Pinagdamutan at Niyabangan ng Babae ang Kapatid Niya sa Ina Dahil Labandera Lang Ito at Palaging Nanghihingi ng Pagkain; Laking Inggit Niya Nang Ito ang Biglang Suwertehin

Pinagdamutan at Niyabangan ng Babae ang Kapatid Niya sa Ina Dahil Labandera Lang Ito at Palaging Nanghihingi ng Pagkain; Laking Inggit Niya Nang Ito ang Biglang Suwertehin

InspiringKarmaStories

Maganda ang trabaho ng mister ni Veronica na isang manager sa kilalang Chinese restaurant. Siya naman ay malaki rin ang kinikita sa pag-o-online selling ng mga damit, sapatos at mga aksesorya. Mayroon silang dalawang anak na parehong nasa elementarya na. Kapag pinagsama ang kita nilang mag-asawa ay sobra-sobra pa iyon para tugunan ang mga pangangailangan nila kaya nabibili niya ang mga luho gaya ng mamahaling damit, bag, mga alahas at iba pa.

Ngunit kahit nakakaangat sa buhay ay may masamang ugali ang babae na kinaayawan sa kanya ng mga kapitbahay niya. Masyado siyang mayabang, madamot at mapagmataas sa kapwa, kahit sarili niyang kamag-anak ay pinagdadamutan niya lalo na ang kapatid niya sa ina na si Cristina na isa lamang hamak na labandera at biyuda. Mag-isa nitong itinataguyod ang anak na walong taong gulang. Nang minsang manghingi ito ng ulam sa kanya ay walang awa niya itong itinaboy.

“Ate Veronica, meron ka bang ulam diyan kahit tira-tira? Hindi kasi ako nakapaglabada ngayong araw dahil masama ang pakiramdam ko, kaya wala akong kita. Kahit kaunting makakain na paghahatian na lang naming mag-ina,” sabi nito.

“Hoy, Cristina, hindi porket magkapatid tayo sa ina ay close na tayo, nagkakamali ka! Wala akong pakialam kung hindi ka nakapaglabada at wala kayong makain ng anak mo. Magsumikap ka kasi para hindi lang pagiging labandera ang alam mo at hindi ka namemerhuwisyo. Sorry, pero wala akong maibibigay sa inyo. Hindi kami nagpapakahirap na mag-asawa sa pagtatrabaho para mamigay lang ng pagkain. Kung gusto mo ay sa mga kapitbahay ka manghingi ng makakain ninyong mag-ina o ‘di kaya ay mamulot kayo riyan sa basurahan ng mga tira-tira,” sagot niya.

Nanliit si Cristina sa sinabi sa kanya ni Veronica. Hindi na siya nagsalita pa at tahimik na umalis. Nang makalayo na ang kapatid ay saka inilabas ni Veronica ang natira nilang ulam at ipinakain iyon sa alaga niyang aso.

“O, Paopao, kain nang mabuti ha? Masarap ‘yan, pakabusog ka,” bulong pa niya sa alaga.

Nang sumunod na araw ay marami siyang pinamili sa palengke. Mga gulay, prutas, karne ng baboy, manok, baka, isda at kung anu-ano pa. Matiim niyang ininggit ang kapatid niyang si Cristina na naglalaba sa labas ng bahay nito. Napansin pa niya na tambak ang nilalabhan ng babae at halatang pagod na ito sa ginagawa ngunit masaya siya kapag naiinggit at naapakan ang pagkatao nito.

“Ano kaya ang pwede kong iluto sa mga pinamili ko? Mag-menudo kaya ako o kaya naman ay kaldereta? Gagawa rin ako ng masarap na panghimagas para sa mag-ama ko. Hmmm…ano kaya kung gumawa ako ng fruit salad o buko pandan?” aniya na sinadya pang lakasan ang boses para marinig siya ni Cristina.

Pag-uwi sa bahay ay abot tainga ang ngiti niya. Pinagmalakihan na naman niya ang kapatid niya kuno. Matagal nang mainit ang dugo niya sa kapatid sa ina kaya natutuwa siya kapag nakikita niya itong naghihirap at walang makain.

Kinagabihan ay biglang tumawag sa kanya ang nakatatanda niyang pinsan na si Maribeth. Nasa singkwenta y singko anyos na ang babae at nakatira sa Italy. Maganda na rin ang buhay ng pinsan niya roon na may sariling kumpanya. Nakapangasawa kasi ito ng Italyano at nang sumakabilang buhay ang matandang mister ay sa pinsan niya ipinamana ang kumpanyang pag-aari nito. Inggit na inggit siya sa pinsan niyang ito dahil mas asensado sa kanya. Nang mag-request itong makausap siya sa pamamagitan ng videocall ay agad niyang pinagbigyan. Kaunting kuwento, pambobola lang ang gagawin ay baka mauto niya ito na padalhan siya ng mga imported na pasalubong.

“Good evening, pinsan! How are you? How’s Italy?” bungad niya.

“Okay naman, pinsan. Kayo ba? Kumusta ang mister mo at mga pamangkin ko? Si Cristina at ‘yung anak niya? Miss na miss ko na kayo diyan sa Pilipinas lalo na ang pinsan nating si Cristina na mula pagkabata ay napakabait sa akin,” wika nito.

Medyo nayamot si Veronica sa sinabi ni Maribeth. Mas nami-miss pa nito ang kapatid niya sa labas kaysa sa kanya na pinsang buo nito. Pero hindi siya nagpahalata at kinausap pa rin nang maayos ang pinsan niya.

“O-okay din naman kaming mag-anak, pinsan. S-si Cristina ba kamo? Ayun, siyempre naghihirap pa rin. Alam mo naman ang kapatid kong iyon, naging tamad kasing mag-aral noon kaya pagiging labandera lang ang trabaho ngayon. Wala ngang ginawa kundi manghingi sa akin ng pagkain, eh kasi minsan daw ay maliit ang kinikita niya kaya kulang palagi ang pera niya na pambili ng makakain nilang mag-ina. Nung isang araw nga ay nanghihingi sa akin ng tira-tirang ulam dahil hindi raw siya nakapaglabada. Masama raw ang pakiramdam niya kaya hindi nagtrabaho at kumita ng pera. Hay naku, pinsan, mabuti’t marami akong pagkain sa bahay at binigyan ko ng mga de latang ulam ang kaawa-awa kong kapatid,” pagsisinungaling niya.

“Aba, nakakalungkot naman ang pinagdadaanan ngayon ni Cristina. Alam mo naman na hindi siya nakapag-aral noon dahil sa hirap ng buhay, Veronica. Mas inuna niyang magtrabaho at tumulong kina tito at tita kaysa mag-aral. Nahihiya raw kasi siya sa inyo mula nang kupkupin siya ni Tito Roque at Tita Rebecca nang pumanaw ang nanay niya. Ayaw niyang maging pabigat kaya kahit bata pa’y namulat na sa pagbabanat ng buto. Nakahanap nga ng mabait na lalaki sa katauhan ni Marco, maaga namang kinuha ng Diyos sa kanya kaya ngayon ay mag-isa niyang binubuhay ang anak nilang si Gia. Ang akala ko’y nakahanap na siya ng mas maayos na trabaho iyon pala ay naglalabada pa rin pala siya. Pero natutuwa ako at tinutulungan mo ang kapatid mo. Ikaw ang mas nakakaangat sa buhay kaya masaya akong hindi mo pinababayaan si Cristina at ang isa ko pang pamangkin.”

“Oo naman pinsan. Sa aming dalawa ni Cristina ay ako talaga ang mas sinuwerte. Biruin mo, malaki ang suweldo ng mister ko sa pinagtatrabahuhan niyang Chinese restaurant at ako naman ay malaki ang kinikita sa pag-o-online selling kaya masasabi kong hindi kami naghihirap at nabibili namin ang anumang gustuhin namin. Hindi rin kinakapos sa pagkain ‘di gaya nina Cristina na palaging kumakalam ang sikmura. Masuwerte pa rin siya at narito ako na palaging nagbibigay sa kanya,” pagyayabang pa niya hanggang sa matapos ang pag-uusap nila.

Masayang-masaya si Veronica dahil nangako ang pinsan niya na magpapadala ito ng imported na mga pasalubong sa kanila. Nabwisit nga siya nang malamang pati si Cristina at ang anak nito ay papadalhan din ngunit titiyakin niya na hindi makakarating sa kapatid niyang hilaw ang pasalubong na iyon ni Maribeth dahil haharangin niya ito. Ang mag-anak lang niya ang dapat makinabang doon dahil siya naman ang totoong pinsan nito. Magkapatid ang kanyang ama at ang ina ni Maribeth at ang Cristina na iyon ay sampid lang.

Araw ng Huwebes, muling nakipag-videocall kay Veronica ang pinsan niya. Kompyuter na ang gamit niya at hindi na sa selpon para mas malaki ang screen. Nang biglang tawagin siya sa labas ni Cristina at nanghihingi na naman ito ng pagkain. ‘Di niya namalayan na nakapasok na ito sa loob ng bahay niya.

“Ate Veronica, baka naman meron kang de lata kahit sardinas. Hindi pa kasi ako binabayaran ni Aling Azon na nagpalaba sa akin nung isang araw, eh kaya wala kaming ulam. Ayaw na akong pautangin ni Mang Isko sa tindahan niya,” sabi ng babae.

Sa sobrang inis ay kung anu-ano na namang masasakit na salita ang sinabi niya sa kapatid.

“Ano ka ba, Cristina? Tuwing mamomroblema ka’y ako talaga ang pineperhuwisyo mo, ano? Wala akong sardinas na maibibigay sa iyo. ‘Yung mga de lata ko riyan sa kusina ay pagkain lang ng aso kong si Paopao. Alangan naman na ibigay ko pa sa iyo? Manigas ka! Lumayas ka nga rito sa bahay ko, doon ka mamalimos ng pagkain sa labas huwag dito!” singhal niya sa kapatid.

Mangiyak-ngiyak at lulugu-lugong umalis si Cristina sa harapan niya.

Mabilis na lumipas ang mga araw. Nagulat si Veronica nang biglang dumating ang pinsan niyang si Maribeth, dala-dala ang mga ipinangako nitong imported na pasalubong. Mga mamahaling tsokolate, pabango, sabon, damit, sapatos at iba pa.

“O, pinsan, bakit hindi ka nagpasabi na darating ka? Sana ay sinundo ka namin sa airport. Nag-abala ka pa sa mga pasalubong mo sa amin,” tuwang-tuwa niyang sabi nang salubungin ito.

“Nagulat ka ba, pinsan? Sinadya ko talagang pumunta rito sa Pilipinas para dalawin kayo’t personal na ibigay ang mga pasalubong na iyan at saka para isama ko na sina Cristina at ang anak niya pagbalik ko sa Italy,” wika ni Maribeth.

Parang nanigas ang buong katawan ni Veronica sa narinig.

“A-ano? B-bakit?” nagtataka niyang tanong.

“Narinig ko ang ginawa mong pagtaboy at pagdadamot sa kapatid mo, Veronica. Nakalimutan mong nagbi-videocall tayo sa kompyuter at dinig na dinig ko ang lahat ng sinabi mo kay Cristina. Ang akala ko pa naman ay tinutulungan mo siya pero hindi pala bagkus ay pinagsasalitaan mo pa ng masasakit. Napakadamot mo pala, Veronica. Kaya naisip kong isama na ang mag-ina sa Italy para doon ay bibigyan ko siya ng trabaho sa aking kumpanya. Pag-aaralin ko rin ang anak niyang si Gia dahil balita ko’y napakatalinong bata niya,” sambit ng pinsan niya.

Natulala si Veronica at hindi na nakapagsalita sa sobrang kahihiyan. Nalaman ng pinsan niya ang pagmamaliit niya at pagdadamot kay Cristina kaya naawa ito’t isasama na lang ang kapatid sa pag-alis nito para magkaroon din ng magandang buhay sa ibang bansa.

Ngayon ay sobrang pinagsisisihan ni Veronica ang lahat ng kayabangan at pagdadamot niya sa kapatid. Nakarma tuloy siya dahil siya naman ang inggit na inggit kay Cristina na nakatakdang magbago ang buhay sa Italy.

More Stories