Halos Isuko Niya na ang Pangarap na Maging Isang Doktor; Isang Pangyayari ang Magpapalakas ng Loob Niya

“Michelle, bilin ni Dr. Rivera, asikasuhin daw ‘yung pasyente na si Mrs. Gonzales. Padaanin daw ang gamot sa swero dahil hirap huminga at hindi maganda ang lagay,” wika ng kapwa niya intern at kaibigan na si Rea.

Agad namang tumango si Michelle. Isang linggo pa lang ang nakalipas simula noong pumasok siya bilang intern sa malaking ospital na iyon. Nangangarap siya na balang-araw ay magiging isa siyang ganap na doktor na nakatutulong sa mga nangangailangan.

Tinungo niya ang silid ng pasyenteng ibinilin sa kaniya.

“Ma’am, oras na po ng gamot. Kailangan po nating idaan sa swero. ‘Wag ho muna tayong malikot,” paalala niya sa pasyente. 

Itinutusok niya na ang karayom nang bigla nitong iniwas ang braso nito. Hindi tuloy bumaon ang karayom sa ugat, kaya kailangan niyang umulit.

“Aray! Marunong ka ba talaga? Hindi yata! Naku, nasaan ba ang doktor ko? Tawagin mo!” galit na utos ng pasyente. 

“Ma’am, wala pa po si Dok, pero oras na po ng gamot niyo. Hayaan niyo na pong ako ang gumawa, dahil baka atakihin kayo,” pakiusap niya sa masungit na matanda.

Ngunit kahit na anong pilit niya ay hindi ito pumayag.

Advertisement

Maya-maya pa ay saklot na nito ang naninikip nitong dibdib.

“H-hindi a-kkko m-makahinga…” hirap na hirap na anas nito.

Agad siyang tumakbo para humingi ng tulong. Swerteng dumating naman si Dr. Rivera kaya kaagad itong nakasaklolo sa pasyente.

Nanlalamig si Michelle habang pinapanood ang buong pangyayari. Muntik nang may nangyaring masama sa pasyente!

Ramdam na ramdam niya ang masamang tingin ng doktor habang kinakausap nito si Mrs. Gonzales.

“Mag-usap tayo,” seryosong sabi nito. Parang alam niya na kung ano ang sasabihin nito lalo na’t bakas na bakas sa mukha nito ang matinding galit.

“Anong nangyari? Bakit nagkaganoon? Hindi ba’t ibinilin ko si Mrs. Gonzales sa’yo?”

Takot na takot man ay ipinaliwanag niya rito ang nangyari, na ang pasyente mismo ang ayaw at pilit na tumanggi nang bigyan niya ito ng gamot.

Advertisement

“Ano naman? Kapag sinabi ba nilang ayaw nila ay hahayaan mo na lang? Paano kung ‘di ako dumating? Ano na kayang nangyari?” bulyaw nito.

Nanatili siyang nakayuko. Alam niyang may katotohanan naman ang sinabi nito. Nagkulang siya.

“Una pa lang ito sa napakaraming pasyente na makikilala mo at aasa sa’yo. Mahirap ang trabahong pinili natin, kapag nagkamali tayo ay buhay ng ibang tao ang nalalagay sa alanganin. Kaya kung tingin mo hindi ka para dito, ngayon pa lang umatras ka na dahil hindi ka tatagal,” matigas nitong pahayag.

Naiwang tulala si Michelle at umiiyak. Hindi niya maiwasang masaktan sa bawat salitang binitiwan ng kapwa niya doktor ngunit alam niya na sa likod ng mga salita nito ay nagmamalasakit ito hindi lang sa pasyente, kundi maging sa kaniya.

Mula pa noong bata siya ay pagiging doktor na ang pangarap niya ngunit pakiramdam ni Michelle ay wala siyang ginawang tama.

Mapait siyang napangiti. Baka tama ang doktor nang sabihin nito na hindi siya para sa propesyong iyon. Isang desisyon ang nabuo ni Michelle. 

“Ano ka ba? Nasabi niya lang ‘yun ni Dok dahil natakot siya para sa pasyente natin, pero ‘wag mong seryosohin! Ilang taon kang nag-aral tapos aalis ka lang? Saka hindi ba’t pangarap mo ‘to?” pilit na pangungumbinsi ni Rea nang sabihin niya rito ang pag-alis niya. 

Alam niyang nag-aalala lang ito sa kaniya ngunit sigurado na siya sa nabuong desisyon. Mas magandang ngayon pa lang ay umalis na siya kaysa may ibang tao pang malagay sa alanganin dahil sa kaniya.

Advertisement

“Aalis na ako. Mag-ingat ka. Magiging isa kang magaling na doktor!” Lumuluhang niyakap niya ito bago siya tuluyang sumakay sa taxi. 

Uuwi siya sa bahay ng mga magulang niya para makausap ang mga ito ukol sa naging desisyon niya.

Mahaba-haba ang biyahe kaya’t nakatulog siya. Paglipas ng ilang sandali ay nagtaka siya nang magising na nakahinto ang sasakyan. Nang lingunin niya ang paligid ay napansin niya na nasa isang lugar sila na malayo-layo sa kabihasnan.

“Anong nangyayari, Kuya?” kabadong usisa niya sa drayber.

“Ma’am, may tao po kasi sa gilid ng kalsada. Kailangan yata ng tulong. Sandali lang ho at titingnan ko,” paalam nito bago bumaba.

Gusto niya itong pigilan ngunit nakababa na ito. Kinakabahan kasi siya. Naalala niya ang napapanood niya sa balita tungkol sa modus ng mga masasamang loob.

Nang sumilip siya sa labas ay natanaw niya ang isang babae na nakaupo sa gilid ng kalsada. Nilapitan ng drayber ang babae ngunit agad din itong bumalik sa kaniya. Kitang-kita niya ang pagkabalisa sa mukha ng drayber.

“Ma’am, buntis ho ‘yung babae at mukhang manganganak na! Ano hong gagawin natin? Malayo-layo ho ang ospital dito!” kabadong bulalas nito.

Advertisement

Nilapitan niya ang babaeng pawisan at namimilipit sa sakit. Nakita rin niya na pumutok na ang panubigan nito.

Napailing si Michelle. Sa kondisyon nito ay hindi na ito aabot sa ospital. Kailangan na nitong mailabas ang sanggol!

Hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa.

“Manong, halika at ipasok natin siya sa sasakyan! Doktor ho ako,” utos niya sa drayber na tila nakahinga nang maluwag nang marinig ang sinabi niya.

Kahit kabado ay pilit niyang kinalma ang sarili dahil alam niyang siya lang ang makatutulong sa pasyente.

Sa tulong ng drayber ay matagumpay nilang nailabas ang isang malusog na sanggol na babae. Pagkatapos ay dinala nila ito sa pinakamalapit na ospital.

“Mabuti na lang at doktor si Ma’am! Napakaswerte niyo po!” komento ng isa sa mga nars na sumalubong sa kanila.

Todo pasasalamat naman ang kaniyang pasyente. Mag-isa lang daw ito sa bahay nang humilab ang tiyan nito. Liblib ang bahay nito kaya pinilit nitong lumabas sa kalye para magbaka-sakaling may dadaan. Mabuti na lamang at tila tadhana na noong oras na iyon dumaan ang taxing sinasakyan niya.

Advertisement

“Dok, iiligtas niyo po ako at higit sa lahat ang anak ko, kaya maraming-maraming salamat po,” taos pusong pasasalamat ng babae habang yakap-yakap ang bagong silang.

“Wala ho iyon. Tungkulin ko ho na tumulong sa mga gaya niyo,” sagot niya sa babae.

Imbes na tumuloy sa pag-uwi sa probinsya ay dinala siya ng kaniyang mga paa sa isang lugar kung saan niya naiwan ang puso niya – sa ospital kung saan siya nagtatrabaho.

Pagpasok niya pa lang ay isang pamilyar na mukha ang sumalubong sa kaniya.

“Bakit ka nandito? Akala ko ba ayaw mo na?” taas kilay na tanong ni Dr. Rivera.

Subalit imbes na matakot ay matapang niyang sinalubong ang tingin nito at binigyan niya ito ng isang determinadong ngiti.

“Gusto ko po. Ipinanganak ako para maging doktor, at para magsalba ng buhay,” matapang na pahayag niya.

Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakita niyang ngumiti ang masungit na doktor.

Advertisement

“Ano pang ginagawa mo rito? Marami tayong pasyenteng naghihintay!” pagtataboy nito sa kaniya.

Hindi mapuknat ang ngiti ni Michelle. Malaki ang pasasalamat niya sa babaeng buntis. Dahil dito ay napagtanto niya na hindi niya maaaring iwan ang kaniyang pangarap at bokasyon sa buhay.

At sa pagkakataong ito, hinding-hindi na siya muling susuko.