Inday TrendingInday Trending
Pinaplastik Lamang ng Matanda ang Kanyang Manugang; Nanigas Siya nang Ibuking Siya ng Apo

Pinaplastik Lamang ng Matanda ang Kanyang Manugang; Nanigas Siya nang Ibuking Siya ng Apo

Maganda ang pakita ni Aling Paz kay Debbie, ang kanyang manugang. Nariyang purihin niya pa ito ng kung anu-anong mabubulaklak na salita, tuwang-tuwa naman ang babae dahil mahal niya ang kanyang biyenan. Wala siyang kinalakhang magulang at pasa-pasa lamang ang kanyang mga tiyahin sa pag-aalaga sa kanya, kaya ngayong may matatawag na siyang ‘nanay’ ay ganoon na lamang ang tuwa niya.

Lingid sa kanyang kaalaman ay pinaplastik lamang siya ni Aling Paz. Ang totoo kasi ay malaki ang galit at inggit nito sa kanya. Pakiramdam kasi nito ay inagaw niya ang anak nito, tingin nito sa kanya ay isang karibal- isang asungot na hindi mawala wala sa landas nito. Lalo pa ngayon na ang anak nito ay nasa Europe at doon nagtatrabaho. Tila ba malaking dagok kay Aling Paz na kay Debbie nagpapadala ang anak at hindi sa kanya, wala ba itong tiwala sa kanya?

“Debbie anak, sige na at magpahinga ka. Ako na muna ang mag-aalaga dito sa poging apo ko. Naku…kamukhang-kamukha ng ama noong ganitong edad si Greg,” sabi ni Aling Paz at kinarga ang tatlong taong gulang na apong si Gareth.

“Salamat po, ma. Don’t worry po, nakahugas na ako ng pinggan. Maupo lang po ako sandali kasi ay medyo masakit ang puson ko. Meron kasi ako ngayon, ma,” sabi naman ni Debbie.

“Dapat di mo na hinugasan ang pinggan! Napagod ka pa tuloy,” kunwaring pag-aalala ni Aling Paz pero ang totoo ang nabu-bwisit siya, hugas lang ng pinggan ay pinagmamalakihan pa sya.

“Naku, ma… okay na yun. Minsan lang kami bibisita ni Gareth dito sa inyo, ayoko naman pong maging pabigat. Hindi naman po ako bisita,” nakangiti at nahihiyang sabi ni Debbie.

Hindi ka bisita dahil bwisita ka, kulang nalang ay maisa-boses ni Aling Paz pero pinigilan niya. Pag kasi inaway niya ito ay baka naman sa kanya magalit ang anak na si Greg. Nang masiguro niyang nasa balkonahe na si Debbie at doon ay ka-videocall ang mister, kinausap niya ang apo.

“Apo, ano ang kinain mo kaninang lunch?” tanong niya rito.

“Fried chicken po, luto mommy,” sagot ng bata.

“Aba, masarap ba?” usisa niya pa.

“Opo lola,” simpleng sagot naman ng bata, sinabayan ng pagtango.

“Siguro, puro fried ang pinapakain ng mommy mo sayo ano. Tamad magluto ang babaeng yan eh. Baka nga mix-mix lang na nabili sa tindahan iyan at di niya naman timpla,” komento niya.

Hindi iyon ang unang beses na kinausap niya ang apo tungkol sa ina nito. Kung anu-anong itinatanong nya tapos ay magbibigay siya ng negatibong komento, ewan nya ba. Pakiramdam nya ay nakakaganti sya sa manugang pag nagko-comment siya tungkol dito. Wala namang alam ang bata eh, ayos lang siguro iyon.

Dumating ang araw ng pag-uwi ni Greg sa Pilipinas, ayos lang naman kay Debbie na doon na ang handaan sa bahay ng kanyang biyenan dahil mas malaki nga naman ang space doon. Marami rin naman kasing mga kamag anak na pupunta at sasalubungin ang kanyang asawa.

Masayang nagsasalu-salo ang pamilya kasama ang mga pinsan at tiyahin na nagmula pa sa probinsya, bidang-bida si Gareth sa mga ito dahil napaka-bibo ng bata. Si Aling Paz naman ay maya’t maya ang tayo upang silbihan ang anak at ang manugang niya. Syempre, dapat ipakita niya kay Greg na mahal niya ang babaeng mahal nito kahit pa di totoo iyon.

“Debbie anak, kumain ka nitong mechado. Masarap iyan niluto ko for you kasi sabi ni Greg paborito mo yan eh,” sabi niya, tumayo pa sa kinauupuan at inikot ang malaking mesa upang maiabot mismo sa manugang ang ulam.

“Ay salamat po ma-” magsasalita pa sana si Debbie nang biglang magsalita si Gareth, napalingon dito ang lahat.

“Di po ba yan fried lola?” inosenteng tanong nito, nagtawanan ang mga kamag-anak dahil sa pagiging mausisa ng bata. Malambing naman na ginulo ni Greg ang buhok ng bata dahil napaka-cute nito.

“Hindi apo, may sabaw iyan.” nakangiting sabi ni Aling Paz.

“Good po! Hindi po yan bad na fried tulad ng laging pinapakain sa akin ng mommy ko sabi mo,” doon natigil ang tawanan. Maging si Aling Paz ay tila naistatwa sa kinatatayuan.

“Hindi rin po bad ang taste nyan tulad noong bigay ni mommy sayo diba? Lola, ang galing mo po. Bati mo pa rin si mommy kahit sabi mo niagaw nya si daddy sayo at naiinis ka sa kanya lagi,” sabi ng bata at itinuloy na ang pagnguya ng mansanas na para bang walang nangyari.

Samantalang wala namang kibo ang lahat. Kung paano nila nairaos ang gabing iyon, di alam ni Aling Paz. Magdamag na namamanhid ang mukha nya dahil sa pagkapahiya. Humingi siya ng tawad sa anak, lalo na sa kanyang manugang. Nasaktan man ay tinanggap iyon ni Debbie.

Hindi marunong magsinungaling ang mga bata.

Advertisement