May Depresyon daw ang Anak ng Ginang na Ito, Hindi Niya Ito Pinaniwalaan

“Hoy, Ally, anong ginagawa mo riyan? Hating gabi na, nasa labas ka pa! Pumasok ka nga rito!” sigaw ni Aling Helen sa anak, isang gabi nang makita niya itong nakaupo sa tapat ng kanilang bahay habang nakatulala sa kalangitan. 

“Mama, gusto ko lang makalanghap ng sariwang hangin,” mahinang sagot nito dahilan para labasin niya ito.

“Bakit? May bumabagabag ba sa’yo?” pang-uusisa niya saka naupo sa tabi nito.

“Hindi ko po alam, mama, parang napapagod na ako sa mundong ginagalawan ko. Pakiramdam ko, may depresyon po ako,” mangiyakngiyak na sagot nito na ikinatawa niya.

“Diyos ko, Ally! Pangmayaman lang ang depresyon! Ano bang inaarte mo? Nakikisabay ka na naman sa mga nakikita mo sa social media. Kaya sabi ko sa’yo, tigil-tigilan mo ‘yang pagbabababad sa internet, eh! Lahat na ng arte, naisabuhay mo!” sermon niya rito habang iiling-iling. 

“Totoo naman po, mama, eh, nabibigatan na po ako sa buhay ko. Gusto ko na pong mawala sa mundo,” sambit pa nito na lalo niyang ikinatawa.

“Alam mo, anak, itulog mo na ‘yan! Ang taong nais tuldukan ang buhay niya, hindi na magsasabi sa iba! Hay, iba na talaga ang kabataan ngayon! Pumasok ka na sa bahay, matulog na tayo!” sambit niya rito saka agad itong hinila papasok sa kanilang bahay at agad na dumiretso sa kaniyang silid upang makapagpahinga na.

Walang araw na hindi sinasaway ng ginang na si Helen ang dalagita niyang anak na panay ang pagbababad sa social media. Halos maghapon kasi, wala na itong nagawa kung hindi ang maupo sa kahit saang sulok ng kanilang bahay habang nagseselpon sa tuwing wala itong pasok sa eskwela.

Advertisement

Kapag may pasok naman ito, pagkauwing-pagkauwi nito, kakain lang ito saka agad nang hahawakan selpon nang hindi man lang nakapagbibihis ng damit pangbahay na labis niyang ikinaiinis.

Ito ang dahilan para ganoon na lamang siya magalit dito halos araw-araw. Kaya naman, ngayong nagsasabi ito sa kaniyang nakararamdam ito ng depresyon, ganoon na lang niya ito ikinatawa.

Nababasa niya rin kasi sa social media na may tila sikat ang mga nagkakaroon ng depresyon at kapag nagpo-post ang mga ito, maraming taong naaawa at nakikisimpatiya dahilan para akalain niyang nag-iinarte lamang ang anak niya.

Nang gabing iyon, matapos niyang papasukin ang anak, agad na siyang tumabi sa kaniyang asawa at natulog.

Kinabukasan, maaga siyang nagising upang ipaghanda ng almusal ang naturang dalaga na papasok sa paaralan at ang asawa niyang papasok naman sa trabaho.

Kaya lang, mag-aalas siyete na, hindi pa rin nalabas ng kwarto ang kaniyang anak dahilan para utusan na siya ng kaniyang asawa na gisingin ito.

Ngunit nakailang katok at tawag na siya, hindi pa rin nito binubuksan ang pintuan, kahit sagot, wala siyang natanggap mula rito na labis niyang ikinapagtaka. Kinuha niya ang susi ng silid nito saka agad na binuksan ang naturang pintuan at ganoon na lang siya napasigaw nang makitang bumubula na ang bibig nito.

“Ally! Anak ko!” sigaw niya dahilan para matarantang magpunta roon ang kaniyang asawa at agad na hinanda ang kanilang sasakyan nang makitang tila nag-iiba na ang kulay ng kanilang anak.

Advertisement

Agad nilang dinala sa ospital ang kanilang anak habang siya’y mangiyakngiyak sa pagsisisi at pagdarasal.

“Huwag naman po muna, Panginoon ko, masyado pang bata ang anak ko! Patawarin mo ako dahil hindi ako nakinig sa kaniya!” sigaw niya nang paulit-ulit habang sila’y nasa daan.

Pagdating nila sa ospital, agad itong dinala sa emergency room at doon inobserbahan at ginamot ng doktor.

Ilang minuto ang lumipas, lumapit sa kanila ang naturang doktor at binalitang ayos na ang kanilang anak na labis niyang ikinasaya.

“Mabuti na lang po, agad niyong siyang nadala rito. Kung nahuli po kayo ng ilang minuto, baka umakyat na sa utak niya ang gamot na ininom niya,” balita nito na labis niyang ikinaiyak.

Ikinuwento niya sa asawa ang nangyari at sinabi sa kaniya ng anak kagabi. Tugon nito, “Nagdadalaga na ang anak natin, Helen, intindihin mo siya hanggang sa abot ng makakaya mo kaysa mawala siya sa atin. Mabuti nga at nagsasabi siya sa’yo, ibig sabihin lang noon, may tiwala siya sa’yong maililigtas mo siya sa madilim niyang mundo,” na lalo niyang ikinaiyak. 

Simula noon, hindi niya na muling pinasawalang-bahala ang mga sinasabi at nararamdaman ng anak. Palagi niya na itong kinukumusta at ginagawa ang lahat upang gumaan ang pakiramdam nito. 

Nagagabayan na niya ito, lalo pa siyang napalapit dito na lalong ikinagaan ng loob niya. 

Advertisement

Maging mapanuri sa ikinikilos ng mga anak, hindi natin alam kung ano’ng tumatakbo sa isip nila.