Inday TrendingInday Trending
Harap-harapang Niloloko ng Asawa ang Kaniyang Misis; Hindi Nila Akalain ang Kaya Nitong Gawin

Harap-harapang Niloloko ng Asawa ang Kaniyang Misis; Hindi Nila Akalain ang Kaya Nitong Gawin

“Hanggang kailan mo balak gawin sa akin ito, Celso? Hindi ba nag-usap na tayo na aayusin na natin ang relasyon natin? Anong nangyari?” pagtangis ni Sandra sa kaniyang mister.

“Tapat naman ako nang sinabi ko sa’yo na gusto ko nang maging maayos ang lahat. Pero wala akong magagawa, Sandra, buntis si Jane. At alam mo kung gaano ko kagusto ang magkaroon ng anak,” sambit naman ni Celso.

Napayuko na lamang ang ginang dahil alam niyang ito ay isang malaking pagkukulang niya sa kaniyang asawa.

“Papanagutan ko lang ang bata pero hindi si Jane. Pangako ko sa’yo, ikaw pa rin! Hindi ko lang talaga kayang pabayaan ang magiging anak ko,” muling sambit ng mister.

Muli, ay nabilog na naman ni Celso ang ulo ni Sandra.

Anim na taon na simula nang magpakasal ang dalawa ay hindi pa rin kasi sila binibiyayaan ng anak. Alam ni Sandra kung gaano ka-nais ng kaniyang asawa na magkabuo sila ng pamilya. Ngunit hindi ito maibibigay ni Sandra dahil sa kaniyang kundisyon. Ang akala ni Sandra ay ayos lamang ito sa kaniyang asawa. Ngunit patuloy ang pambababae nito.

Sa tuwing mahuhuli ni Sandra si Celso ay lagi nitong sinasambit ang kakulangan ng babae. Dahil dito ay minsan nang nagpasya ang ginang na tuluyang iwan ang asawa ngunit dahil sa takot ni Celso na pulutin lamang siya kung saan ay pinaniwala niya ang asawa na magbabago na siya. Kailangan niya itong tiisin sapagkat pinakasalan lamang niya si Sandra dahil sa yaman nito.

“H’wag mo sabihin sa akin, Sandra, na naniwala ka na naman d’yan sa impakto mong asawa! Malapit na talaga kitang patayuan ng rebulto!” sambit ni Loise na matalik na kaibigan ng ginang.

“Anong magagawa ko, Loise. Kasal kami. Saka mahal ko si Celso. Saka naisip ko rin baka ito na ang pagbabago talaga niya dahil magkaka-anak na kami,” saad naman ni Sandra.

“Anong kayo? Siya lang ang magkakaanak, Sandra. Hindi sa iyo ang batang iyon! Bakit ka aako ng responsibilidad na hindi naman sa iyo? Tapos ay sa kabit pa ng asawa mo!” galit na wika ng kaibigan.

“Kung si Henry siguro ang nakatuluyan mo ay hindi mangyayari sa iyo ang ganitong bagay! Hindi ka sana nahihirapan ng ganiyan! Napakawalang kwenta ng asawa mo!” patuloy ang galit ni Loise.

“Tama na, Loise. H’wag na nating ibalik ang nakaraan. Saka tingin ko ay maganda na ang buhay ni Henry. Ayaw ko na ring nadadamay pa siya sa relasyon naming ni Celso. Baka marinig ka ng asawa ko,” pakiusap ni Sandra.

Masugid na manliligaw noon ni Sandra itong si Henry. Maayos ang lagay ng pamilya nito at talagang mahal na mahal siya. Ngunit tila nabulag siya sa mga pambobola ni Celso kaya siya nahulog dito. Ngunit ang totoo, minsan ay naiisip ni Sandra kung ano na kaya talaga ang lagay ng buhay niya kung si Henry ang nakatuluyan niya.

Sa mga pagkakataong ito ay agad niya itong iniaalis sa kaniyang isipan dahil ayaw niyang magtaksil sa kaniyang asawa.

Isang araw ay nagulantang na lamang si Sandra nang biglang iniuwi ni Celso ang kabit niyang si Jane sa kanilang tahanan.

“A-ano ang ginagawa ng babaeng ‘yan dito, Celso?” sambit ni Sandra.

“Dito muna si Jane. Maselan ang pagbubuntis niya. Kailangan kong makasiguro na maayos ang magiging lagay niya para sa kaayusan ng bata. Kapag umayos na ang lagay niya ay agad din siyang aalis. Iyon ang kasunduan namin. Pumayag ka na, Sandra.”

“Walang pakialam si Jane sa bata. Ibibigay niya ang bata sa atin kapag naipangak na at hindi na maghahabol pa. Hindi ba ay gusto mo na rin namang magkaanak? Saka sa tingin ko ay mas magkakalapit tayo at mas magiging mas masaya ang pamilyang ito kapag may anak na tayo,” bulalas ni Celso.

Muling nabilog na naman ni Celso ang ulo ng kaniyang asawa. Ngunit hindi naging tapat ang mister kay Sandra. Patuloy pa rin ang naging relasyon ng mga ito. Ang pinakamasakit pa ay nang mahuli ng ginang ang dalawa na may ginagawa mismo sa kanilang silid ngunit wala siyang lakas nang loob upang komprontahin ang dalawa.

Upang maibsan ang sama ng loob ay nakipagkita siya sa kaniyang kaibigang si Loise. Laking gulat niya na wala ito sa kanilang tagpuan at ang naroon ay ang dati niyang manliligaw na si Henry.

“A-anong ginagawa mo dito? Nasaan si Loise?” tanong ni Sandra sa ginoo.

“Hindi ko rin alam. Ang sabi niya sa akin ay kailangan naming magkita. Hindi ko alam na ikaw pala ang dadatnan ko dito, Sandra. Sana pala ay nagdala ako ng bulaklak o kahit ano para sa iyo,” wika ni Henry.

“Sige, uuwi na ako, Henry. Pasensiya ka na kay Loise. Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa isip ng babaeng iyon. Aalis na ako,” saad ni Sandra.

Ngunit bago pa man makatalikod ang ginang ay agad na siyang pinigil ni Henry.

“Hindi ko alam kung ano ba talaga ang balak ni Loise at pinapunta niya ako dito, Sandra. Pero hindi ko na sasayangin pang muli ang pagkakataong ito. Mahal pa rin kita, Sandra. Ikaw at ikaw pa rin ang laman nitong puso ko,” pag-amin ni Henry.

“Ngunit may asawa na ako, Henry,” tugon ni Sandra.

“Pero hindi ka naman masaya, hindi ba? Sandra, alam ko ang nangyayari sa iyo at sa asawa mo. Handa akong ibigay ang buhay ko para sa kaligayahan mo. Ganoon kita kamahal. Sana ay bigyan mo ako ng pagkakataon,” saad muli ng ginoo.

Alam ni Sandra na kapag pumayag siya sa gusto ni Henry ay para na rin siyang si Celso na hindi tapat sa kanilang pagsasama. Ngunit sa tuwing naaalala niya ang mga pinaggagawa ng asawa ay nais niyang gumanti.

“Sa totoo lang ay nais kong gumanti sa asawa ko. Pero ayaw kong gamitin ka, Henry. Sa tingin ko ay dapat lang na gawin ko ang tama. Kaya sa muling pagkakataon na ito ay kailangan kong tanggihan ang pagmamahal mo,” naiiyak na tugon ni Sandra.

Ngunit hindi sumuko si Henry. Lagi siyang nariyan upang sandalan ng ginang. Sa tuwing sumasama ang kaniyang kalooban ay laging nariyan ang ginoo upang pasayahin siya. Sa tuwin sila ay magkasama ay nalilimutan lahat ni Sandra ang kaniyang mga problema.

Isang araw ay natuklasan ng ginang ang balak ni Celso at ng kaniyang kabit. Hindi pala totoong maghihiwalay ang mga ito. Nais lamang ng mister na manatili sa kaniyang tabi dahil sa kaniyang pera. Ito na ang huling pisi ng pasensiya ni Sandra.

Sa pagkakataong ito ay hindi na siya nakapagpigil pa. Alam niyang malaking kahihiyan ang dadalhin nito sa kaniya at sa kaniyang pamilya ngunit hindi niya mapapayagan na muli siyang lokohin ng asawa.

Kumausap siya ng isang magaling na abogado. Tinulungan siya nito para tuluyang madakip at maparusahan ang mister sa mga ginawa nito sa kaniya. Agad na rin niyang pinawalang bisa ang kanilang kasal. Nasasaktan man ay pilit na lumalaban si Sandra sapagkat mas masakit kung mananatili pa siya sa piling ng dating asawa.

Ilang taon din ang nakalipas at ang dami ng nangyari. Si Celso ay halos gumapang na sa hirap at iniwan na din ng kaniyang kabit. Samantalang si Sandra ay tuluyan ng nakabangon.

Handa na muli si Sandra na buksan ang kaniyang puso upang magmahal. Alam niya kung sino ang kaisa-isang taong makapagbibigay ng halaga sa kaniya. Ito ay walang iba kung hindi si Henry na naghihintay pa rin para kay Sandra.

“Maraming salamat at hinintay mo ako, Henry. Marami mang lamat ang puso ay handa akong ibigay ito sa iyo ng buong-buo,” sambit ni Sandra sa ginoo.

“Marami mang lamat ang puso mo ay narito ako para buuin itong muli. At pinapangako ko sa iyo, mahal, na kahit kailan ay hindi na ito muling malalamatan pa. Sa’yong sa’yo ako habang buhay,” wika naman ni Henry.

Hindi nagtagal ay nagpakasal ang dalawa. Lubos na kaligayahan ang naramdaman ni Sandra sa piling ni Henry. Hindi na muling nilingon pa ni Sandra ang nakaraan sapagkat masaya na niyang sasalubungin ang bawat hinaharap kapiling ang bago niyang asawang si Henry.

Advertisement