun. Kapag malakas ang kita natin ay bibigyan niya tayo ng bonus. Binigyan niya tayo ng trabaho noong nangangailangan tayo. Pinatulog pa niya tayo dito sa tindahan para hindi na tayo umupa. Mahiya naman tayo sa kaniya. Gawin natin ang mga inatang na responsibilidad sa atin,” sambit ni Jessa. 

“Alam mo, Jessa, pakitang gilas ka. E, kanino ka ba nagpapakitang gilas? Diyan kay tatang? Tingin mo ba ay aabutan pa ‘yan ni Wu Chun dito? Parang hindi nga niya naiintindihan ang nangyayari. Imbes nga na makatulong ay pabigat pa sa atin ‘yan! Dagdag alalahanin! Kung gusto mong magpakitang gilas ay bahala ka. Basta ako, gagawin ko lang ang trabaho ko. Magbebenta ako kapag may bibili. Hindi ko naman ito tindahan, e! Malugi man ay hindi ko pera ang mawawala!” sambit pa ni Marga.

“Pero ito ang ikinabubuhay natin, Marga. Kapag nawala ito ay hindi na tayo makakaipon pa! Hindi ko akalain na ganyan ka palang mag-isip. Mahiya ka naman sa amo natin,” muling sambit ng kaibigan. 

Pero nagmalaki pa itong si Marga. Kaya naman na daw niyang makakita ng trabaho dahil may karanasan na siya sa pagtitinda. 

Napapailing na lang talaga itong si Jessa sa ugali ng kaibigan. 

Hindi na lamang pinapansin ni Jessa ang mga ginagawa nitong si Marga. Basta siya ay nagtatrabaho nang tapat kahit wala ang binatang Intsik. 

Isang araw ay bigla na lamang itong bumalik. Nagpanggap si Marga na marami siyang ginagawa at abala sa pagtitinda. 

Maya-maya ay tinipon ni Wu Chun ang mga tauhan. 

“Ako may sabi sa inyo. Ako, hindi n’yo na amo. Ako trabahador lang talaga dito. Ako kailangan nang alis papunta sa Tsina dahil wala ako maayos na papel dito Pilipinas,” saad ni Wu Chun sa mga tauhan. 

Labis na nagulat naman ang mga ito. Hindi nila sukat akalain sa tagal ng kanilang pagtatrabaho ay hindi pala ang binata ang kanilang amo. 

Lubos ang pasasalamat ni Wu Chun sa pagtatrabaho ng mga tindera para sa tindahan dahil kahit wala siya ay hindi ito napabayaan. Sa katunayan nga ay tumaas pa ang benta nito – salamat kay Jessa. 

Bigla na lang tumayo ang matandang intsik na laging nakabantay sa tindahan.

“Ang akala ninyo ay hindi ako marunong na magtagalog? Intsik ako pero matagal na akong naninirahan dito sa Pilipinas kaya matatas ako. Pinagmamasdan ko lang kayo dahil humahanap ako ng taong magpapaandar sa aking negosyo. Hindi na pwedeng magtrabaho para sa akin si Wu Chun dahil nakapagtayo na rin siya ng negosyo sa ibang bansa. Siya ang magsu-supply sa atin,” pahayag pa ng matandang intsik. 

Gulat na gulat ang lahat sa kanilang nalaman. Wala kasing nag-akala na ang matandang ito pala ang tunay na may-ari. 

“Ikaw, Jessa, labis mo akong pinahanga. Kahit walang nagbabantay ay ginawa mo ang lahat upang alagaan ang negosyong ito kahit hindi naman ito sa iyo. At ikaw naman, Marga, labis akong nadidismaya sa iyo. Madalas mong lamangan ang mga kasamahan mo sa trabaho. Hindi mo pa ginagampanan ang iyong tungkulin. Dahil dyan ay gagawin kong tagapamahala ng negosyong ito si Jessa. Ikaw naman, Marga, nasa sa iyo kung mananatili ka pa rito o hindi na. Pero kailangan mong gawin ang mga natakdang gawain sa iyo kung hindi ay wala kang tatanggaping sahod. Hindi ako magtataka kung magtatagumpay itong si Jessa sa buhay dahil masipag siya. Dapat ay mahiya ka sa sarili mo dahil niloloko mo ang iyong mga amo,” dagdag pa ng matandang may-ari.

Hiyang-hiya si Marga dahil sa mga sinabi ng matanda. Dahil doon ay nagbitiw na lang ito sa trabaho at bumalik sa probinsya. Samantala, itong si Jessa na ang naging tagapamahala ng tindahan ng damit ng matandang intsik. Ang nakakahanga pa sa dalaga, kahit hindi siya nakapagtapos ng pag-aaral ay malaki ang kaniyang naging ambag para mapalago pa lalo ang negosyong ito. 

Binigyan ng porsyento ng matanda si Jessa sa pagmamay-ari ng naturang tindahan. Nang yumao ang matanda ay nagtayo na rin ang dalaga ng kaniyang sariling tindahan sa Divisoria. Simula noon ay naging mas maunlad ang buhay niya. Bumalik muli siya sa pag-aaral at naiahon na niya ang pamilya sa hirap.

Lubos na malaki ang naging agwat sa pamumuhay ng magkaibigang Jessa at Marga. Hindi lubos akalain ni Jessa na talagang magbabago ang kaniyang buhay nang magdesisyon siyang tumulong sa pamilya at lumuwas pa-Maynila.

More Stories