Sinisisi ng Ginoo ang Kaniyang Sarili sa Nangyari sa Anak Niya; Maging Maayos pa Kaya ang Lahat Para sa Kaniya?

“Bong, dito! Ipasok niyo dito!” sigaw ng kaniyang boss.

Agad naman na tumango si Bong at kahit pagod ay walang imik siyang sumunod sa utos ng boss.

Tuwing Sabado at Linggo ay suma-sideline siya bilang isang kargador. Tuwing Lunes hanggang Biyernes naman ay nasa construction site siya at nagtatrabaho sa initan.

“Tama na ‘yan. Pwede na kayong umuwi,” sabi nito nang maubos nila ang mga kahong hahakutin.

Agad naman niyang sinukbit ang kaniyang bag at lumabas. Kasabay niya si Alex, na kasama niya rin sa trabaho.

“Mang Bong, may tanong ako, ayos lang po ba?” anito habang naglalakad sila.

Tumango naman siya bilang sagot.

“Kahapon kasi sinamahan ko ang asawa kong buntis sa ospital para magpa-check up, tapos nakita ko ho kayo doon. May sakit ho ba kayo?” kunot noo nitong tanong.

Advertisement

Napabuntong hininga siya. Nagdesisyon siyang sabihin dito ang katotohanang hindi niya naman nais itago.

“Hindi ako ang may sakit. Ang anak ko. Naaksidente kami noon, at halos tatlong taon na siyang nakaratay sa kama at hindi gumigising. Ang sabi ng mga doktor ay wala na silang nakikitang pag-asa kaya dapat na akong sumuko pero hindi ako nawawalan ng pag-asa na balang araw ay gigising siya at magkakasama kami ulit,” nanlulumong pagkukwento niya sa kasama.

Tatlong taon na ang nakalipas ngunit sinisisi niya pa rin ang sarili niya. Siya dapat ang nakaratay at hindi ang anak niya. Magkasama silang naaksidente dahil pinilit niya ang anak na sumama sa kaniya. Kung hindi niya ito isinama noon ay marahil namumuhay ito nang normal ngayon. 

Mula noon ay ipinangako niya sa sarili na gagawin ang lahat para manatili itong buhay kahit pa nga patong-patong na ang utang nila sa ospital at mga kakilala nila. Iyon rin ang dahilan kaya walang pagod siyang nagtatrabaho.

Nang dumating siya sa ospital ay nakita niya ang asawa na minamasdan ang anak nila.

“Umuwi ka na muna at ako ang magbabantay kay Elena,” untag niya sa asawa.

Nang lumingon ito na may luha sa mga mata ay agad niyang nahulaan na may kung anong nangyari.

“Bakit?” nag-aalalang usisa niya.

Advertisement

Nagsimula itong magkuwento habang umiiyak. Nanginig daw ang katawan ng anak nila at huminto sa pagtibok ang puso nito. Halos kalahating oras sinubukang ibalik ang buhay ng anak, na masuwerte namang nagawa ng mga doktor, ngunit may sianabi ang mga ito na dumurog sa puso niya bilang ama.

“Marahil ay oras na raw para palayain na natin si Elena sa lahat ng sakit na nararamdaman niya. Ano nang gagawin natin ngayon, Bong?” umiiyak na tanong nito.

Walang maapuhap na salita si Bong. Ngunit pakiramdam niya ay minamaso ang dibdib niya sa sobrang sakit.

“Mabuti na lang at naibalik pa nila si Elena kanina. Sa tingin ko ay hinintay ka lang niya,” maya-maya ay wika ng asawa niya.

Nang masdan niya ang mukha ng asawa niya, sa unang pagkakataon ay isang ekspresyon ang nakita niya. Pagsuko.

Napakahirap para sa kaniya na magdesisyon lalo na’t ang ibig sabihin noon ay hindi niya na muli pang makikita ang anak nila.

Subalit alam niya rin na kailangan nang magpahinga ng anak nila. Marahan siyang tumango kasabay ng pagtulo ng luha.

“Handa na ako. Palayain na natin siya.”

Advertisement

Dumating na ang araw na itinakda nila. Kahit pa napaghandaan na nila ay napakahirap pa rin ng araw na iyon para sa mag-asawa. Napagtanto niya na walang sinumang magulang ang kailanman magiging handa sa pagkawala ng sarili nilang anak.

“Patawarin mo kami, anak. Masakit sa amin na palayain ka, pero sana maging masaya ka sa kung saan ka man pupunta. Gabayan mo kami,” lumuluhang bulong niya sa anak bago niya ito niyakap nang buong higpit.

Nang tanggalin na ang lahat ng makina na nakakabit dito at tuluyan nang ideklara na wala na ang anak ay napahagulgol sila sa sakit na nararamdaman.

Matapos mailibing ang kanilang anak ay kailangan naman nilang harapin ang patong-patong na bayarin at utang.

Hindi iyon biro para sa isang ordinaryong manggagawa na kagaya ni Bong. Nalunod si Bong sa lungkot at mga problema kaya napadalas ang kaniyang paglalasing para makatulog.

“‘Tay! ‘Tay!”

Nang magmulat siya ay nakita niya ang kaisa-isang ninanais niyang makita – ang anak niyang si Elena.

“Elena, anak? Anak, patawarin mo ako sa kasalanan ko. Kasalanan ko ang lahat,” lumuluhang sambit niya habang yakap-yakap ito nang mahigpit.

Advertisement

Buong puso niyang sinabi ang lahat ng gusto niyang sabihin sa anak dahil alam niyang iyon lang ang nag-iisang pagkakataon niya.

“Kasalanan ko ang lahat, anak. Sana ay ako na lang ang nawala. Patawarin mo ako,” lumuluhang bulalas niya.

Isang matamis na ngiti ang ibinigay nito sa kaniya.

“‘Tay, kahit kailan ay hindi kita sinisi, kaya palayain mo na ang sarili mo. Labis ang pasasalamat ko sa inyo ni Nanay para sa pagmamahal niyo sa akin at sa hindi niyo pagsuko. Gusto ko lang po na maging masaya kayo ulit. Magsimula po kayo ulit, dahil kahit hindi niyo na ako kasama, nandito lang ako.” 

Niyakap siya nito, bago iniabot ang isang papel. Nang tingnan niya iyon ay nakasulat ang anim na numero. 

“Paalam po, Tatay. Patuloy ko po kayong gagabayan.”

Nang magising siya ay hilam sa luha ang kaniyang mga mata, ngunit sa kauna-unahang pagkakataon ay may naramdaman magaan at payapa ang kaniyang pakiramdam.

Napatawad na siya ni Elena, at napatawad niya na rin ang sarili niya.

Advertisement

Niyakap niya ang asawa at ikinuwento rito ang kaniyang panaginip. Nang ikwento niya rito ang mga numero na ibinigay ni Elena ay nanlalaki ang mga matang nagkatinginan sila.

Itinaya nila ang mga numero sa lotto at tila isang malaking himala na tumama sila at nanalo ng malaking halaga. Higit pa ito sa sapat para mabayaran ang mga utang nila at magsimulang muli.

Kahit na malaking puwang ang naiwan ni Elena sa puso nilang mag-asawa ay nagsimula silang muli, gaya ng gusto nito.

Naalala niya ang sinabi ni Elena sa kaniyang panaginip niya. Hindi nga sila nito tuluyang iniwan. Kasama pa rin nila ito kahit na wala na ito.