Palaisipan ang Pangongolekta ng Isang Matanda ng Basag na Salamin; Nagulat ang Dalagita nang Matuklasan ang Ginagawa ng Matanda Dito
“Aray ko! Basag na salamin na naman!” wika ni Jobel habang nagkakalkal sa tambakan ng basura.
“Hindi ko malaman talaga sa mga tao kung bakit hindi sila marunong magtapon ng ganitong bagay. Delikado kaya ito para sa atin,” muling sambit ng dalagita habang pilit na pinapadugo ang nasugatan niyang kamay.
Agad na nilapitan siya ng matandang si Mang Temyong.
“Patingin nga!” saad nito.
Agad na inilahad ng dalagita ang kamay sa matanda.
“Hindi ang sugat mo, ang salamin. Nasaan na?” muling wika ni Mang Temyong.
“Akala ko pa naman ay nag-aalala kayo sa akin, Tata Temyong. ‘Yung salamin pala ang gusto niyo! Eto po,” saad ni Jobel sabay abot ng basag na salamin sa matanda.
“H’wag niyong sabihing kukunin niyo na naman ang basag na salamin na iyan, Tata Temyong?” dagdag pa ng dalagita.
Isinilid lamang ni Mang Temyong ang basag na salamin sa kaniyang bitbit na sako.
“Mag-iingat ka kasi. Tingnan mo kung ano ang nangyari sa iyo. Sige na at maghanap ka na ng kalakal d’yan mamaya ay tawagin ka na ng nanay mo, kapag wala kang kita ay mapapagalitan ka na naman,” pahayag ng matanda.
Laking pagtataka naman ni Jobel kung bakit ang hilig mangolekta ng matanda ng basag na salamin na napupulot nila sa basurahan.
“Tata Temyong, gusto ko lang malaman. Bakit ba ang hilig niyo sa salamin? May ginagawa ba kayong proyekto? O gustong gusto niyo lang talagang makita ang sarili niyo? Gwapong-gwapo ba kayo sa sarili niyo?” biro ni Jobel sa matanda.
“Wala naman. basta mamulot ka na lang ng kalakal diyan. Ayokong makita ka na namang umiiyak dahil nahampas ka ng nanay mo. Ito, kunin mo itong mga boteng ito idagdag mo pa riyan sa nakuha mo,” sambit ni Mang Temyong kay Jobel.
“Hayaan mo na si nanay, Mang Temyong. Sagutin niyo na po ang tanong ko. Alam niyo namang hindi ko kayo titigilan, e,” pangungulit ng dalagita.
“Ikaw talaga. Wala talagang tigil ang bibig mo sa kakadaldal,” natatawang wika naman ng matanda.
“Hay nako, tara na nga sa tindahan at baka gutom lang iyan. Bumili tayo ng hopia at palamig!” dagdag pa nito.
“Ay hindi ako tatanggi d’yan, Mang Temyo! Tara na agad!” yaya ng dalagita.
Madalas na magkasama ang dalawa sa tambakan ng basura upang manguha ng kalakal. Marami ang kasundo ng matanda dahil sa mabuting ugali nito at masayahing disposisyon sa buhay. Ngunit isa lamang ang ipinagtataka ng mga kasama niya sa basurahan, ito ay ang pagkahilig ng matanda sa pangongolekta ng salamin.
“Tata Temyong, bakit wala pala kayong asawa o kaya anak?” tanong ni Jobel habang kumakain ng nilibre sa kaniyang hopia.
“Hindi ko rin alam, Jobel. Baka wala talagang nagkamali sa kagwapuhan ko!” biro pa ng matanda.
“Kumain ka nga riyan at kung anu-ano ang tinatanong mong bata ka!”
Kahit na nagbibiruan ay hindi pa rin maiwasan ni Jobel na maisip kung saan dinadala ng matanda ang mga basag na salamin na napupulot nito. Upang kaniyang malaman ay sinundan niya ang matanda sa bahay nito. Nang lumabas si Mang Temyong sa kaniyang bahay upang bumili ay agad na pumasok ang bata sa loob.
Nabigla si Jobel na puno ng mga basag na salamin ang bahay ng matanda. Kahit saan siya tumingin ay nakikita niya ang kaniyang sarili.
Dahil natatakot sa kaniyang natuklasan ay lalabas na sana siya sa bahay ng matanda ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon ay naabutan siya nito.
“A-anong ginagawa mo sa loob ng bahay ko, Jobel? Bakit ka narito?” saad ni Mang Temyong na gulat nang makita ang dalagita.
“W-wala po, Mang Temyong. A-aalis na po ako. Aalis na po ako!” natatakot niyang tugon.
“H’wag kang matakot, Jobel. Wala akong gagawing masama sa iyo. Maupo ka muna,” paninigurado ng matanda.
Kumalma si Jobel at sinunod ang matanda.
“Mang Temyong, bakit po ganito ang loob ng bahay ninyo. Bakit po punung-puno ng basag na salamin?” tanong ng dalagita.
Nagbago ang mukha ni Mang Temyong.
“Sa totoo lang ay hindi ko alam kung paano sisimulan ipaliwanag sa iyo. Hindi madali ang dinanas ko sa buhay. Maagang lumisan ang mga magulang ko dahil sa hirap ng buhay ay hindi na nakayanan pang magpagamot ng kanilang sakit. Ngunit palagi nilang ipinapaalala sa akin na kailangan kong hanapin ang magagandang bagay sa buhay kahit na masaklap ang naging kapalaran ng aming pamilya.
Kung saan-saan ako napadpad. Hanggang sa ako ay nagbinata. Hindi ba ay tinatanong mo sa akin kanina kung bakit wala akong asawa at anak? Meron. Merong akong naging asawa at mayroon akong isang anak. Natatandaan ko pa na sa tuwing malungkot ako ay itatapat ako ng asawa ko sa salamin. Ipapakita niya sa akin kung gaano kapangit ang busangot kong mukha. Doon ay mapapangiti na ako.
Maganda na sana ang buhay dahil na riyan ang pinakamamahal kong si Maryang. Lalo na nang malaman kong nagdadalantao siya. Ngunit dahil sa mahirap lamang kami, hindi ko nagawa na dalhin siya sa ospital nang siya ay manganak. Hindi na kinaya ng kaniyang katawan kaya binawian na siya ng buhay pati na rin ang anak ko ay hindi na nailigtas.
Gusto ko nang sumuko sa totoo lang. Ngunit sa tuwing naiisip ko ang mga magulang ko at ang sinasabi ni Maryang ay nabubuhayan ako ng loob.
Inilagay ko ang mga salamin na ito upang maiwasan ko ang malungkot. Upang sa tuwing nakabusangot na naman ang aking mukha ay makita ko ito at palitan ko ito ng ngiti,” pahayag ni Mang Temyong.
Ngayon ay naintindihan na ni Jobel ang pinagdaraanan ng matanda. Kahit pala sa panglabas nito ay para itong masayahin ay malalim pala ang pinaghuhugutan nito. Iginala ni Jobel ang kaniyang mga mata sa bahay ng matanda at hindi rin niya naiwasan na mapangiti nang makita ang kaniyang itsura.
Dahil na rin sa sinabi ng matanda ay natutunan ni Jobel na maging masaya sa mga simpleng bagay na mayroon siya. Hindi man materyal na bagay kung hindi ang simpleng nagising siya kinabukasan.
Ngayong alam na niya ang sikreto ng matanda ay lalong naging malapit ang mga ito sa isa’t isa.
Nagagalak naman si Mang Temyong sapagkat nakakuha siya ng isang kaibigan sa katauhan ng dalagitang si Jobel.