Mamamalengke Sana ang Ginang na Ito Subalit Naalok Siya ng Isang Babae na Bumili sa Kanilang Panindang Sabon; Bakit Kaya Tulala Siyang Umuwi?

Masiglang-masigla si Aling Cleo nang umagang iyon. Maaga siyang gumising kaysa sa karaniwang gising niya. Magtutungo siya sa palengke upang mamili ng mga sangkap na gagamitin para sa mga nakalinyang lulutuin, para sa pagtatapos ng kaniyang anak na si Gretchen sa Senior High School.

Parang nakikini-kinita na niya ang paghangang ipupukol sa kaniya ng mga inggitera niyang kapitbahay, na bagama’t maituturing na mga may-kaya naman sa buhay, wala ni isa sa mga anak ang naipatapos. Kung hindi bulakbol, nagsipag-asawahan na kaagad.

Siya, kahit na pedicab driver ang mister at siya naman ay nagtitinda-tinda at nananahi-nahi ng basahan, mapag-aaral na nila sa kolehiyo ang anak, at ang bunso naman nila ay laging may uwing medalya sa tuwing natatapos ang taong pampanuruan.

“Mabuti ka pa Cleo at wais ka pagdating sa paghawak ng pera at pagpapalaki sa mga anak. Lodi na kita,” laging pagpuri sa kaniya ng kapitbahay na si Aling Bebang.

Pumapalakpak naman ang mga tainga ni Aling Cleo.

Habang naglalakad ay may umagaw sa kaniyang atensyon: isang babaeng tantiya niya ay nasa 21 hanggang 23 taong gulang ang humarang sa kaniya. Namimigay ng pulbos na sabong panlaba.

“Wala akong pera miss,” iwas niya.

“Libre lang ho ito. Sampol.”

Advertisement

Kinuha niya ang iniaabot na sabon. Inamoy.

“Mabango ha… gusto ko’ng amoy,” wika ni Aling Cleo.

“Salamat po. Ma’am, baka gusto ninyong bumili pa? Tatlo na ang makukuha ninyo sa halagang 100 piso. Pero iyang ibinigay ko sa inyo, libre na ‘yan.”

Mabilis na nagkuwenta si Aling Cleo. 45 piso ang halaga ng pulbos na sabong panlaba na lagi niyang binibili sa grocery. Malaki ang matitipid niya sa alok nito. Napahinuhod si Aling Cleo.

“Sige nga, subukan ko, mabango naman eh. Baka naman yeso lang ito ha?”

“Hindi po Ma’am, kahit maglaba pa kayo ngayon din po. Halika po at sasamahan ko kayo sa opisina.”

Sumama naman si Aling Cleo sa babae. Pumasok sila sa isang gusali. Nagulat siya na may basement pala ang gusaling iyon. Makipot ang hagdanan. Mainit. Madilim. Pagkababa nila ay may apat pang ginang na naroon, mukhang nabighani rin sa sabon. Kapag nanay talaga, mga gamit na sa bahay ang iniintindi.

“Salamat po, narito na po ang sabon na 100 piso sa tatlo na,” sabi ng lalaking nagtitinda. Iniabot naman ni Aling Cleo ang 100 piso. Iniabot naman sa kaniya ang tatlong sabon, gayundin sa apat na ginang na nahikayat na bumili nito.

Advertisement

Aalis na sana sila subalit pinigilan sila ng lalaki.

Ganoon din ang ginawa sa apat pang ginang.

“May i-aalok po sana kami sa inyo. Mga agimat po ito na nakuha pa namin mula sa Bundok Makiling. Kapag may agimat po kayong ganito, tiyak ang pagpasok ng suwerte sa bahay ninyo. Ang isang agimat po ay nagkakahalagang 200 piso, subalit kung anim po ang bibilhin ninyo, mas tatalab po ang agimat. Ibibigay po namin ng 1,000 piso.”

Para namang napahinuhod kaagad si Aling Cleo. Inilabas niya ang 1,000 piso at wala sa loob na ibinigay sa kanila. Iniabot naman sa kanilang limang ginang ang isang supot na naglalaman umano ng mga agimat.

“Mas masuwerte kung ibibigay ninyo ang lima sa iba pang mga kaanak o kaibigan. Mag-ingat po kayo sa pag-uwi,” saad ng lalaki. Napatango naman ang limang ginang. Tinunton na nila ang hagdanan palabas.

Nagsimula na ngang maglakad pauwi si Aling Cleo.

Nangunot ang noo ng kaniyang mag-ama nang makita siyang tulala at walang dalang mga pinamili sa pamilihan.

“’Nay? Akala ko ba namalengke ka? Nasaan ang mga pinamili mo? Saka… bakit ang bilis mo?”

Advertisement

Tila nagulantang si Aling Cleo.

“Anong ginagawa ko rito? Bakit ako umuwi kaagad?”

“Ano-ano yang mga dala mo, ‘Nay?”

At isinalaysay ni Aling Cleo ang mga nangyari. Habang nagkukuwento ang ginang, nagulat ang mag-amang Gretchen at Mang Dolfo nang buksan nila ang mga sabon na binili ni Aling Cleo. Lahat ay gawgaw lamang! Ang tunay na sabon ay ang ibinigay sa kaniya nang libre.

At ang mas nakapanlulumo, ang mga agimat na binili niya sa halagang 1,000 piso ay pawang mga kahoy lamang na pinutol-putol mula sa nabubulok na punong-kahoy, na kanina ay maihahalintulad sa ginto.

“Mahal, nabudol budol ka.”

Agad na nagtungo sina Aling Cleo at Mang Dolfo sa lugar kung saan naganap ang insidente, subalit wala nang tao roon.

Hinayang na hinayang si Aling Cleo sa 1,100 piso na nawala sa kaniya. Pamalengke niya sana ang mga iyon.

Advertisement

“Hayaan mo na. Mahalaga, ayos ka. Hindi ka sinaktan. Halika, ireklamo natin sa barangay,” aya ni Mang Dolfo.

Inireklamo na nga nila sa barangay ang nangyari upang hindi na ito maulit pa. Pangako ni Aling Cleo, ibayong pag-iingat pa ang gagawin niya upang hindi na ulit maloko sa kalsada.