Inaapi ng Buong Angkan ang Isang Ginang Dahil Ito ay Mahirap Lang; Makalipas ang Ilang Taon ay Ito ang Ganti ng Kaniyang Anak
“Anak, magbihis ka at pupunta tayo sa reunion ng pamilya. Masaya iyon para makita mo rin ang mga pinsan mo,” nakangiting wika ni Grace sa kaniyang pitong taong gulang na anak na si Shelley.
“Kailangan pa po ba nating pumunta doon, ‘nay? Noong nakaraang taon po na pumunta ako ay hindi naman maganda ang pakitungo sa akin ng mga pinsan ko. Kaya kung p’wede po ay h’wag na lang po tayong pumunta,” tugon ni Shelley sa ina.
“‘Wag mo nang isipin iyon, anak. Minsan lang ang salu-salong ito sa isang taon kaya magbihis ka na at pupunta tayo. Para rin makasama mo ang mga lolo at lola mo. Tiyak ako na masaya silang makita ka,” sambit muli ni Grace.
Labag man sa kalooban ni Shelley ay pinili niya ang pinakamaganda niyang damit upang isuot. Ayaw kasi niyang mangyari na naman sa kaniya na ipinahiya siya ng ibang pinsan dahil sa simple at walang tatak ang kaniyang damit noong nakaraang taon.
Nang makarating sa pagtitipon ang mag-ina ay halata ni Shelley ang pagkasabik sa mukha ng ina na makasama ang pamilya ngunit bakas din ang pangamba nito.
“Ayon ang lolo at lola po, anak. Puntahan mo sila para makapagmano ka,” wika ng ina sa kaniyang anak.
Nang matanaw ng bata ang kinaroroonan ng kaniyang mga lolo at lola ay nasabik din siyang lapitan ang mga ito sapagkat nakita niya kung paano hagkan at kausapin ng mga ito ang kaniyang mga pinsan.
Agad lumapit ang bata at saka pilit na kinukuha ang kamay ng matatanda upang siya ay magmano. Ngunit malamig ang pakikitungo ng mga ito sa kaniya na lubos niyang hindi maunawaan.
Maya-maya ay lumapit kay Grace ang pinsan nitong si Cleo.
“Waitress, pakikuha nga ako ng wine,” sambit ng babae.
“Aba, Grace, ikaw pala ‘yan. Hindi kita nakilala. Pasensiya ka na kung napagkamalan kitang waitress. Halos magkaparehas kasi kayo ng suot. Nakakatuwa naman na makita ka dito. Buti nakapunta ka,” dagdag pa ni Cleo.
“Kinagagalak din kita makita ngayon, Cleo. Kamusta ka na at ang pamilya mo?” magalang na tanong ni Grace.
“Heto, maayos pa rin naman. Inuubos ko ang oras ko sa mga pag-aasikaso ng negosyo ng asawa ko at pagpunta sa ibang bansa. Ang mga bata, lahat sila ay eksklusibong paaralan lahat sila nag-aaral. Ikaw, kumusta? Kasama mo ba ang anak mo? Ay ayon siya, kitang-kita siya, kasi naman tingnan mo ang itsura niya. Sana naman ay ginayakan mo ng maayos,” patuloy ng pinsan.
Napayuko na lamang si Grace sa lahat ng sinabi ni Cleo. Kitang-kita naman ng batang si Shelley kung paano nag-iba ang itsura ng kaniyang ina. Nasasaktan din siyang pagmasdan kung paano maliitin ng mga ito ang kaniyang nanay.
Nang paalis na sila ay isa-isang nagbigay ng regalo ang mga lolo at lola nila. Malalaki ang lahat ng regalo na naibigay sa mga batang naroroon ngunit kay Shelley ay isang daan piso lamang.
“Hindi ko kasi alam na pupunta kayo kaya hindi nakabili ng para sa iyo,” sambit ng matanda.
Kinuha ni Shelley ang pera at unti-unting nilamukos at isinilid sa kaniyang bulsa.
“‘Nay, sa susunod po ay h’wag na tayong pupunta sa reunion. Sa totoo lamang po ay kating-kati na ako sa damit ko. Saka mas masaya pa po ‘yung magkasabay tayong kumakain sa hapunan habang nagkukwentuhan at nanonood ng telebisyon,” saad ng bata sa ina.
Nangingilid man ang luha ay tumango na lamang si Grace.
“Pasensiya ka na, anak, ha. Gusto ko lang naman kasi na mailapit ka sa mga kamag-anak natin,” wika ng ginang.
Naalala ni Shelley ang mga nangyari sa salu-salo. Maging ang tagpo noong bata pa siya na halos lumuhod ang kaniyang ina para lamang makahirap ng kakarampot na pera upang maipagamot siya nito nang siya ay nagkaroon ng sakit. Naguguluhan siya dahil kung kamag-anak nila ang mga iyon ay ganoon na lamang ang pagtrato sa nanay niya.
Upang malaman niya ang katotohanan ay nagtanong siya sa matalik na kaibigan ng kaniyang ina.
“Alam mo, Shelley, wala ako sa lugar para magsabi nito sa’yo. Saka bata ka pa dapat ay hindi ka nakikisali sa ganiyang usapin,” saad ni Leah, matalik na kaibigan ni Grace at ninang ng bata.
“Sige na po, Ninang. Nalulungkot po kasi ako sa ginagawa nila sa nanay ko,” pagpupumilit ng bata.
“Galit kasi ang pamilya niya sa nanay mo dahil hindi siya nakapangasawa ng mayaman tulad ng kanilang pamilya. Maraming mayayaman ang nanliligaw sa kaniya noon ngunit ang pinili niya ay ang tatay mo na isang karpintero,” kwento ni Leah.
“Ngunit mabait naman po ang tatay ko. Mahal na mahal po niya kami noong nabubuhay pa siya,” saad muli ni Shelley.
“Oo, Shelley. Pero may mga tao kasi na mas matimbang ang pera at katuyuan sa buhay. Kaya ipangako mo sa akin na magiging mabait kang bata at lagi mong aalagaan ang nanay mo dahil ikaw na lang ang mayroon siya,” sambit ng ninang ng bata.
Mula noon ay natatak na sa isip ni Shelley na kailangan ay may marating siya sa buhay. Nais niyang maiahon ang ina sa kahirapan upang sa gayon ay hindi na ito maliitin ng kung sino pa man.
Nag-aral siya ng husto at nang magkolehiyo ay nakakuha siya ng scholarship sa ibang bansa. Nang makatapos ay nagkatrabaho at isinama na niya ng tuluyan sa Amerika ang kaniyang ina. Doon ay namuhay sila ng masagana dahil na rin sa pagtityaga ni Shelley at sa maganda nitong hanapbuhay.
“Sigurado ka ba sa gagawin natin, anak?” saad ni Grace sa kaniyang ina.
“Sa totoo lang ay ayaw ko na silang makita, ‘nay. Pero matagal kong hinintay ang araw na ito,” wika ng anak.
Umuwi pa-Pilipinas ang mag-ina dahil sa unang pagkakataon ay inanyayahan sila ng pamilya sa kanilang reunion. Nang makarating sila doon ay tila ibang-iba ang trato sa kanila ng mga ito. Marahil na rin kasi ay mas nakakaangat na ang buhay ng mag-ina kaysa sa mga ito.
Lumapit si Cleo sa kanila, maging ang ibang kamag-anak at ang lolo at lola ni Shelley. Mainit ang pagtanggap ng mga ito sa kanila. Patuloy ang pangangamusta ng mga ito saka ang mga papuri sa mag-ina. Hanggang sa nagsalita na si Shelley.
“Nakakatuwa at nakakatawa na ganiyan na ang lumalabas sa bibig ninyo ngayon samantalang noon ay grabe niyong matahin ang nanay ko. Hindi ko nga alam noon bakit pinagsisiksikan pa ng nanay ko ang sarili niya sa pamilyang ito gayong wala naman talagang tunay na tao rito,” bungad ni Shelley.
“Anak, tama na ‘yan..” pigil ng ina.
“Hayaan mo ako, ‘nay. Nang malaman ng mga taong ito na sumasamba sa mga materyal na bagay kung ano talaga sila sa mundo at nang malaman din nila na hindi na natin kailan man ipagsisiksikan ang sarili natin sa kanila. Ito na ang huling pagpunta namin sa reunion. Dahil ang tunay na reunion ng pamilya ay pagkokonekta sa kamag-anak ng buong pagmamahal. At wala kayo ng bagay na iyon,” sambit pa ng dalaga.
“Tara na po, ‘nay. Bumalik na po tayo sa hotel. Mas masaya pa po ang kumain ng hapunan kasama kayo habang nagkukwentuhan at nanonood ng telebisyon kaysa manatili dito,” saad ni Shelley sa ina.
Mas pinili na lamang ng mag-ina ang mamuhay ng tahimik at sila na lamang. Iwinaksi na rin ni Shelley ang sama ng loob niya sa mga kamag-anak ng ina sa lahat ng ginawa ng mga ito. Para sa kaniya ang tanging pamilya na mayroon sila ng ina ay ang isa’t-isa.