Tumakas ang OFW na Ito sa Quarantine Facility Upang Makita ang Pamilya; Labis Niya Itong Pinagsisihan

Tumakas ang OFW na Ito sa Quarantine Facility Upang Makita ang Pamilya; Labis Niya Itong Pinagsisihan

HeartbreakingKarmaStories

Naalimpungatan si Fred sa kaniyang pagkakatulog nang may magsalita na sa loob ng bus.

“Gising na ho kayo. Nandito na po tayo sa hotel na magsisilbing isolation facility sa inyong mga OFW. 10 araw lang ho. Sa loob ng 10 araw na hindi kayo nagpositibo, puwede na kayong umuwi sa mga mahal ninyo sa buhay. Sumunod ho tayo sa mga health protocols para sa kaligtasan na rin ng mga pamilya natin.”

Inihanda na ni Nenita ang kaniyang bagahe. Sinadya niyang magpahuli sa pagbaba sa bus. Isinuot niya ang shades.

Nang malingat na ang nagbabantay, dahan-dahang tumalilis si Nenita. Hindi siya napansin ng mga officers na nakabantay.

Mabilis ang kaniyang pagtakbo…

Kailangang hindi siya mahuli. Ayaw niyang mahuli. Ayaw niyang mag-isolate sa hotel na iyon. Paano na ang pamilya niya? May sakit ang tatay niya. Kailangan niyang alagaan. Gayundin ang mga maliliit na anak niya na naghihintay sa kaniya.

Nagdudumali siyang humanap ng masasakyan. Mabuti na lamang at may napadaang taxi. Agad na nagpahatid siya sa kanilang tirahan.

Mabibigla ang kaniyang nanay kapag nakita siya. Hindi nito alam ang kaniyang biglaang pag-uwi mula sa Kuwait. Isa siya sa mga nawalan ng trabaho. Ang totoo niyan, ayaw na niyang magtrabaho sa ibang bansa. Hindi siya sanay na mawalay sa kaniyang mga anak na maliliit pa. Home sick. Totoo pala ang konsepto ng home sick sa mga OFW.

Ngunit siya ang nabigla nang pagkababa niya sa taxi, nakaabang na ang nanay sa kaniya. Agad na binitbit ang kaniyang mga bag. Hinatak siya papasok sa loob ng bahay.

“Kakatawag lang ng mga officers. Tinatanong ka nila sa akin. Tumakas ka raw sa quarantine. Ano ka ba? Ipapahamak mo ba ang sarili mo?” nag-aalalang sabi ng kaniyang nanay.

“Ayokong magkulong doon ng 10 araw, ‘Nay. Paano naman tayo?” depensa ni Nenita.

“Paano ka nakakasiguro na wala kang dalang virus dito? Maawa ka naman sa amin ng tatay mo. Mga anak mo pati. Hindi ka na naman nag-iisip, Nenita. Kagaya ng ginawa mong pangingibang-bansa, ngayon, wala pang anim na buwan nandito ka na? Nagsayang ka lang ng pera mo.”

“Nakaipon naman po ako kahit paano ‘Nay. Saka… pasensya na ho at hindi ko talaga kayang mawalay sa mga anak ko. Nasaan nga po pala sila?” tanong ni Nenita.

“Eh iyon nga ang sasabihin ko sana sa iyo. Kinuha muna saglit ng tatay nila. Eh… nagkataong nag-lockdown. Kaya hindi niya maibalik dito dahil nga mahigpit sa mga checkpoint at bawal din lumabas ang mga bata,” paliwanag ng kaniyang nanay.

“Bakit naman pinayagan ninyong mapunta kay Enrico ang mga bata?” si Enrico ang dating kinakasama ni Nenita.

“Anak, karapatan ni Enrico na makasama ang mga anak niya. Siya ang tatay. Halika na, pumasok ka na sa loob at baka may makakita pa sa iyo.”

Ngunit hindi makampante si Nenita na wala sa kaniyang poder ang mga anak. Lalo na ngayon na hindi niya kapiling ang mga ito. Nag-aalala siya na baka masyado nang masanay ang mga ito sa piling ng kanilang ama, at hindi na bumalik pa sa kaniya.

Kaya naman kinagabihan, walang takot na tumakas siya sa kanila. Kailangan niyang makita ang mga bata.

Subalit hindi pala ganoon kadali dahil may mga bantay sa checkpoint, sa bawat border ng barangay. Mahihirapan siyang makatawid sa kabila.

Kaya ang ginawa niya, mabilis siyang tumakbo patawid, dahil inakala niyang hindi siya mapapansin ng mga pulis na nagbabantay.

Doon siya nagkamali. Umaatikabong habulan ang naganap hanggang sa masukol siya.

“Nasaan ang quarantine pass mo?” mabalasik na tanong sa kaniya ng isa sa mga pulis na nakahuli sa kaniya.

“Teka muna mga boss-tsip, hindi ako kr*minal. W-Wala akong quarantine pass kasi OFW ako. Kakauwi ko lang,” kinakabahang paliwanag ni Nenita.

May kinuha ang isang pulis. Isang folder. Binuklat ito. Tumingin ang mukha sa folder, pagkatapos sa mukha ni Nenita, tapos ay babalik ulit sa folder.

“Ikaw yung tumakas na OFW sa quarantine facility kanina. Mabuti naman at nahuli ka namin. Sige, dadalhin ka namin doon.”

Walang nagawa si Nenita kundi ang sumunod. Katakot-takot na sermon ang kaniyang natanggap. Kinuhanan siya ng swab test upang malaman ang kaniyang kondisyon. Dinala siya sa kuwarto na paglalagakan sana sa kaniya.

Makalipas ang ilang araw, lumabas na rin ang resulta. Positibo ang lumabas.

“Kailangang malaman namin sino-sino ang mga nakasalamuha mo. Tingnan mo’ng ginawa mo. Nagpahamak ka pa ng iba!”

Inamin ni Nenita na nakasama na niya ang kaniyang mga magulang. Kaya kinuha nila ang kaniyang mga magulang.

Lumabas sa test na nagpositibo rin sila, at dahil may edad na, nahirapan sila lalo’t sintomatiko sila sa mga senyales ng virus.

Ipinagpasalamat sa Diyos ni Nenita na nagkataong nasa poder ni Enrico ang kaniyang mga anak at hindi napahamak sa kaniyang padalos-dalos na mga desisyon. Ngayon, ang mga magulang niya ang nagdurusa.

Makalipas ang halos tatlong linggo ay tuluyan na ngang gumaling ang mag-iina. Nakauwi na rin sila sa kanilang bahay. Pangako ni Nenita sa sarili, hinding-hindi na siya gagawa ng mga desisyong hindi pinag-iisipan nang mabuti, lalo na’t makapagpapahamak sa ibang tao at mahal sa buhay.

More Stories