Nagpanggap na Buntis ang Misis na Ito Upang Ipagdamot ang Mister sa Sariling Ina; Hindi Siya Tinantanan ng Karma Dahil Dito
Walang hindi pinagseselosan si Jamela. Kahit pa matagal na silang mag asawa ni Melchor at kahit kailan ay di siya niloko ng lalaki ay di pa rin niya magawang magtiwala. Mahirap na, baka pag niluwagan niya ang tali ay makawala at makuha ng iba, ganoon ang paniniwala niya. Sa kabila naman ng lahat ng iyon ay mahal siya ng lalaki, hindi ito mahigpit sa kanya at malaki ang tiwala, isa lamang ang hiling nito. Ngayong wala pa silang anak, sana kahit paano ay payagan niya itong makapag-abot sa nanay at mga kapatid. Ito kasi ang may pinakamagandang buhay, ang panganay na kapatid nito ay may limang anak at hindi na kaya pang tumulong pa.
Malaki ang nagagastos ng nanay nito sa pagpapa-dialysis. Pero di iyon naiintindihan ni Jamela, kahit nga sa mismong pamilya ni Melchor ay nagseselos siya.
“Pakiramdam ko honey, wala ka nang time sa akin. Alam ko naman na family mo sila but what about me? Am I not your family?” paglilitanya ng babae, nahuli lang naman sandali ng uwi ang asawa dahil sumilip ito sa bahay ng ina at kinumusta ang kalagayan ng matanda. Bumili rin ng gamot ang kapatid nitong bantay kaya ito muna ang panandaliang rumelyebo.
“Please wag ka namang ganyan. Kailangan din ako ni mama,” nanghihinang sabi ng lalaki, nahihirapan sa sitwasyon. Ayaw niyang saktan ang damdamin ng misis subalit sadyang masakit rin sa kanya kung tatalikuran niya ang ina. Siya na lamang ang pag-asa ng mga ito na makatulong.
“Tapos, you didn’t buy my chocolate cake pa then you’re gonna tell me na you bought her medicine. Proud ka pa! Inuna mo ang ibang tao kaysa sa sarili mong misis! Wow, I can’t believe you hon,” sabi ni Jamela, may kahalo pang luha ang sinasabi nito. Naawa naman si Melchor dahil mahal niya naman talaga ang kanyang asawa at ayaw niyang sumasama ang loob nito. Labag man sa kanyang kalooban ang pinagsasabi ng babae at inalo niya na lamang ito.
“Sshhh. Sige na, we’ll buy you a chocolate cake na. Lika, drive tayo,” sabi ni Melchor.
Masaya namang napatingala ang noo’y nakasubsob na babae, “Talaga? and you promise you won’t buy her medicine unless nagpaalam ka sa akin?” paniniguro nito.
Para matapos na lang ay sumagot na ang lalaki, “Opo.”
Sinadya ni Jamela na magyaya kung saan-saan, nilambing niya pa nga ang mister na mag-inuman sila. Friday kasi ngayon at wala itong pasok bukas, kaysa pumunta ito sa bahay ng asungot nitong ina ay mas mabuti pang lasingin niya na lang sa tabi niya. Napangiti pa siya nang magsalita ang langong lalaki.
“Mahal kita Jam..” bulong nito.
“At dapat, ako lang.” makasariling sabi niya, nakabuo siya ng isang plano.
Kinabukasan, sinadya talaga ni Jamela na lakasan ang pagduwal upang magising ang asawa niya. Nang maramdaman niya namang palapit na ito ay pinindot niya na ang flush ng toilet bowl at nagkunwaring tapos na, wala naman kasi talaga siyang isinuka. Syempre, kailangan mukhang makatotohanan ang plano niya para sigurado nang kanya na lamang ang atensyon ni Melchor.
“Honey, okay ka lang ba?” nag aalalang tanong ng lalaki.
“May kailangan kang malaman..” mahinang panimula nya, umakto pa siyang nahihiya. Nakamasid lang naman si Melchor.
“B-buntis ako. Isang linggo ko nang alam, hindi ko lang ma-tyempuhan kung paano ko sasabihin sayo dahil lagi ka namang busy at walang time sa akin at-hey, wow,” nasabi niya na lang dahil niyakap siya ng asawa ng pagkahigpit higpit. Wala naman siyang naramdamang pagkakonsensya sa pagsisinungaling.
Di naman kasi talaga totoong buntis siya, ang pregnancy test na ipinakita niya ay hiniram niya lang sa kaibigang si Stacy, ito kasi talaga ang buntis.
Lumipas ang mga linggo at pinanindigan na ni Jamela ang pagpapanggap niya. Enjoy na enjoy siya dahil konting ungot niya lamang ay nasa tabi niya na si Melchor, kahit na anong hilingin niya ay ibinibigay nito. Kapag aalis ito upang dalawin ang ina ay aarte lang siyang nahihilo, hindi na aalis ito.
“Babe, diba..almost five months na si baby? Bakit parang maliit ang tyan mo?” tanong ni Melchor, kinapa kapa pa ang kanyang puson at itinapat ang tenga doon.
“Iba-iba naman ang mga buntis sabi ng doctor ko, maliit kasi first time ko lang,” pagdadahilan nya.
“Ah, nag-alala lang kasi ako sa health nya. Dapat kasi kasama mo ako sa check up mo para naririnig ko rin ang sinasabi ng OB mo. Tignan mo, wala akong kaalam alam sa ganyan. Tulad ngayon, dalawang araw nang walang loving loving, di ko alam ang dahilan bakit naging bawal iyon sa buntis eh maliit pa naman ang tyan mo.” sabi ng lalaki, niyakap pa siya sa likod. Dalawang araw nang walang nangyayari sa kanila dahil may regla siya, iyon ang totoo. Walang maisip na isagot si Jamela, nang biglang mag-ring ang phone ng asawa.
“Hello? Ha?! O-oo! Saan?! Pupunta ako dyan! S-sandali lang!” natatarantang sabi nito.
“Babe, sino yon?!” napasigaw ring sabi niya.
“Si mama isinugod sa ospital,” maluha-luhang sabi nito. Di maiwasang tumalikod ni Jamela at umirap, kaya lang sa pagtalikod niya ay may nakita ang lalaki na lalong nagpataranta rito.
“Honey! May dugo!” sigaw nito, hindi na malaman kung ano ang uunahin.
P*ta, may tagos siya!
Sa sobrang kaba ay hinimatay si Jamela, agad naman siyang binuhat ng lalaki at isinugod sa ospital.
Nagising siya sa loob ng kanilang kwarto, nasa tabi niya ang kaibigang si Stacy. Malaki na ang tyan nito, ito ang hiniraman niya ng pregnancy test na positive ang result.
“Huy girl, ano na bang nangyayari sayo? Bigla ka raw nahimatay? Gaga ka,pinakita mo pala kay Melchor yung pregnancy test result ko,” sabi nito sa kanya. Napapahiya naman si Jamela kaya pinakiusapan niya ang kaibigan na sa ibang araw na lang silang mag-usap, hinanap niya ang asawa. Maya-maya pa ay pumasok ang lalaki sa loob ng kwarto, madilim ang mukha.
“Honey..” sabi niya rito.
Tumingin ito sa kanya pero di nya pala kayang salubungin ang mata nito, masyadong pang-uusig ang naroon.
“Isinugod pa kita sa ospital, inuna kita, Jam. Inuna ko kayo ng baby na gawa gawa mo lang pala!” sigaw nito.
“Ginawa ko lang yun para unahin mo ako! Palagi nalang kasing ibang tao ang inuuna mo-“
“Namatay si mama.” malungkot na sabi ng lalaki.
Doon napanganga si Jamela. Wala siyang nagawa nang lumabas ang lalaki sa kwarto at iniwan siya. Hanggang ngayon ay nagdarasal siya na maging maayos pa ang lahat kahit alam niyang napakalaki ng kanyang kasalanan.
Habangbuhay man siyang magsisi ay huli na ang lahat. Humingi ng pahinga ang kanyang asawa. Kung hanggang kailan iyon ay hindi niya alam. Basta ang alam niya’y galit na galit ito sa kanya. Hindi niya alam kung mapapatawad pa siya nito.
Isang tanghali habang nasa grocery siya upang mamili ng makakain ay nakita niya ang mister sa cashier. Ngunit hindi ito mag-isa. May kasama itong babae. Hindi nga lang niya makita ang pagmumukha nito dahil nakatalikod ito at natatakpan ng nakaakbay na braso ng kanyang mister. Hindi niya ito kamag-anak o kaibigan, sigurado siya.
“Melchor?” mahinang tawag niya dito. Hanggang ngayo’y hindi pa rin siya makatingin ng diretso dito. At ngayong kahit alam na niyang niloloko siya ng mister ay nag-aalangan parin siyang komprontahin ito.
Agad namang napalingon sa kanya ang mister. “Ikaw pala…” malamig na sabi nito. Hindi na nito ipinaliwanag sa kanya kung sino ang babaeng kasama. “Siya nga pala, may ihahatid na mga papeles ang lawyer ko bukas sa pintuan mo. Pakipirmahan nalang.”
Yun lang ang sinabi ni Melchor sa kanya at tumalikod na ito. Ni hindi nito tinanggal ang pagkakaakbay sa babaeng kasama. Hindi niya ito magawang habulin at muling tawagin dahil punong-puno ng kahihiyan ang nadarama niya ngayon.
Kinabukasan ay natanggap nga niya ang mga papeles na nakapaloob sa isang brown envelop.
Annulment papers.
Gusto nang maging legal na hiwalay ng asawa niya sa kanya. Sumuko na ito. Hindi na nito kinaya pang ipaglaban ang pagmamahal nito sa kanya na akala niya noon ay walang hanggan. Ngunit sinagad niya ito. Sinagad iya ito hanggang sa wala na itong maibigay. Ngayon ay naiwan siyang mag-isa habang ito ay maligaya na sa piling ng iba.