Lalaki Lamang ang Gustong Maging Anak ng Ama kung Kaya Hinayaan Niyang Malagutan ng Hininga ang Anak na Babae; Katakot-takot ang Paghihiganti Nito
Nasa tradisyon na ng pamilya nila Nikko ang pagkakaroon ng panaganay na anak na lalaki. Nandiyan na sila ay kumukonsulta pa sa doktor bago bumuo ng anak upang itaon sa araw na lalabas itong lalake. Kani-kaniya sila ng paliwanag ukol dito. Nakakabigla namang lahat nga ng kanilang kaanak ay may panganay na anak na lalaki.
Kaya nang ikasal siya kay Marie, walang ibang inisip si Nikko kung hindi ang magkaroon sana ng anak na lalaki. Yun nga lamang ay hindi nila ito napaghandaan, lingid sa kaalaman ng lahat, bago pa sila ikasal ay pitong linggo na itong buntis.
Kabaligtaran naman ang pamilya ni Marie. Para sa kanila, anuman ang kasarian nito’y ayos lang basta’t importante’y malusog ang pangangatawan ng bata. Kung anuman ang ibigay ng Panginoon ay kanilang tatanggapin at pakamamahalin.
Dumating ang araw na kinatatakutan ni Nikko, nang tignan sa ultrasound ang bata’y napag-alamang babae Ito. Halos akala mo’y nawalan ng anak kung umasta ito kaya’t ganon na lamang ang tampo ni Marie sa asawa.
“Ganyan ba kaimportante sa yo ang iisipin ng ibang tao at ng pamilya mo? Magdadrama ka diyan dahil lang babae ang anak mo? Anong masama sa panganay na babae?! Tigilan niyo na yang baliw na paniniwala niyo. 2005 na, napagiiwanan na kayo ng panahon!” Galit na galit na saad ng buntis.
Hindi naman nakasagot si Nikko pero alam na niyang hindi magiging maganda ang pagtanggap ng kaniyang pamilya sa anak. Nasaksihan niya ang trato nila sa kaibigan ng kaniyang ama na may panganay na anak na babae. Tuwing may okasyon ay halos ipagtabuyan nila iyon upang makaiwas sa malas.
Matapos ang ilang buwan, isinilang na ni Marie ang napakaganda nilang anak na babae. Pinangalanan nila iyong Carmela.
Tiniis na lamang ni Nikko ang maaaring sabihin ng pamilya kaya’t pinahintulutan niya ang mga ito na dumalaw sa ospital.
Nang makarating ang mga kaanak nito sa ospital ay akala mo’y mga namatayan ang mga ito.
“Pasensya na, uuwi na kami. Huwag kayong pupunta sa mga bahay namin. Hindi kayo welcome.”
Nalungkot ang mag-asawa sa narinig ngunit mas pinili na lamang nilang ipagdiwang ang paglabas ng kanilang munting anghel.
Dumaan ang limang taon, tila sunod-sunod nga ang kamalasan na nangyari sa mag-asawa. Nagsara ang kumpanyang pinagtatrabahuhan ni Nikko at dinapuan pa ng sakit sa balat si Marie.
Ang anak na si Carmela ay kasaluluyan ding may mataas na lagnat kaya’t agad na ipinapadala ito ni Marie sa health center upang mapagtignan.
Ayon sa doktor, nagtatae daw ito dahil hindi ito sanay inumin ang tubig na mula sa gripo. Maraming ipinabiling gamot ang doktor at hindi alam ni Nikko kung saan siya kukuha ng pambili ng mga ito. May binigay nga sa barangay na libreng mga gamot ngunit hindi iyon sapat at kumpleto.
Pag-uwi sa bahay ay naabutan ni Nikko ang asawa na nagdurugo na ang mga sugat mula sa balat nito. Iyak ito ng iyak sa magkahalong hapdi at kati. Halos akala mo’y nasisiraan na ito ng bait sa pagkakamot.
Hindi na malaman ni Nikko ang gagawin. Hanggang sa tila’y pawang may masamang elementong bumubulong sa kaniyang tenga ng paulit-ulit. “Pabayaan mo na yang malas mong anak… Hayaan mong matuyot kakadumi at hindi na magising… Hayaan mong pumanaw ang malas mong anak!!!”
Natutuliro na si Nikko, hindi na nito malaman kung sino ang uunahin. Ang pinakamamahal na asawa o ang kanilang anak..
Dali-daling inihiga nito sa kama ang anak at saka binuhat ang asawa at dinala sa ospital.
Iniwan ni Nikko ang anak at hinayaang mag-isa.
Kinabukasan, sinabi ng doktor na himalang naghilom ang mga sugat ni Marie sa loob lamang ng isang gabi.
Habang nakikipagusap naman sa doktor ay biglang nag-ring ang telepono ni Nikko, ito pala ang may-ari ng dating kumpanyang kaniyang pinagtatrabahuhan. Gusto siyang kunin nito at gawing operations manager. Napakalaki ng inaalok nitong suweldo kaya naman hindi na siya tumanggi pa.
Pagdating sa kanilang inuupahang bahay ay bumungad sa gate ang may-ari nito at sinabing dahil matagal na naman daw silang naninirahan dito’y bababaan niya na lamang ang renta at gagawing kalahati na lamang.
Laking pagtataka ni Nikko, ano bang nangyayari at puro magagandang balita ang natatanggap niya.
Pagpasok niya sa bahay ay agad siyang tumuloy sa kuwarto ng anak, napasigaw siya sa nakita.
Wala na itong buhay, dilat na ang mga mata nito at naninigas na.
Nang malaman ng mga kamag-anak ni Nikko ang pangyayari ay dagsa ang mga ito sa simbahan kung saan nakalagak ang katawan ni Carmela.
Halos tila mawala sa katinunan si Marie sa nangyari ngunit mababakas mo kay Nikko na tila masaya pa sa sinapit ng anak.
Sa likod ng utak nito’y alam niyang kasalanan niya ang sinapit ni Carmela. Walang kamalay-malay si Marie sa nangyari. Lumipas ang ilang buwan ay tulala pa din ito at hindi matigil sa kaiiyak.
Kaya naman napagdesisyonan ni Nikko na komunsolta sa doktor upang magdalang tao ulit si Marie. Sa pagkakataong ito’y sisiguraduhin niyang lalake ang magiging anak..
Pagkalipas ng siyam na buwan ay nangyari nga ang pinakainaasam ni Nikko. Nagsilang ng malusog na batang lalake si Marie.
Welcome na welcome ito sa mga magulang, kapatid at iba pang kamag-anak ni Nikko.
Hindi naman maiwasan ng pamilya ni Marie na sumama ang loob sapagkat hindi nila nakitang minahal na gaya ng ganito si Carmela.
Sunod-sunod lalo ang suwerte kay Nikko at Marie. Naroon na ipinadala sa iba’t-ibang bansa si Nikko upang maging representative ng kanilang kumpanya at si Marie naman ay kinuhang commercial model ng isang talent scout. Sa ngayon ay napakadami na nitong endorsements. Karaniwan sa mga roles niya ay nanay o di kaya’y tita. Nakabili na rin sila ng house and lot at dalawang sasakyan.
Wala nang mahihiling pa ang mag-asawa sa estado ng buhay nila ngayon. Kung dati ay pinuproblema ni Nikko ang pambili ng gamot para sa anak, ngayo’y areglado naman ang lahat ng pangangailangan ng kaniyang pamilya, sobra-sobra pa. Tunay ngang suwerte ang panganay na lalake.
Lumaking matalino at mabait na bata si Marcus. Nang sumapit ang ika-7 na kaarawan nito ay nagyaya itong pumunta ng Baguio upang magdiwang ng kaarawan. Nagtataka ang mag-asawa sapagkat ngayon lamang nagyaya ang batang mamasyal at sa napakalayong lugar pa ngunit dahil sunod ang layaw nito’y hindi sila makatanggi.
Sa biyahe, nagsabi si Marcus na masakit daw ang tiyan nito. Hindi rin mapakali si Marie sapagkat tila umaatake na naman ang allergies nito. Nangilabot si Nikko sa pangyayari. Tila pamilyar ang senaryong iyon. Nagdesisyon siyang dalhin na ang kaniyang mag-ina sa pinakamalapit na ospital at doon ay pinasuri niya ang dalawa.
Payo ng doktor na iconfine muna ang dalawa upang kanilang mamonitor ang diarrhea ng bata at allergies ng kaniyang misis sapagkat parehong maaaring maging malala ito kapag napabayaan.
Habang nakahiga sa kama ang bata ay nagbitiw ito ng mga salitang ikinapanghilakbot ng damdamin ni Nikko.
“Daddy, huwag mo na kong iwan mag-isa at hayaang mamatay sa pagtatae, okay? Suwerte na ko ngayon kasi lalaki na ako.”
Nanlaki ang mata ni Nikko sa takot. Anak ba niya talaga ang batang ito? Baka naman nagdidiliryo lang siya?
Napansin niyang nagiinit na ang kaniyang mga mata. Tila napakataas ng lagnat niya. Ramdam niyang may puwersang humahatak sa kaniya pababa, nakaramdam siya ng matinding antok. Hindi na niya ito napigilan at bumagsak siya sa sahig.
Maya-maya, nagkagulo na ang mga nurse. Si Nikko ay inaapoy ng lagnat at walang tigil ang paglabas ng dumi nito kaya’t kinailangan niyang magsuot ng adult diaper.
“Daddy, daddy, paano mo ako nagawang iwan? Bakit mo ako pinatay, daddy?” Binabangungot na si Nikko. Sa masamang panaginip ay nakita niya ang anak na babae, nakakatakot ang itsura nito. Hanggang sa may dumating na iba pang mga bata, nakatalikod ang mga ito. Maya-maya’y sabay sabay humarap ang mga bata at sa laking gulat niya’y iisa lamang ang mukha ng mga ito – ito’y mukha ni Carmela. Itim na itim ang paligid ng mata ng mga ito. Dama ni Nikko ang pagsikip ng kaniyang dibdib, at doon unti-unti siyang nalagutan ng hininga.
Nang pumanaw si Nikko ay tuluyan namang nawala ang matinding skin allergies ni Marie. Takot na takot kahit ang mga doktor, kagabi lamang ay namamaga ang ilang parte ng katawan nito sa pangangati ngunit nang tignan nila’y napakalinaw na ng kutis nito.
Ganon din naman si Marcus. Ang sigla sigla na ulit ng bata.
Sa libing ni Nikko ay naroon ang kaniyang mga kamag-anak. Hindi nila alam kung ano ang tunay na sinapit ni Nikko. Habang nagtitipon-tipon ang mga ito pagkatapos ng libing ay namimili naman si Marcus kung sino ang susunod na bibiktimahin.