Dalawang Beses Nagkabungguan ang Lalaki at Babaeng Ito; May Ipinahihiwatig Kaya ang Tadhana sa Kanila?

Dalawang Beses Nagkabungguan ang Lalaki at Babaeng Ito; May Ipinahihiwatig Kaya ang Tadhana sa Kanila?

HeartbreakingLoveStories

Isang magtatakipsilim sa araw ng Biyernes, may isang lalaki ang nakatayo sa tapat ng simbahan at tila malalim ang iniisip. Walang ano-ano, isang babaeng kumakaripas nang takbo ang nabunggo siya; sa lakas nito ay napaupo silang dalawa sa sahig. Agad namang tumayo ang lalaki at itinayo niya ang babae. Nang makatayo ang babae ay agad naman itong humingi ng tawad sa lalaki. Ngunit walang reaksyon ang lalaki kaya nagpakilala na lamang ang babae.

“Ako nga pala si Isabel. Pasensya ka na sa akin at talagang nagmamadali ako. May masakit ba sa iyo?”

“Wala naman,” tugon nito, subalit wala pa ring karea-reaksyon ang mukha.

“Sigurado ka? Pasensya na ha? ‘Di ko talaga sinasadya,” wika ni Isabel na halatang nag-aalala. Tumango lamang ang lalaki subalit wala pa ring reaksyon ang mukha. Paalis na si Isabel nang maalala niya na hindi pa pala niya naitanong ang pangalan ng lalaki.

“Ano nga palang pangalan mo?”

Napakunot ang noo ng lalaki.

“Miguel. Miguel ang pangalan ko.”

Tumango-tango naman si Isabel at nagpaalam na kay Miguel.

Nang sumunod na mga araw ay naglalakad sa pasilyo ng pinapasukang pamantasan si Isabel. Abala siya sa pagtingin sa kaniyang cellphone habang naglalakad. Hindi niya napansin na may kasalubungan na pala siya. Nagkabanggaan sila. Nabitiwan niya ang mamahaling cellphone, subalit maagap naman itong nasalo sa kamay ng taong nakabunggo niya.

Nagulat siya dahil ito rin ang lalaking nakabunggo niya sa simbahan!

“M-Miguel? I-Ikaw ulit?” manghang tanong ni Isabel sa lalaking wala pa ring reaksyon ang mukha. Iniabot nito sa kaniya ang nasalong cellphone.

“Clumsy ka pa rin hanggang ngayon, miss. Sa susunod naman mag-ingat ka. Baka mamaya kung mapaano ka. Hindi mo tinitingnan ang dinaraanan mo,” nakangiti nang sabi ni Miguel. Bumadha ang mapuputi nitong ngipin. Nakaramdam ng kilig si Isabel. Subalit hindi niya ipinahalata.

“At palagay ko ay itinadhana talaga tayo kasi dalawang beses na tayong nalalagay sa ganitong sitwasyon. Sana huwag kang tumanggi kung aayain kitang magkape, para man lamang makabawi sa iyo?” tanong ni Isabel.

Napangiti si Miguel.

“Wow… makabagong babae. Babae ang nag-aaya sa lalaki?”

“Bakit? Anong masama? 2021 na. Saka huwag kang assuming, mister. Ginagawa ko lang ‘to bilang pambawi sa lahat ng mga pagka-clumsy na nagawa ko sa iyo. Walang bahid-dungis,” nakangiting sabi ni Isabel.

Kaya naman nagkape sila sa isang coffee shop sa mall na nasa likod lamang ng kanilang pamantasan. Napag-alaman ni Isabel na Pyschology pala ang kinukuha ni Miguel, at malapit na itong magtapos. Siya naman ay kumukuha ng kursong Edukasyon na nagpapakadalubhasa sa Agham Panlipunan.

Nag-enjoy sila sa pag-uusap kaya palagay nila ay magki-click sila bilang magkaibigan. Pareho sila ng mga opinyon sa maraming mga bagay halos pareho ang kanilang mga interes.

Simula noon, lagi na silang magkasama sa loob ng pamantasan, hanggang sa mahulog ang dalawa sa isa’t isa.

Sa hindi inaasahang pagkakataon ay nadulas si Isabel sa tunay na nararamdaman niya para sa binata, at inakala niyang gayundin ang sasabihin sa kaniya, subalit umiwas ito at iniba ang usapan. Nagulat at tila napahiya naman si Isabel dahil parang umasa siyang gayundin ang isasagot sa kaniya ni Miguel, batay sa mga ikinikilos nito sa kaniya.

Napansin din niya na parang hindi pa niya nakitang naging masaya o malungkot ito sa mga panahong magkasama sila. Ngumingiti ito, oo, pero hindi pa niya narinig na tumawa ito.

Madalas ay walang reaksyon o emosyon ang mukha nito kapag nagkukuwento siya ng mga nakakatawang bagay na nangyayari sa buhay niya, o kaya naman ay kapag nagbibitiw siya ng biro.

Hanggang sa isang araw ay nasagot ang lahat ng kaniyang mga tanong ng halos isang linggong hindi nakapasok sa paaralan si Miguel. Alalang-alala si Isabel.

Gumawa siya ng paraan upang malaman kung ano ang nangyari dito. Kinapalan na ni Isabel ang kaniyang mukha. Nilakasan niya ang loob na tanungin ang mga kaklase nito may balita ba sila kay Miguel.

“Noong isang araw ay nagpunta kaming buong klase doon sa kaniya, sa ospital,” sabi ng pangulo ng klase.

Agad na umalis si Isabel at agad na nagpunta sa ospital kung saan naroon si Miguel.  Nang makarating siya kung nasaan ang kuwarto ng lalaki, tila nag-iiyakan ang mga tao roon. Nang buksan na ni Isabel ang pinto matapos ang pagkatok ay nagtaka siya ng walang pasyente ang nakahiga roon, puro mga tao lamang na nag-iiyakan ang naroon.

“Sino ka, ineng?” tanong ng isang babaeng may edad na.

“I-Isabel po ang pangalan ko, Ma’am. Kaibigan po ako ni Miguel. N-Nasaan po siya?” kinakabahang tanong ni Isabel. Kung ano-anong mga ingay ang nasa isipan niya. Bakit sila nag-iiyakan? Nasaan na si Miguel? Bakit wala na siya roon? Huli na ba ang lahat?

Agad siyang niyakap ng may edad na babae, kaya lalo siyang kinabahan.

“Ako ang nanay niya, kasalukuyan siyang nawawala at sa ngayon ay hindi namin mahanap. Tulungan mo kami, alalang-alala na kami sa kaniya. Sa kondisyon niya ngayon, nag-aalala kami sa kaniya,” umiiyak na sabi ng ina ni Miguel.

Nakahinga nang maluwag si Isabel subalit muling bumalik ang kaniyang pag-aalala.

“A-Ano po bang sakit ni Miguel?”

“May butas ang kaniyang puso. Anumang oras ay maaari siyang atakihin. Kaya kailangan natin siyang matagpuan. Maliit pa lamang siya ay may butas na ang puso niya, kaya bata pa lamang, umiinom na siya ng gamot. Habang lumalaki pala siya ay hindi na niya iniinom ang maintenance niya, kaya lumala ito,” paliwanag ng kaniyang ina.

“Huwag po kayong mag-alala. Hahanapin ko po si Miguel.”

Iisang lugar lamang ang naisip niyang puntahan. Ang simbahan kung saan sila unang nagkakilala.

Hindi siya nagkamali. Agad niyang nasilayan si Miguel.

Pumasok siya sa loob ng simbahan at laking-gulat nito nang makita siya nito na naroon.

“Bakit ka umalis sa ospital? May sakit ka at kailangan mong ma-operahan,” wika ni Isabel.

Ngunit laking pagtataka ni Isabel nang ngumiti lang sa kaniya si Miguel at niyaya pa siya nitong umupo sa tabi niya.

“Alam mo Isabel, dito sa simbahan na ito, napapayapa ang puso kong may butas. Kapag nandito ako, pakiramdam ko, kahit anong oras Niya akong balak kunin, ayos lamang sa akin. Alam mo ba, matagal na panahon ko nang sinisikil ang mga damdamin sa puso ko: bawal maging masaya, bawal maging malungkot, bawal magalit. Baka bumuka ang butas sa puso ko at mawala na lamang akong bigla. Natatakot din akong mawala sa mundo, para sa mga taong mahal ko.”

At naisip ni Isabel, iyon pala ang dahilan kung bakit sa tuwing kausap niya si Miguel, hindi ito nagpapakita ng kahit na anumang reaksyon o emosyon dahil sa kondisyon nito.

“Kaya nga bumalik ka na sa ospital, halika na, hinahanap ka na nila…”

“Ayaw ko nang bumalik doon, nakikiusap ako sa iyo Isabel,” pagmamakaawa ni Miguel.

Wala nang nagawa si Isabel kaya tumango na lang siya. Hinigpitan ni Miguel ang pagkakahawak niya sa kamay ni Isabel.

“Pero simula nang makilala kita, alam ko sa sarili ko na may emosyon akong nararamdaman para sa iyo, Isabel. Masaya ako sa tuwing kausap at kasama kita. Kaya ako naospital. Kasi hindi ko mapigilang maging masaya sa tuwing naaalala kita. M-Mahal din kita Isabel, kagaya ng pag-amin mong mahal mo ako. Paumanhin kung hindi ko naipakita ang kasiyahan ko.”

At nagyakap silang dalawa, saksi ang altar sa kanilang harapan.

“Isa sa mga dahilan kung bakit ayaw kong bumalik doon, ay dahil kailangan naming magpunta sa Amerika para doon ako magpapaopera. Ayaw kong umalis dahil maiiwan kita, at walang kasiguraduhang makakabalik pa ako…”

Hinawakan ni Isabel ang mga kamay ni Miguel.

“Gawin mo, Miguel. Magpagaling ka para sa akin. Hihintayin kita sa pagbabalik mo. Kung talagang tayo, tayo. Hihintayin ko ang pagbabalik mo dito sa simbahan. Dito kita hihintayin…” umiiyak na sabi ni Isabel.

“Babalik ako,” at hindi na napigilan pa ni Miguel ang pagtulo ng mga luha. “Babalikan kita…”

Lumipas ang maraming taon.

Nakatapos ng pag-aaral si Isabel at ngayon ay nagtuturo na sa isang pribadong paaralan.

Wala na siyang balita kay Miguel.

Simula nang lumipad ang pamilya nito sa Amerika, naka-deactivate na ang social media accounts nito. Hindi rin ito nagpadala ng mensahe sa kaniya. Walang paramdam kahit sa pamilya nito.

Araw-araw pa ring nagpupunta sa simbahan si Isabel. Sa simbahan kung saan sila unang nagkita at nag-aminang mahal nila ang isa’t isa.

“Nasaan ka man ngayon, Miguel, hangad ko ang kaligtasan mo…” laging dasal ni Isabel. Gabi-gabi, kasama sa kaniyang mga usal na panalangin ang lalaking minamahal.

Kasalukuyan siyang nasa tapat ng simbahan kung saan una silang nagkakilala ni Miguel. Magtatakipsilim sa araw ng Biyernes. Pumasok siya sa loob ng simbahan, at bigla na lang ngumiti ang mga labi niya nang makita ang dakong laging inuupuan ni Miguel.

“Miguel ito na, natupad ko na yung pangako ko sa ‘yo. Ilang taon na rin na hindi kita kasama sobrang na mi-miss na kita. Sana naman buhay ka at nasa maayos kang kalagayan, kahit hindi ka na makabalik dito sa Pilipinas,” nangingiyak niyang sabi.

Naputol ang kaniyang pagdarasal nang may marinig siyang tumawag sa kaniyang pangalan.

“Isabel…”

Laking gulat niya nang makita ang lalaki, at agad niya itong niyakap. Si Miguel!

“N-Nagbalik ka… ang tagal mong nawala, kumusta ka na?” nahihilam sa luha ng kagalakan ang puso ni Isabel. Marami siyang nais sabihin kay Miguel subalit hindi niya alam kung ano ang uunahin.

“Sabi naman sa ‘yo, babalik ako… babalikan kita…” wika ni Miguel habang yakap-yakap nang mahigpit si Isabel.

Bumitaw sa pagkakayakap si Miguel.

“Salamat nga pala kasi kung hindi dahil sa ‘yo wala sana ako rito, wala akong magiging inspirasyon para magpagaling nang husto. Nawalan ako ng komunikasyon dito dahil ipinagbawal ng doktor. Kailangan kasing wala akong emosyong maramdaman para makaapekto sa puso ko.”

Ngumiti si Isabel.

“Masaya akong nagbalik ka, Miguel.”

Nagulat siya nang biglang lumuhod si Miguel. Wala itong singsing, subalit kinuha nito ang kaniyang kamay.

“Will you marry me?”

Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Isabel. Kay tagal niyang hinintay ang pagkakataong ito.

“Oo,” tugon ni Isabel na naiiyak na naman at niyakap si Miguel.

Agad silang nagplano. Muling ipinakilala ni Miguel si Isabel nang pormal sa kaniyang pamilya.

Sa mismong simbahan na iyon ikinasal ang dalawa.

More Stories