Biktima ng Pang-aapi at Pangungutya ang Binata; May Itatamis pa pala ang Mapait Niyang Buhay

Biktima ng Pang-aapi at Pangungutya ang Binata; May Itatamis pa pala ang Mapait Niyang Buhay

InspiringLoveStories

Biktima ng pangbu-bully ang binatang si Greg simula pa lamang noong bata siya. Gawin man niya ang lahat upang umiwas sa mga ganitong klaseng tao, hindi pa rin matahimik ang buhay niya dahil siya ang sinusundan ng mga ito.

Tuwang-tuwa ang mga ito na palaging kutyain ang panlabas niyang anyo na talaga nga namang nagbigay ng kahihiyan sa kaniya noon pa man. 

Mataba kasi siya noon, kulay tsokolate ang balat, at makapal ang kilay dahilan para siya’y tuksuhin ng mga ito bilang “matabang halimaw”. Hindi pa roon nasisiyahan ang mga batang kinakatakutan niya noon dahil kapag nagsimula na siyang umiyak at tumakbo, hahabulin siya ng mga ito hanggang sa kapusin na siya ng hininga. 

Kapag nangyari na ‘yon, doon na siya labis na pagtatawanan ng mga ito habang binubuhusan ng tubig o kung hindi naman, habang pinagtatadyakan. 

Ang traumang nadulot sa kaniya ng mga pangyayaring ito ay nadala niya hanggang sa kaniyang pagtanda. Natuto man siyang mag-ayos ng sarili at mag-ehersisyo na nagbigay ng katikasan sa kaniya, hindi niya pa rin mawaglit sa isipan ang mga pangyayaring iyon. 

Tuwing naalala o nakikita niya ang mga dating batang nangbu-bully sa kaniya, hindi niya maiwasang hindi makaramdam ng takot at kahihiyan. 

Tila mapait nga talaga ang tadhana sa kaniya dahil paglipas lang ng halos dalawang taon niyang tahimik na pagtatrabaho sa isang kumpanya, kaniyang nalaman na may bagong empleyado na nagngangalang Joey ang makakatrabaho niya sa isang proyektong nakaatas sa kaniya. 

Isa ang lalaking ito sa mga batang nangbu-bully sa kaniya noon dahilan para kahit hindi pa man niya ito nakikita, ganoon na siya panghinaan ng loob. 

Lalo pang umikot ang mundo niya nang tuluyan na niya itong makasama sa opisina. Hindi pa rin ito nagbabago, pilyo at madaldal pa rin kahit bagong salta lamang sa kanilang opisina. 

Panay din ang kwento nito sa kanilang mga katrabaho tungkol sa mapait niyang buhay noon. 

“Hindi ko nga alam paano napaputi at napapayat ni Greg ang sarili niya, eh!” kwento niya sa mga katrabaho na nagbigay lalo sa kaniya ng kahihiya, “Anong sabon at gamot ang ininom mo para maging gan’yan ang itsura mo?” tanong pa nito sa kaniya, roon niya muling naramdaman ang takot na nararamdaman niya noon sa kamay ng lalaking ito. 

“Pupwede bang magtrabaho ka na lang?” nanginginig niyang tugon na ikinatawa nito. 

“Aba, matapang ka na ngayon, ha?” patawa-tawang sabi nito saka siya tiningnan nang masama. 

Sa araw-araw na pagtatrabaho niya roon, takot at kahihiyan ang kaniyang kinahaharap. Nagawa pa siyang tuksuhin ng lalaking ito sa isa nilang magandang katrabaho na noon pa man ay pinapangarap na niya nang mapansin siya nitong patingin-tingin dito. 

“Miss, tingin ko may gusto sa’yo si Greg. Pansinin mo naman, parang nakakaawang tupang lilinga-linga sa’yo, eh,” sambit nito. 

“Tatapusin ko lang ‘tong ginagawa ko, papasiyahin ko ‘yan,” natatawang sagot nito dahilan para maramdaman niyang pati ito, tinutukso na siya. 

“Ako ba, hindi mo papasiyahin?” tanong pa nito.

“Bakit, si Greg ka ba?” sagot ng dalaga sabay kindat sa kaniya. 

“Pati ba naman ang dalagang pinapantasya ko, dadagdag sa traumang mayroon ako?” bulong niya sa sarili. 

Ilang araw niyang iniwasang tingnan ang dalagang iyon simula noon. Nasasaktan man siya kapag nakikita niyang magkausap ang dalawa, hinahayaan niya na lang kaysa maliitin siya ng mga ito. 

Kaya lang, isang araw, nagulat siyang naghihintay sa tapat ng kaniyang sasakyan ang naturang dalaga. 

“Nandito ka ba para pagtawanan ako?” tanong niya rito. 

“Hoy, teka, hindi kita kailanman pinagtawanan, Greg! Lahat ng sinabi ko kay Joey, totoo. Kaya nga ngayong tapos na ako sa proyektong nakaatas sa akin, itutuloy ko na ang balak ko,” sabi nito na 

“Anong balak mo?” kinakabahan niyang tanong sa paghihinalang siya’y kukutyain nito. 

“Ang pasiyahin ka. Matagal na kitang gusto, Greg. Ibang klase kasi ang talino at kabaitan mo. Lalo pa akong nahulog sa’yo nang malaman kong may mapait kang nakaraan. Para bang gusto kong tanggalin lahat ‘yon sa alaala mo. Pwede ba kitang ligawan?” tuloy-tuloy na sambit nito na talagang ikinalaki ng mga mata niya. 

Ayaw man niyang maniwala sa sinasabi ng dalaga, pinaramdam nito sa kaniya araw-araw na totoo ang sinasabi nito.

Panay ang bigay nito sa kaniya ng mga pagkain, palagi itong dumadayo sa lamesa niya upang makipagkwentuhan, at palagi siya nitong pinapasaya na nagbigay talaga ng kilig sa kaniya. Kitang-kita niya pa kung paano mainggit ang bully na si Joey dahil ito pala ay may gusto rin sa dalaga.

Isang buwan pa ang lumipas, tinanggap niya na rin ang alok ng dalaga at pumasok sa isang relasyon kasama ito. 

“Sa buong buhay ko, hindi ko akalaing may taong magkakagusto sa isang katulad ko. Kaya, asahan mo, simula ngayon hanggang sa dulo ng hininga ko, ako’y manliligaw sa’yo,” sambit niya sa dalaga sa harap ng kaniyang mga katrabaho sabay abot ng bulaklak dahilan para magsihiyawan ang mga ito habang galit na umalis ang katrabaho niyang si Joey. 

Simula noon, unti-unti na niyang nalimot ang mga mapapait na nakaraan. Ang takot na nararamdaman niya noon, napalitan ngayon ng pagmamahal at saya na hindi niya lubos inakala na makakamtan ng isang biktima ng pangbu-bully noon pa man.

More Stories