Ganoon na Lamang ang Paghihinagpis ng Lalaki Nang Malaman na ‘Wala Na’ ang Kaniyang Nobyang May Sakit; Paano na ang Kaniyang Buhay Ngayon?

“Wala na po siya!”

Ito ang pahayag ng nurse na nasa information counter ng ospital nang tanungin ni Kerwin kung nasaan ang pasyenteng si Abby, ang kaniyang nobya, na may sakit at naka-confine sa isang silid doon.

Napagkasunduan na nina Kerwin at Abby na lumagay sa tahimik matapos ang halos anim na taong relasyon. Punumpuno sila ng matatayog na pangarap para sa kanilang dalawa. Kahit dalawang taon na rin silang nagsasama bilang live in partners, talagang maingat sila upang mapagplanuhan nilang maigi ang kanilang pamilya. Ayaw nilang magbuntis kaagad si Abby lalo’t nag-iipon pa lamang sila.

Ngunit ngayon ngang wala na ang kasintahan, paano na ang kanyang mga bukas na darating? Sino na ang kasama niyang bumuo ng pangarap na sa tagal makumpleto ay tila jigsaw puzzle na may mga maliliit na piraso? Paano ba siya gigising sa umaga kung wala na ang kaisa-isang dahilan ng kaniyang pagbangon? Sino na ang kasama niya tuwing gabi na bumilang ng mga bituin sa langit? Paano ba siya bubuo ng tahanan kung wala na ang ilaw nito?

Isinabunot ni Kerwin ang kaniyang mga buhok na tila ba mahuhulog kasabay ng mga luha niyang bigla na lamang pumatak nang marinig niyang wala na nga si Abby. Nagkaroon ito nang malalang sakit kaya kinakailangan itong dalhin sa ospital. Napasandal siya sa pader at walang lakas na napaupo at napahagulgol sa labis na galit at kalungkutan.

Kung bakit naman kasi sa dinadami ng mga araw ay ngayon pang araw nawalan ng power ang battery ng kanyang cellphone. Marahil ay tumatawag sa kaniya ang mga kapatid ni Abby nang mga sandaling nag-aagaw-buhay ito, nakausap man lang niya sana ito kahit sa huling sandali. Bigla siyang pinatawag ng kaniyang boss sa opisina dahil may kailangan siyang isarang deal sa mga kliyente. Kung alam lang niya na mangyayari ito, hindi na sana siya umalis.

“Bakit kinakailangang ilabas agad nila ng ospital si Abby nang hindi ipinaalam sa akin?”

Magulo ang isip niya. Naghahalong emosyon ang namamayani sa kanyang puso.

Advertisement

Kung gaano siya kasaya kaninang umaga, napalitan ito ng kawalan ng pag-asa.

Sana hindi na siya pumasok sa opisina. Kaya pala nagdadalawang-isip siya ng umagang iyon, kaya pala tila may bumubulong sa kanyang isip na siya’y dumiretso kaagad sa ospital. Kung alam lang niya na wala na siyang daratnan, hindi na sana niya pinanghinayangan ang anumang kanyang kikitain at lahat ng ito’y ginastos at ginamit niya upang mapaligaya ang kinakasama. Para saan pa ang kanyang mga naipon? Sino na ang paglalaanan niya nito?

Kagabi lang galing siya sa ospital. Masaya pa silang nag-uusap ni Abby at halos hindi naging paksa ang kanyang karamdaman dahil tuluyan nang bumaba ang platelets ng nobya, sensyales na pawala na ang dengue na limang araw nang nagpapahirap sa kaniya.

Pinag-uusapan pa nila na kapag gumaling na ito, kaagad nilang aasikasuhin ang kanilang kasal.

“Gusto ko simple lang,” sabi pa ni Abby.

“Ayoko. Hindi mo deserve. Gusto ko medyo magarbo naman,” aniya.

Kaya hindi sukat akalain ni Kerwin na sa isang kisapmata ay wala na si Abby! Wala na ang kanyang buhay, wala na ang kanyang bukas. Marami na ngang kaso ng dengue ngayon na kahit gumaling at bumuti na ang lagay nito, bigla na lamang humihina ang immune system at sumasakabilang-buhay ang pasyente.

Sa labis na kaguluhan ng isip, naisipan ni Kerwin na magtungo sa roof deck ng ospital.

Advertisement

Wala na siyang dahilan para mabuhay pa. Susundan na lamang niya sa kabilang buhay ang pinakamamahal na nobya.

“Sir! Sir! Huwag po!”

Sinundan pala siya ng nurse nang makitang nag-iiiyak siya sa sinabi niya. Napatibuwal sila sa sahig.

“Hayaan mo na ‘ko nurse, wala na ang pinakamamahal ko… wala nang silbi ang buhay ko…” umiiyak na sabi ni Kerwin sa nurse.

“Paumanhin po sir, ang ibig ko pong sabihin ng ‘wala na siya’ ay na-discharge na po siya, si Ma’am Abby. Gusto na raw po niyang umuwi dahil gusto niya raw pong ipagdiwang ang anibersaryo ninyo. Maayos na maayos na po siya. Heto nga po ‘yung waiver na pinirmahan niya kanina,” natatarantang paliwanag ng nurse.

Natigilan si Kerwin, Napamaang siya sa narinig mula sa nurse.

“A-Ang ibig mong sabihin… b-buhay ang mahal ko?” pag-uulit ni Kerwin.

“Opo sir, buhay na buhay. Kung sakaling natuloy kayong tumalon, parang Romeo at Juliet po ang nangyari sa inyo. Kayo po ang mawawala na,” sabi ng nurse.

Advertisement

Mula sa pag-iyak ay napangiti si Kerwin, natawa, hanggang sa mapahalakhak. Nakitawa na rin ang nurse sa kaniya.

Agad siyang umuwi sa kanila.

Gusto niyang makita kaagad nang personal kung buhay nga ang nobya.

Nadatnan niya itong naghahanda ng mesa. May bilao ng pancit-palabok na paborito niya. Inasal na manok. Liempo. At may cake.

“Surprise! Happy anniversary, mahal!” nakangiting sabi ni Abby. Maayos na maayos na.

Nilapitan ni Kerwin ang nobya. Niyakap ito at siniil ng halik sa labi.

“Makita lang kitang maayos at magaling na, masaya na ako kahit walang sorpresa!” bulalas ni Kerwin.

Masaya nilang pinagsaluhan ang mga pagkain at nagtawanan sa ‘maling akala’ ni Kerwin.