Naniningil ang Ginoo sa mga Kapitbahay na Nakikisalok sa Kanilang Balon, Kaya Naman Nagkaisa Sila na Magpagawa ng Sariling Poso; Paano Kung Bumaligtad Naman ang Sitwasyon?

Naniningil ang Ginoo sa mga Kapitbahay na Nakikisalok sa Kanilang Balon, Kaya Naman Nagkaisa Sila na Magpagawa ng Sariling Poso; Paano Kung Bumaligtad Naman ang Sitwasyon?

InspiringKarmaStories

“Oh teka muna, pumila kayo nang maayos ah… saka hindi na pala piso kada timba dito sa balon namin. 2 piso na kada salok.”

Sumimangot ang mukha ng mga nakapilang kapitbahay nang marinig ang sinabi ni Mang Atong. Sa buong sitio na iyon, sila lamang ang may mapagkukunang tubig na nagmumula sa balon. Mahirap ang buhay sa sitio na ‘yun.

“Atong, sobra naman ang pagpepresyo mo sa amin, alam mo namang gipit kami sa pera eh…” sabi ng isang ginang. Si Aling Felomena. “Galing naman sa kalikasan ang tubig ng balon mo. Wala ka namang ginasta riyan.”

“Ay ganoon ho talaga, kasi ang totoo niyan, kaya namin ginawa ang balon na ito para sa amin lang sana. Mabuti na nga ang kalooban namin at pinapasalok pa namin kayo, huwag na ho kayong magreklamo. Kung gusto po ninyo, magtungo na lamang kayo sa sapa. Doon ho kayo sumalok,” angil ni Mang Atong sa ginang. Hindi na lamang kumibo ang mga makikisalok sa kaniya.

“Mapagsamantala talaga itong Atong na ito. Huwag sanang dumating sa puntong matuyot ang balong ito,” pabulong na sabi ng isang matandang lalaki na nakapila rin kay Aling Felomena.

“Kung malapit lamang kami sa sapa, bakit hindi. Malayo kami roon. Masyadong mapagsamantala, palibhasa’y wala tayong mapamilian kundi ang sumalok sa balon niya.”

Wala na ngang nagawa ang mga kapitbahay kundi pumayag sa pagpepresyo ni Mang Atong na 2 piso sa bawat lalagyanan, maliit man o malaki.

Makalipas ang dalawang buwan, nagtaas na naman ng presyo si Mang Atong. Nagpatong siya ng 50 sentimo mula sa 2 piso. Dito na umalma ang mga kapitbahay na nakikisalok sa kaniya, lalo na si Aling Felomena.

“Hindi na yata tama ‘yan. Pananamantala na sa amin ‘yan, Atong. Nagpapasalamat kami dahil binuksan mo ang balon para sa amin, pero huwag mo naman sana kaming gipitin. Alam mo namang wala kaming ibang mapamimilian kundi ang makiigib sa inyo,” pakiusap ni Aling Felomena.

“Gaya ho nang lagi kong sinasabi, kung magrereklamo kaya at hindi na ninyo kaya, puwede naman kayong huwag sumalok dito. Malawak po ang sapa. Puwedeng-puwede kayo ro’n at walang pipigil sa inyo.”

Kaya naman, sa ugaling iyon ni Mang Atong, nagpulong-pulong ang mga magkakapitbahay.

“Kaysa naman sa nakikiigib tayo sa kaniya, bakit hindi na lang tayo mag-ambag-ambag, magbayanihan, at gumawa tayo ng isang poso na makikinabang ang lahat? Ilalapit natin ito sa barangay para naman mapondohan tayo,” panghihikayat ni Aling Felomena sa kaniyang mga kapitbahay.

Sumang-ayon naman ang mga magkakapitbahay at agad na inaksyunan ang pagkakaroon ng poso para sa kanilang lahat.

Matapos ang pag-aasikaso sa barangay, nagsimula na nga ang paggawa ng poso. Makalipas ang dalawang araw, tapos na ito.

“Mga kasama, dito na tayo iigib ng tubig. Hindi na natin kailangan pang makisalok ng tubig sa balon ni Mang Atong, nakakahiya naman at baka matuyuan,” pahayag ni Aling Felomena.

Tuwang-tuwa naman ang mga magkakapitbahay.

“Pero pakiusap namin ho sa inyo na ingatan ninyo ang paggamit nito para hindi masira at lahat ay makinabang,” paalala ng kapitan ng kanilang sitio.

Simula noon ay sa poso na nga nagsiigib ang mga magkakapitbahay. Wala nang nagtangkang mag-igib sa balon nina Mang Atong. Unti-unti ay nawalan siya nang kaunting mapagkukunan ng pera.

Hanggang sa dumating ang tag-init.

Hindi malaman ni Mang Atong kung bakit lumabo at nagkulay-lupa ang kanilang balon. Ni hindi maaaring ipambanlaw sa mga nilabhang damit.

Hanggang sa tuluyan itong natuyot, marahil ay dahil sa init.

Ngunit ang poso, na kagagawa pa lamang, ay hindi nawalan ng tubig.

Isang araw, wala nang pamimilian sina Mang Atong kundi ang makiigib sa poso. Nagkatinginan ang mga magkakapitbahay. Halos lumuhod si Mang Atong sa pagmamakaawa na paigibin siya, kahit magbayad pa siya.

“Parang awa ninyo na… kahit magbayad ako, paigibin n’yo lang kami,” hiyang-hiya pagmamakaawa ni Mang Atong sa kaniyang mga kapitbahay.

“Mang Atong… para sa ating lahat ang poso na ito. Sige lang. Walang bayad ang pag-igib dito dahil kaloob sa atin ito ng barangay. Basta’t pakaingatan lamang,” wika ni Aling Felomena.

“Patawarin ninyo ako sa mga nagawa ko sa inyo. Hiyang-hiya ako sa inyo,” paghingi ng tawad ni Mang Atong sa kaniyang mga kapitbahay.

Upang makabawi sa kaniyang mga mabubuting kapitbahay, ang perang naipon niya mula sa pagbabayad ng mga ito sa pagsalok sa tubig mula sa kaniyang balon, ay ipinampagawa niya ng bubungan at mahabang upuan sa poso, upang hindi mainitan ang sinumang mag-iigib at makaupo ang mga nakapila. Natutuhan ni Mang Atong ang wastong pakikisama at pakikipagkapwa-tao. Naging maayos at maganda na ulit ang samahan ng mga magkakapitbahay.

More Stories